Kinatakutan ng mga Bata ang Isang Matandang Babae Dahil Sa Natatanggal Nitong Mata; Anong Hiwaga ang Nakapaloob sa Buhay Nito?

“Mama, mama… totoo bang halimaw si Aling Letticia?”

Napahinto sa kaniyang paglalaba si Aling Rosario sa tanong ng kaniyang anak na si Celine, 6 na taong gulang.

“Ha? Bakit mo naman nasabi iyan? Sino naman nagsabi sa iyo? Ikaw na bata ka kung ano-ano ang tinatanong mo… baka may makarinig sa iyo diyan at mapaaway pa tayo,” saway ni Aling Rosario sa kaniyang anak na may katabilan ang dila.

“Iyan po kasi ang narinig ko kina Kelly at Dulce. Halimaw raw po si Aling Letticia. Napapansin po kasi ng mga kalaro ko na parang naiiba-iba ang puwesto ng isa niyang mga mata. Nakakatakot po ang hitsura niya. Ang itim-itim po kasi ng mga ngipin niyang natitira,” tila nahihintakutang salaysay ni Celine.

Kakaiba nga ang matandang si Aling Letticia. Namumuhay na lamang itong mag-isa dahil may kani-kaniyang pamilya na rin ang mga anak nito. Ayaw umano nitong makipisan sa kaniyang mga anak dahil ayaw nitong iwan ang kanilang lumang bahay kung saan punumpuno ng masasayang mga alaala. Binibigyan na lamang ito ng pera ng kaniyang mga anak upang may maipambili ito ng kaniyang pagkain sa araw-araw.

Kapag lumalabas ito, talaga namang pinagtitinginan siya ng mga tao, lalo na ang mga bata. Maayos naman ang anyo ni Aling Letticia maliban sa kaniyang mga ngipin na nangingitim at nabubulok na. Ayaw raw niyang suotin ang kaniyang pustiso dahil hindi raw siya sanay. Puting-puti na rin ang mga buhok nito. May maliit na hikaw pa ito sa kaliwang bahagi ng ilong.

At ang isa pang kapansin-pansin kay Aling Letticia—ang kaniyang kaliwang mata. Parang may problema ito. Minsan, naiiba ng puwesto. Hinala ng iba, baka banlag lamang si Aling Letticia, kaya minsan, tila hindi ito pantay sa isa niyang mata. Bagay na kinatatakutan naman ng mga bata. May nagkuwento kasing minsan daw ay nakita nilang nawawala ang kaliwang mata ni Aling Letticia, at minsan naman daw ay naroon naman.

“Anak, masamang manghusga ng kapwa. Hindi maganda iyan. Bakit hindi na lamang ninyo tanungin si Aling Letticia tungkol sa bagay na iyan?” pangaral ni Aling Rosario kay Celine.

Advertisement

“Ayaw po namin, baka po magalit si Aling Letticia sa amin eh,” sagot naman ni Celine.

Lalong naglatang ang hinala ng mga bata na isang halimaw si Aling Letticia. Naglaro kasi ang mga bata malapit sa bahay ng matanda. Patintero. Dahil likas na maingay ang mga bata kapag naglalaro, tila nabulabog yata sa kaniyang siesta ang matanda. Lumabas ito ng kaniyang bahay.

“Hoy ang iingay ninyo mga bata… doon kayo maglaro sa walang maiistorbo, huwag dito sa tapat ng bahay ko at nagpapahinga ako!” bulyaw ni Aling Letticia sa mga bata.

Napatda ang mga batang sinaway hindi dahil sa sinaway o itinataboy sila ni Aling Letticia. Kitang-kita kasi nilang nawawala ang kaliwang mata nito.

Nagtatatakbo ang mga bata palayo. Nanatili naman si Celine sa kaniyang kinatatayuan at pinakatitigan si Aling Letticia. Naalala ni Celine ang sinabi ng kaniyang nanay na tanungin na lamang si Aling Letticia hinggil dito. Naglakas-loob si Celine na sabihin dito ang kaniyang nakita.

“A-Aling Letticia, s-sorry po kasi maingay kami. Nagising po ba namin kayo, kasi mamayang gabi, lalabas kayo para humanap ng makakaing tao o hayop?” inosenteng tanong ni Celine.

“Diyaskeng bata ito ah. Ano? Pakiulit nga ang tanong mo?” tila hindi naunawaan ni Aling Letticia ang tinatanong ng bata.

“Sabi ko po, mamayang gabi po sana kayo magigising para humanap ng makakain? Kasi po halimaw po kayo?”

Advertisement

“Ako? Halimaw? Bakit mo naman nasabing halimaw ako, aber?” nairitang tanong ni Aling Letticia.

“Iyan po kasi ang usap-usapan ng mga kalaro ko. Natatanggal daw po kasi ang isang mata ninyo. Nadudukot daw po ninyo at naibabalik. Halimaw lamang daw po ang nakakagawa niya. Gaya po ngayon. Wala po ang isang mata ninyo,” tugon ni Celine.

Nabigla si Aling Letticia sa sinabi ni Celine. Agad siyang lumingon sa malaking salamin ng kaniyang bahay. Oo nga! Naalimpungatan kasi siya sa ingay ng mga bata, kaya nakalimutan na niyang isuot ang kaliwang mata. Napahagalpak ng tawa si Aling Letticia.

“Kayo talagang mga bata oh. Sige, ipapakita ko sa iyo, na totoong natatanggal ang mata ko, at naikakabit ko rin,” nakangiting sabi ni Aling Letticia. May kinuha lamang ito at muling nagbalik. Pagkaraan, pinalapit nito si Celine sa kaniya.

Kitang-kita ni Celine na hawak ni Aling Letticia ang mata nito sa palad. Pagkatapos, inilagay niya ito sa kaliwang bahagi. Pumikit-pikit si Aling Letticia. Pagkaraan, kompleto na ulit ang mga mata nito. Manghang-mangha si Celine.

“Paano po ninyo natatangal ang mata ninyo at naikakabit ulit?” tanong nito.

“Hindi iyan tunay na mata. Artipisyal iyan, ineng. Ocular Prosthesis ang tawag. Naaksidente kasi ako noong bata ako, na naging dahilan upang mabulag ang isa kong mata. Para hindi madamay ang isang nakakakita pa, ipinatanggal na lamang. Tapos, nagkaroon na lamang ako ng artipisyal na mata. Maaari itong matanggal at malinis pa,” paliwanag ni Aling Letticia.

At muling tinanggal ni Aling Letticia ang artipisyal niyang mata. Ipinakita niya kay Celine ang tamang paraan ng paglilinis nito. Pagkaraan, muli niya itong ibinalik sa puwesto.

Advertisement

“Kaya sabihin mo sa mga kalaro mo, huwag silang matakot sa akin dahil hindi ako halimaw. Maliban na lamang kung mag-iingay ulit kayo sa tapat ng bahay ko, magiging mala-halimaw ako,” pabirong bilin ni Aling Letticia.

“Sorry po, Aling Letticia. Napagbintangan pa namin kayo nang kung-ano-ano. Hindi na po mauulit, ” paghingi ng tawad at pangako ni Celine.

Isinalaysay ni Celine ang kaniyang natuklasan sa kaniyang mga kalaro. Sinabi rin ni Celine ang kaniyang natuklasan kay Aling Rosario. Simula noon, hindi na nila kinatakutan si Aling Letticia.