Matapos ang Tatlong Dekada, Nakalaya na rin ang Napiit na Magsasaka; Anong Buhay ang Naghihintay sa Kaniya sa Labas?

“Laya ka na…”

Napatingin si Mang Alberto sa pulis na nagsabi sa kaniya ng mga pahayag na matagal na niyang inaasam-asam na marinig. Sa wakas, makalipas ang halos tatlong dekadang pagkakakulong, laya na nga siya.

Isa si Mang Alberto sa mga mapapalad na kosang nabigyan ng parole dahil sa magandang pag-uugali na ipinamalas sa loob ng piitan. Nagbunga naman ang lahat. Hindi niya intensyong gawin ang pagbabago para lamang makakuha ng parole; kundi upang talagang baguhin ang kaniyang buhay.

“Berto, huwag ka makalilimot, ha? Huwag ka nang babalik dito. Balik ka na lang dito kapag dadalawa ka. Huwag kang makalilimot magpatikim sa amin ng pansit habhab,” masayang biro sa kaniya ni Selmo na naging kaselda niya at naging kaibigan na rin.

“Oo nga, Berto. Tapos kapag may oras ka, sabihan mo naman misis ko na dalawin naman nila ako, miss na miss ko na sila. Tatlong taon na akong hindi dinadalaw, baka may iba na iyon,” mangiyak-ngiyak na bilin sa kaniya ni Chiquito, ang isa sa kanilang mga kakosa.

“Salamat mga pare. Lahat ng mga gusto ninyong ipagawa, ipagawa na ninyo sa akin!” masiglang sabi naman ni Mang Alberto.

“Anong balak mo pagbalik sa Lucban?” tanong ni Mang Tano, ang tumatayong ama-amahan nila sa loob ng kanilang selda.

“Hindi ko pa po alam. Hindi pa nga po yata alam ng misis at mga anak ko na laya na ako. Sosorpresahin ko na lang po sila. Mga dalawang taon na rin akong walang komunikasyon sa kanila. Sana may balikan pa ako,” sagot ni Mang Alberto.

Advertisement

“Masaya ako para sa iyo, Alberto. Mabuti ka pa. Makakapagsimula ka ulit ng bagong buhay kaya huwag ka na ngang bumalik dito. Bibihira ang nabibigyan ng pagkakataong makalabas. Huwag mong sayangin,” bilin ni Mang Tano.

Nang gabing iyon, hindi makatulog si Mang Alberto. Kinabukasan, malaya na siya. Hindi niya maintindihan kung ano ang mararamdaman. Malungkot siya na masaya na nanatakot na kinakabahan. Malungkot siya dahil iiwan na niya ang mga kakosang naging pamilya na rin niya. Kung siya lamang ang masusunod, gusto niya, lahat sila ay magkakasamang lalaya mula sa likod ng mga rehas na iyon. Masaya siya dahil muli siyang makabababalik sa Lucban, Quezon at makakasama ang kaniyang pamilya. Subalit natatakot din siya. Hindi niya alam kung ano ang naghihintay sa kaniyang pagbabalik. Maliliit pa ang kaniyang mga anak nang makulong siya. Napatay niya ang may-ari ng sakahan nang hindi nito ibigay noon ang parte ng mga kapwa niya magsasakang nagbuwis ng dugo at pawis sa bukid, gaya ng napag-usapan. At dahil makapangyarihan at mayaman ang kaniyang binangga, naipakulong siya nito.

Dalawampu’t apat na mga kamay na nakasampay sa mga rehas ang namaalam sa kaniya, hatid ng dalawampu’t apat ding mga matang nakasunod sa kaniya ng tingin; umaasam na sana ay nakasabay ring umalis.

Dala ang kakaunting gamit, nanibago si Mang Alberto sa kung saan sasakay ng bus pabiyaheng Lucban. Sa pagtatanong-tanong, nakarating siya sa bagong terminal ng bus na may biyaheng pa-Quezon.

