Inday TrendingInday Trending
Halos Mawalan na ng Pag-asa ang Mag-asawa; Grabe pala ang Bawi ng Kapalaran sa Kanila

Halos Mawalan na ng Pag-asa ang Mag-asawa; Grabe pala ang Bawi ng Kapalaran sa Kanila

Mahirap ang buhay ng mag-asawang Yolly at Gal. Isang kahig at isang tuka ang pamilya nila.

May apat silang anak. Tatlo sa mga ito ay nag-aaral na, habang ang isa naman ay kapapanganak pa lamang. Awang-awa si Yolly sa tuwing nakikita ang mga anak na natutulog na lang na walang laman ang tiyan. Sa sobrang hirap ay napilitan siyang magtrabaho kahit bagong panganak pa lamang siya.

Isang mayamang pamilya ang tumanggap sa kaniya bilang isang kasambahay. Agad naman siyang natanggap sa trababo

Sa pagsisimula niya bilang kasambahay sa mga amo ay mabuti naman ang trato nila sa kaniya. Agad namang nagalak si Yolly dahil doon.

“Yolly, sumabay ka na sa amin!” minsan ay aya ng among babae kay Yolly ngunit agad niya iyong tinanggihan dahil sa hiya.

“Naku, mamaya na ho ako, ate,” mariin niyang pagtanggi, pero naging mapilit ito kaya naman napilitan na rin siyang makisalo.

Ngunit nang mga sandaling iyon ay napansin na niya ang ‘di maipintang tingin ng dalawang anak na dalaga nito at ng padre de pamilya ng mga Quizon. Mukhang hindi sila natutuwa.

Sa katagalan ay nadiskubre niyang ‘di tulad ng kanilang ilaw ng tahanan ay mapagmataas ang mga ito.

Parati nila siyang hinahamak, minamaltrato at pinagsasalitaan ng masasakit na salita. Halos nalait na nila ang kaniyang buong pagkatao. Mabuti na lamang at hindi ganoon si Mrs. Quizon kaya naman kahit papaano ay napagtiisan ni Yolly nang ilang buwan ang trabaho sa pamilya.

Ngunit dumating pa rin ang pagkakataong hindi na nakayanan pa ni Yolly ang lahat. Umalis siya sa pamilyang pinagsisilbihan, ngunit nagkasabay pa pala sila ng asawa niya na mawalan ng trabaho.

Napaluha na lang si Yolly dahil sa hirap na dinadanas nilang mag-anak ngayon.

Parehong hindi tapos ng pag-aaral ang dalawa, kaya naman hirap sila sa paghahanap ng mapapasukang trabaho na maganda rin ang sweldo. Kung mayroon man, ang mga ugali naman ng kanilang mga nagiging boss ang problema.

“Huwag kang mag-alala, maghahanap na uli ako ng trabaho bukas.” Niyakap ni Gal ang asawa na hindi maiwasang maiyak.

“Sa ngayon, sa bahay ka na lamang muna at mag-alaga ng anak natin.” Hinalikan ni Gal ang ulo ng asawa at saka ito inayang matulog.

Kinabukasan ay naghanap nga ng trabaho si Gal. Dala ang kakarampot na barya ay inumpisahan niyang baybayin ang mainit na kalsada. Pawisan siya dahil sa nakapapasong sikat ng araw na tumatama sa kaniyang balat. Tanghaling tapat na ngunit wala pa rin siyang nahahanap na trabaho.

“Grade 1 lang ang natapos mo? Hindi ka pwede rito.”

“Wala kang pinag-aralan.”

“Hindi ka pasok sa standard.”

Ilan lamang sa mga natanggap na salita ni Gal. Laylay ang balikat niya nang magdesisyong umuwi na lang nang araw na iyon.

Muling binaybay ni Gal ang daan pauwi. Natigilan siya nang mapadaan sa isang lotto outlet. Kinapa niya ang kaniyang bulsa at nakita ang bente pesos na barya roon. Iyon na lang pala ang natitira niyang pera.

Ganoon pa man ay sinubukan niyang makipagsapalaran sa pagtaya. “Minsan lang naman ako susubok sa ganito,” aniya sa sarili.

Kinabukasan ay nagising ang mag-asawang Gal at Yolly nang marinig ang sigawan ng kanilang mga anak.

“Inay, Itay, mayaman na tayo!” Hindi magkamayaw ang magkakapatid na gisingin ang mga magulang. Pupungas-pungas si Yolly at Gal at hindi pa nagpo-proseso ang sinabi ng mga anak.

“Anong sabi ninyo?” tanong ni Yolly kay Margie na siyang panganay niyang anak.

“Mayaman na tayo!” pag-uulit nitong saad.

Nagkatinginan ang mag-asawa at hindi makapaniwalang kinuha ang loto ticket na hawak nito at isa-isang tiningnan ang anunsyong nakasulat sa dyaryo…

“Mayaman na tayo!” Lahat sila ay tuwang-tuwang nagtatalon habang may mga mumunting butil ng luha sa mata.

Mabilis kumalat ang balita. Limang daang milyong piso ang napanalunan ni Gal sa lotto!

Nagpatayo ng sariling bahay ang mag-asawa. Bukod doon ay sumubok din sila ng ibaʼt ibang negosyo kasabay ng pagiging maingat nila sa paggastos ng perang napanalunan nila.

Marami silang kinuhang trabahante at hindi inaasahan ni Yolly na ang dalagang anak ni Mrs. Quinzon ay nais ding mag-apply sa kanila.

Ngunit imbes na paghigantihan ito ay inisip niya na lamang na kahit papaano ay naging mabuti naman sa kaniya ang ina nito kaya tinanggap niya pa rin ito at binigyan ng trabaho, katulad ng ginawa niya sa iba pang kapwa nila mahihirap noon na ngayon ay tinutulungan na nila.

Hindi nakalimutan ng pamilya na magpasalamat sa Panginoon. Ibinabalik nila at ibinabahagi sa iba ang suwerteng kanilang natamasa.

Advertisement