Sobrang Pasaway ang Dalagita sa mga Magulang; Isang Araw ay Pagsisisihan Niya ang Ginagawa

“Kailan ka magtitinong bata ka?” inis na sabi ni Aling Medes sa dalagitang anak na si Jamaica.

“Tama na iyan, patulugin mo na ang bata at may pasok pa ‘yan bukas!” sabad naman ni Mang Gustavo.

Pasaway na anak ni Jamaica. Lagi siyang wala sa bahay at umaalis na hindi nagpapaalam sa mga magulang. Madalas rin siyang nasasangkot sa away at gulo sa kanilang lugar. Lagi rin siyang napapaaway sa mga kaklase niya sa eskwelahan kaya buwisit na buwisit ang nanay niyang si Aling Medes sa mga pinaggagagawang kalokohan ng anak. Ang tatay naman niyang si Mang Gustavo ang laging humaharap sa mga kinasasangkutang gulo ng dalagita.

“Sir, suko na kami sa anak niyo! Konting-konti na lang at mapapaalis na siya rito sa eskwelahan!” sabi ng principal kay Mang Gustavo.

“Ako na po ang humihingi ng pasensiya sa nagawa ng anak ko, ma’am. Pagsasabihan ko siya na huwag nang ulitin ang ginawa niya,” pagpapakumbaba ng matandang lalaki.

Pero ang mga pangaral ng ama ay binalewala lang ni Jamaica. Imbes na pumasok sa eskwela ay sa bahay ng kaniyang mga kabarkada ang tuloy niya. Kapag umuuwi siya sa bahay ay lagi siyang sinasabihan ng ama na makinig sa mga payo nito para sa ikabubuti ng buhay niya ngunit ayaw niyang pakinggan ang mga iyon. Magtutulug-tulugan lang ang dalagita tuwing nag-uumpisa nang magsalita si Mang Gustavo. Minsan ay naiinis na siya rito at nagagawang sagutin ang ama tuwing pinagsasabihan siya.

“Pwede ba, itay, rinding-rindi na ang tainga ko sa mga sinasabi niyo, maaari po bang patulugin niyo na ako!” bulyaw niya sa ama.

“Bastos kang bata ka, bakit mo sinasagot ang tatay mo ng ganiyan?” galit na tanong ni Aling Medes.

Advertisement

“Hayaan mo na siya, Medes! Darating ang araw at magtatanda rin iyang anak mo!”

“Kailan pa kaya darating iyon, Gustavo, kailan pa? Ikaw ang may kasalanan niyan e, kung hindi mo pinapairal ang pagiging pusong mamon mo, e ‘di sana ay matagal nang matino ‘yang anak mo!”

Iba kasi si Mang Gustavo kaysa sa ibang ama. Kung ang iba ay mahigpit at matigas, siya ay hindi. Sobrang maawain at malambot ang puso ng lalaki sa kaniyang mga anak na ‘di gaya ng asawa niyang si Medes na mahigpit at disiplinado.

Isang umaga, nakita ni Jamaica na abala sa pagsisibak ng kahoy ang ama. Naghahanda ito para sa paglilitson ng baboy na binili sa palengke. Excited si Mang Gustavo dahil sa araw na iyon ay ipinagdiriwang nila ng asawang si Medes ang kanilang ikalimampung anibersaryo. Darating ang mga kamag-anak at mga kaibigan ng kanilang pamilya. Hindi nagawang batiin man lang ng dalagita ang mga magulang.

“O, ate saan ka pupunta? ‘Di mo man lang ba tutulungan sina tatay?” tanong ng bunsong kapatid na si JR.

“Ha, e… mamaya na! May pupuntahan pa ako!” palusot niya rito.

Nagmamadaling umalis ng bahay si Jamaica at agad na nakipagkita sa mga barkada niya. Mas gusto niyang makipagsaya sa mga kaibigan kaysa manatili sa bahay nila. Kapag kasama ang mga barkada ay malaya niyang nagagawa ang gusto niya.

Maya-maya ay bigla silang napatayo sa umpukan nila nang marinig ang sigaw ng kapatid niyang si JR.

Advertisement

“Ate Jamaica, ate, si tatay, ate!”

Kinabahan ang dalagita.

“Bakit, anong nangyari kay tatay?” nag-aalala niyang tanong sa kapatid.

“Basta! Tara na sa bahay!”

Mabilis nilang tinakbo ang papunta sa kanilang bahay. Halos liparin na nila ang kalsada makarating lang sa kanila.

“Diyos ko, ano kaya ang nangyari?” tanong niya sa sarili.

Nang marating nila ang bahay ay nakita niyang nag-iiyakan ang mga dalawa pa niyang kapatid at ilang kamag-anak.

“A-ano pong nangyari?” sabi niya.

Advertisement

“Bigla na lamang nahilo at nawalan ng malay si tatay, ate. Isinugod na siya sa ospital kasama si nanay!” umiiyak na sabi ng kaniyang kapatid na si Jesica.

Dahil sa nalaman ay mabilis niyang tinakbo ang papunta sa sakayan ng jeep at sumunod sa ospital.

“Kasalanan ko ‘to! Kung hindi ako umalis, ‘di sana nangyari iyon kay tatay!” paninisi niya sa sarili.

Naabutan niya ang ina na umiiyak sa labas ng operating room.

“’Nay, ano pong nangyari kay tatay?” maluha-luha niyang tanong.

“’Di ko rin alam, anak. Bigla na lang hinimat*y ang tatay mo kanina siguro ay sa sobrang pagod,” sagot ng ina.

“Patawarin niyo po ako. Kasalanan ko po ito, kung hindi ako umalis kanina at tinulungan kayo sa paghahanda ay hindi mapapagod nang husto si tatay,” ani Jamaica.

“Alam mo bang hinahanap ka niya kanina? Ipagluluto ka raw niya ng paborito mong kare-kare?” wika pa ng ina.

Advertisement

Mas lalong napahagulgol si Jamaica sa sinabing iyon ng ina. Napatunayan niya kung gaano siya kawalang kwentang anak. Doon niya naisip ang halaga ng kaniyang ama sa buhay niya. Napatunayan niya kung gaano siya kamahal nito.

Mayamaya ay lumabas na sa operating room ang doktor.

“Kayo po ba ang pamilya ng pasyente?”

“Opo, dok. Kumusta na po ang asawa ko?” tanong ni Medes.

“Maayos na po ang lagay niya, misis. Mabuti na lang po at hindi malala ang sakit niya sa puso kundi ay nanganib na ang buhay niya. Mabuti na rin at nadala niyo agad ang inyong asawa rito sa ospital,” hayag ng doktor.

Dahil sa magandang balita ay agad na nagyakap ang mag-ina. Ipinagpasalamat nila sa Diyos na binigyan pa ng ikalawang buhay si Mang Gustavo. Ipinangako ni Jamaica sa sarili na mamahalin at pahahalagahan na niya ang mga magulang habang kasama pa niya ang mga ito. Mula noon ay hindi na siya naging pasaway na anak at palagi nang inaalagaan ang mga magulang na nagbigay sa kaniya ng buhay.