Tinatamad nang Magtrabaho ang Binatang Ito, Isang Matanda Lang Pala ang Makapagbibigay Muli sa Kaniya ng Lakas

“Bernard! Natutulog ka na naman! Hindi ba’t may trabaho ka ngayong gabi?” bulyaw ni Ivy sa asawa niyang mahimbing ang pagkakatulog kahit na oras na ng trabaho, isang gabi nang maalimpungatan siya sa pagkakatulog.

“Napapagod na ako, mahal! Gabi-gabi na lang kumakausap ako ng mga Amerikanong maraming problema at reklamo!” tugon ni Bernard saka mabilis na nagtalakbong ng kumot. 

“Natural, trabaho mo ‘yan, Bernard! Maswerte ka pa nga’t may trabaho ka kahit na may kumakalat na sakit ngayon! Ang iba nga’y nanlilimos na lang para may pangkain sa pamilya nila!” sermon pa ng kaniyang asawa dahilan upang labis siyang mainis.

“Kahit na, ikaw kaya ang magtrabaho gabi-gabi? Puyat ka na, namumura ka pa ng mga tumatawag!” sigaw niya rito, bigla namang napatikom ang bibig niya nang makitang nanlilisik na ang mata ng kaniyang asawa habang pinapatahan ang anak nilang nagising dahil sa sigawan nila.

“Sige, ako ang magtatrabaho pero huwag kang kakain sa pamamahay na ito! Doon ka na rin tumira sa nanay mo, tutal, para kang batang umiiyak sa pang-aaway ng isang batang kalaro!” tugon nito saka siya iniwan sa kanilang silid, wala siyang ibang magawa kung hindi ang sumunod dito at magtrabaho kahit pa lingid na sa kaniyang kagustuhan.

Maituturing maswerte na ang padre de pamilyang si Bernard dahil kahit pa nasa gitna ng pandemya ang buong bansa, siya’y may pinagkakakitaan pa rin. Isa siyang call center agent na nagtatrabaho ngayon sa kaniyang bahay dahil nga sa nasabing sakit. May kalakihan man ang sweldo niya kumpara sa ibang nagtatrabaho, depresyon naman ang kapalit nito base sa mga nararanasan niya.

May pagkakataon kasing siya ang sinisisi ng mga nagrereklamo. Sa katunayan pa nga, palagi siyang namumura ng mga customer, bukod kasi sa may problema na ang kompyuter na pinadala sa kaniya ng pinapasukang kumpanya dahil sa kalumaan, mahina pa ang kanilang internet connection dahil malapit na sila sa bukid. Kaya naman, ganoon na lang ang nararamdaman niyang pagod sa gabi-gabing pagtatrabaho.

Ito ang tangi niyang dahilan upang tamarin sa pagtatrabaho. Ang oras na dapat ay ginugugol niya sa pagtatrabaho, madalas, itinutulog niya na lang upang maibsan ang bigat na nararamdaman na nagbubunga naman nang pagbaba ng kaniyang sahod dahilan upang halos araw-araw, bungangaan na siya ng kaniyang asawa.

Advertisement

Noong gabing iyon, matapos niyang buksan ang kompyuter sa kanilang sala, may biglang kumatok sa kanilang pintuan dahilan upang labis siyang magtaka. Isinarado niya muna ang pintuan ng kabila nilang silid kung saan lumipat ang kaniyang mag-ina upang masigurado ang kaligtasan ng mga ito saka niya sinilip sa kanilang bintana kung sino ang kumakatok sa kanila ngayong dis oras ng gabi.

Nakita niya ang isang matanda, may bitbit-bitbit itong malaking gunting at doon na siya nagsimulang kabahan.

“Lo-lolo, a-ano pong maitutulong ko sa’yo?” sambit niya habang inaabot ang walis tambong nasa gilid ng kanilang pintuan.

“Hijo, maaari ko bang pantayin ang mga halaman at damo niyo? Kailangang-kailangan ko lang ng isang kilong bigas, dalawang araw na kaming hindi kumakain ng asawa kong may sakit,” sagot ng matanda, bakas sa boses nito ang pagpipigil ng luha.

Labis siyang nakaramdam ng awa dahilan upang agad niyang buksan ang kanilang pintuan. Tumambad sa kaniya ang isang matandang nanginginig na sa gutom dahilan upang mataranta siyang bigyan ito ng kaning lamig at natira nilang ulam.

“Kumain po muna kayo, lolo,” sambit niya saka ito pinapasok sa kanilang bahay.

Doon niya nalamang ang matandang ito pala ay isang jeepney driver na ngayo’y walang trabaho dahil sa kumakalat na sakit. Tinangka na pala nito ang lahat ng maaaring mapasukang trabaho, ngunit dahil sa katandaan nito, hindi ito tinatanggap.

Labis siyang nakaramdam nang pangongonsensya nang marinig ang kwento ng naturang matanda. Sa loob-loob niya, “Tama nga ang asawa ko, maswerte pa pala talaga ako. Pakiramdam ko, napakahina ko sa pag-inda ng depresyong buhat ng trabaho ko. Kung ako nahihirapan na, ano pa kaya si lolo na matanda na nga, walang trabaho, may sakit pa ang asawa.”

Advertisement

Wala na siyang sinayang na oras, nang matapos itong magkwento’t kumain, binigyan niya ito ng tatlong kilong bigas at ilang mga delata. Hindi na niya ito pinagtrabaho dahil nga gabi na’t may katandaan na ito. Binilinan niya rin itong bukas ang kanilang bahay para rito na labis namang ikinatuwa nito.

Pagkaalis ng matanda, agad na siyang nagtrabaho. Muli pang nakatanggap ng mga mura’t reklamo, pasok sa kaliwang tainga, labas sa kabila na ang kaniyang ginagawa ngayon. 

Ikinuwento niya kinaumagahan sa asawa ang nangyari at labis itong humanga sa kaniya dahilan upang lalo siyang magpursigi sa kaniyang trabaho.