3 Tips for Choosing a Travel Bag | The Art of Manliness

Sumakay siya. Mabuti na lamang at may pera siya, mula sa mga kinita niya sa mga ginawang handicraft na naibenta naman nang maayos sa labas. Habang lumululan ang bus, nakatanaw sa malayo si Mang Alberto. Hungkag ang kaniyang isipan. Hindi niya alam kung paano haharapin ang misis na si Gloria, at ang mga anak na pihadong malalaki na, o baka nga may sari-sarili nang pamilya.

Pagdating sa Lucban, sumakay si Mang Alberto sa isang tricycle at nagpahatid sa kanilang tirahan. Parang may daga sa kaniyang dibdib. Tila umiikot ang kaniyang sikmura. Ilang sandali na lamang, masisilayan na niya ang kaniyang pamilya.

Napatda si Aling Gloria nang makita ang mister na si Mang Alberto. Nakatayo ito sa kaniyang harapan. Hindi siya namamalikmata.

“A-Alberto? A-anong ginagawa mo rito?” maang na tanong ni Aling Gloria.

Advertisement

“G-Gloria, mahal… laya na ako,” tila may bikig sa lalamunang sabi ni Mang Alberto.

“Glo, sino iyan?” isang lalaki ang sumungaw sa bintana upang tingnan kung sino ang bisita. Kitang-kita ni Mang Alberto na tinakasan ng kulay ang mukha ng misis.

“Ikaw, sino ka?” tiim ang bagang na tanong ni Mang Alberto sa lalaki.

“A-Alberto, s-siya si E-Emil… ang bago kong kinakasama. E-Emil, si A-Alberto… ang asawa ko… laya na siya,” halos magkandabulol-bulol na pagpapakilala ni Aling Gloria sa kanilang dalawa.

“Hayop ka, Gloria… kaya pala hindi mo na ako dinadalaw dahil may iba ka na? Hindi pa ako pat*y para hanapan mo ako ng kapalit! Kasal pa rin tayo!” galit na sumbat ni Mang Alberto sa misis.

“P-Patawarin mo ako A-Alberto… hindi ko alam na lalaya ka pa. Patawarin mo ako. Kinailangan ng tatay ng mga anak natin…”

“Ang sabihin mo, kinailangan mo ng taong kakamot sa pangangati mo!” galit na sabi ni Mang Alberto.

Lumabas ang lalaking kinakasama ni Aling Gloria na may dalang itak at iwinasiwas sa harapan ni Mang Alberto.

Advertisement

“Hoy, tapos na kayo ni Gloria! Kung ako sa iyo, lumayas ka na rito dahil hindi ka na niya mahal! Matagal na kaming nagsasama rito, at wala ka nang lugar sa buhay niya,” pagbabanta ni Emil.

Nagpanting ang mga tenga ni Mang Alberto.

“Wala kang karapatang pagsabihan ako nang ganiyan sa sarili kong pamamahay at lupa!”

Nagpambuno sina Mang Alberto at Emil. Dagok, dagok, suntok, sipa, suntok, dagok, dagok. Nagdilim ang paningin ni Mang Alberto. Sa isang iglap, nakita niya ang may-ari ng sakahang nanloko sa mga kapwa niya magsasaka na naging dahilan ng kaniyang pagkakakulong. Kinuha niya ang itak. Iwinasiwas sa hangin. Paulit-ulit. Hindi niya na narinig ang nakapanghihilakbot na pagmamakaawa at pag-awat ni Aling Gloria. Nagkulay-dugo ang paligid.

Sa likod ng mga rehas, walang pinagsisisihan si Mang Alberto. Wala na siyang pamilya sa labas dahil iniwan na siya. At ngayon, babalik siya sa seldang nagkanlong sa kaniya nang maraming mga taon; hindi siya nakaramdam ng kahit na anomang pagsisisi sa kaniyang ginawa.

National group is paying bail for poor jail defendants in Detroit | Bridge  Magazine

Sa loob ng bilangguan, libre ang pagkain, libre ang tubig, at libre ang higaan. Tanggap siya bilang siya, at walang manloloko sa kaniya.