Sa Mismong Araw pa Mismo ng Pagtatanghal ng Aktres sa Teatro, Nabalitaan Niyang Naghihingalo na ang Maysakit Niyang Ina; Ano ang Pipiliin Niya?

“Inay, inay! May good news po ako sa inyo! Ako po ang bibida sa susunod na play, at magtatanghal ho kami sa CCP!” masayang pagbabalita ni Dulce sa kaniyang inay na si Aling Marta, na may sakit na leukemia at nakaratay sa ospital.

“Masaya ako para sa iyo, anak. Bago man lamang ako mawala, alam kong naabot mo ang pangarap mong maging bida sa play. Proud ako sa iyo,” nakangiting pagbati ni Aling Marta sa anak.

“Inay, huwag nga kayong magsalita nang ganiyan. Gagaling pa kayo. Mapapanood pa ninyo ako. Ipangako ninyo na gagaling kayo para mapanood pa ninyo ang anak ninyo, na gaganap bilang Prinsesa Mayari,” masayang sabi ni Dulce.

“Sige anak, para sa iyo. Sana payagan na ako ng ospital na makaalis dito. Ayoko na rito. Gusto ko nang umuwi. Namimiss ko na ang kaharian ko sa bahay,” biro ni Aling Marta. Ang tinutukoy nitong kaharian ay ang kusina. Mahusay magluto si Aling Marta kaya naman nagtayo ito ng maliit na karinderya sa tapat ng kanilang bahay. Nang maospital ito, nahinto rin ang karinderya, na hinahanap-hanap na ng mga suki.

“Oo nga, ‘Nay. Magpagaling ka na nga raw sabi ni Manong Ipe. Miss na raw niya ang mga ulam na niluluto mo. Hindi na raw niya mapagtiyagaan yung mga luto ni Aling Ludy,” natatawang biro ni Dulce. Si Aling Ludy ang kanilang kapitbahay na kakumpetensiya ni Aling Marta sa pagtitinda ng mga ulam.

“Maiba ako, Dulce. Baka naman napapagod ka na nang husto sa pagtatrabaho mo at pagti-teatro? Baka naman napapabayaan mo na rin ang kalusugan mo,” pag-aalala ni Aling Marta.

“Naku ‘Nay huwag mo po akong intindihin. Ayos lang po ako. Alam mo naman po, masaya ako sa ginagawa kong pagganap sa teatro. Pero kailangan ko po ang trabaho ko ngayon para masustentuhan ang mga pangangailangan natin sa pang-araw-araw, sa mga gamot ninyo at bayarin natin sa ospital,” paliwanag ni Dulce.

Si Dulce ay isang aktres sa teatro tuwing umaga, at call center agent naman sa gabi. Kailangan niya ang trabaho niya bilang call center agent upang kumayod at mabilhan ng mga gamot ang kaniyang inay. Silang dalawa na lamang kasi sa buhay.

Advertisement

Pangarap talaga ni Dulce ang maging isang aktres sa tanghalan, kaya kahit nahihirapan, ginagawa niya ang lahat upang mahanapan ng oras ang pagte-teatro. Pakiramdam niya kasi, kapag gumaganap na siya ng ibang papel, umaalis na siya sa kaniyang tunay na pagkatao. Kahit saglit, nakalilimutan niya ang mga pansariling problema.

May apat na buwang rehearsal ang pangkat nina Dulce para sa kanilang pagtatanghal. Sa mga panahong iyon, minsan ay nagdadalawang-isip na si Dulce dahil tila lumalala ang kalagayan ng kaniyang inay. Mabuti na lamang at nariyan ang kaniyang pinsang si Etang, na nag-aalaga rito.

“Anak, huwag na huwag kang bibitiw sa mga pangarap mo. Pinangarap mo na maging lead role hindi ba? Nariyan ka na. Huwag ka nang bumitiw,” laging pinapaalala sa kaniya ni Aling Marta.

“Magpagaling po kayo ‘Nay. Sabi ninyo panonoorin ninyo ako. Mangako kayo sa akin,” naiiyak na sabi ni Dulce sa kaniyang ina.

At dumating na nga ang araw ng pagtatanghal; ang araw na pinakihihintay ni Dulce. Sasalang na siya, subalit hindi siya makapagpokus. Nag-text sa kaniya si Etang, hindi raw maganda ang lagay ni Aling Marta. Hindi malaman ni Dulce ang gagawin. Nag-aalala siya para sa kaniyang ina, subaliut hindi rin naman niya maaaring basta talikuran ang play.

“Gusto mo, puntahan mo na ang nanay mo? Ako na lang gaganap sa lahat ng shows?” pagmamagandang-loob ni Joyce na siyang karelyebo niya sa role na Prinsesa Mayari.

“Ayoko naman sayangin ang lahat, Joyce. Saka, gusto rin ito ni Inay para sa akin,” sagot ni Dulce.

Limang minuto bago siya lumabas sa eksena, isang tawag ang natanggap ni Dulce: wala na ang kaniyang ina. Hindi niya puwedeng bitinin ang show. Siya ang bida, at ayaw niyang mapahiya ang buong produksyon dahil sa kaniya. The show must go on, ‘ika nga.

Advertisement

Kaya naman, tinapos pa rin ni Dulce ang kaniyang mga shows. Sa mga eksenang masaya, ipinakita ni Dulce ang kaniyang kasiyahan kahit lihim na nagdurugo ang kaniyang puso sa pagkawala ng kaniyang ina, at wala siya sa tabi nito. Sa mga matitinding eksenang nangangailangan ng pag-iyak o melodrama, ibinuhos ni Dulce ang kaniyang labis na pagkalumbay, na naging epektibo naman, dahil dalang-dala ang mga manonood. Nakatanggap pa siya ng standing ovation at dumadagundong na palakpakan dahil sa kaniyang mahusay na pagganap.

Hindi na nakadalo si Dulce sa “meet and greet” pagkatapos ng mga pagtatanghal dahil nagmamadali na siyang nagtungo sa ospital. Wala na siyang nadatnan. Nakabalot ng puting kumot ang bangk*y ng kaniyang inay. Agad niya itong niyakap nang mahigpit. Hindi na nakapanood pa sa kaniyang pagtatanghal ang kaniyang mahal na inay.

Kaya sa tuwing nagtatanghal si Dulce, iniaalay niya ang mga shows na ginagawa niya para sa kaniyang unang tagahanga at tagasuporta: para sa kaniyang inay, na alam niyang pumapalakpak para sa kaniya, saan man ito naroroon.