
Sa Takot ay Hindi na Nakasigaw ang Dalaga Upang Makahingi ng Tulong; Madala Kaya sa Pakiusap ang Holdaper?
Malalim na ang gabi at halos wala nang tao sa daan. Nakakatakot dahil tila nag-iisa na lamang siya sa mundong ibabaw. Malalaki at mabibilis ang hakbang niya upang makauwi na siya kaagad sa bahay nila, nang may brasong biglang yumakap sa kaniyang likuran at may matalim na bagay ang tumutok sa kaniyang tagiliran.
Gusto niyang sumigaw pero alam niyang kahit mapaos pa siya’y walang sinuman ang tutulong sa kaniya. Walang katao-tao at sarado na ang lahat ng gusaling naroon. Wala ring saysay ang paghingi ng tulong kaya mas pinili na lamang niyang itikom ang bibig at huwag gumalaw sa takot na dumiin ang patalim na nakatutok sa kaniyang tagiliran.
“Akin na ang bag mo. Dali!” anito. Mahina lamang ang boses ng lalaki, ngunit nakapaloob sa boses nito ang peligro at sindak na kaniyang kinakatakutan. Marahan siyang gumalaw upang iabot rito ang kaniyang bag. Mas pipiliin niyang mawalan ng materyal na bagay kaysa mawala ang kaniyang buhay.
“Kuya, ibibigay ko po ang pera, selpon at kung ano-ano maliban na lang po sana sa mga ID ko,” nanginginig niyang pakiusap.
“Ang dami mo pang satsat! Bilisan mo na kung ayaw mong ibaon ko ang patalim na ito sa tagiliran mo!” sindak nito.
Nanginginig ang buong kalamnan ni Pipay dahil sa takot. Nagsisimula na siyang humikbi nang pilit niyang kinakapa sa loob ng bag ang selpon at ang perang kailangan nito. Ngayon niya nais pagsisihan kung bakit umuwi pa siya nang ganitong oras.
Nang maiabot niya ang pera at selpon dito ay hindi pa rin siya binibitawan ng lalaki. Kaya mas lalo siyang nakaramdam ng takot. Sa isip-isip niya, baka wala talaga itong balak na buhayin siya. Baka nais talaga nitong makuha ang lahat sa kaniya. Dito na ba magtatapos ang kaniyang buhay?
“Kuya, pakiusap po… maliban sa mga binigay ko sa’yo, puro ID na lang po ang laman ng bag ko. Pakiusap, huwag niyo na po akong saktan,” humihikbi niyang wika. “Nasa bahay po ang mama at papa ko, hinihintay po nila akong makauwi, kaya nga po nagpumilit akong umuwi kasi alam kong naghihintay ang mama at papa ko sa’kin. Kapag sinaktan niyo po ako, malulungkot po ang buo kong pamilya, lalong-lalo na ang mga magulang ko na siyang naghirap para sa’kin.”
Umiiyak na siya, hindi na niya kayang pigilan ang luha dahil sa takot na nararamdaman.
“Pakiusap, huwag niyo po akong tatapusin. Mahirap lang po kami, magsasaka po ang tatay ko, at labandera ang nanay ko. Pareho po silang nagsumikap para grumaduate ako at makapagtrabaho, kapag po tinapos niyo ako ngayon, hindi ko na po magagawang makabawi sa mama at papa ko. Pakiusap po kuya, gusto ko po pong makabawi sa ginawang pagsisikap ng mga magulang ko,” humahaguhol niyang pakiusap.
Naramdaman niyang lumuwag nang kaunti ang braso ng mamá sa kaniyang leeg. At gaya niya’y umiiyak na rin pala ito. Nakaramdam ng ginhawa si Pipay nang tuluyang bumitaw ang braso nito sa kaniya. Tatakbo na sana siya palayo sa holdaper… nang makita niyang humahagulhol rin ito ng iyak.
Ang takot na naramdaman ay napalitan ng pagkahabag. Ano ang pinagdaraanan ng mamá? May malalim na dahilan ba kung bakit nito nagawang mang-holdap?
“Patawarin mo ako, ineng,” humahagulhol na sambit nito sa pamamagitan ng pag-iyak. “Hindi ko gustong manakit ng ibang tao, hindi ko ito intensyon, pero wala na akong pagpipilian.”
Dugtong nito na mas lalong nagbigay gulo sa isip ni Pipay.
“Nasa ospital ang anak ko, at nasa kritikal ang kondisyon niya, nabundol siya kahapon ng drayber na hanggang ngayon ay hindi pa namin nakikilala. Hit and run ang nangyari at mula kahapon hanggang ngayon ay hindi pa gumigising ang anak ko. Ayaw kong isipin na pwedeng mawala sa’min ng asawa ko ang anak namin.” Mas lalong lumakas ang iyak nito.
Hindi na rin napigilan ni Pipay ang maiyak dahil sa lalaking kani-kanina lang ay nagpasindak sa kaniya. Lumapit siya saka inalo ito.
“Ang dami kong pinuntahang kakilala, pero ni isa ay walang nais tumulong sa akin. Walang may gustong pautangin ako, katuwiran nila’y baka ‘di ko raw mabayaran. Iyon ang nagtulak sa’kin na gumawa ng masama. Patawarin mo ako, ineng.”
Umiiyak pa rin ito at gano’n rin siya. Dinamayan niya sa pag-iyak ang mamáng muntik nang tumuldok sa buhay niya. Matapos nilang mag-iyakan ay ibinalik nito sa kaniya ang ibinigay niyang selpon at pera, ngunit hindi na tinanggap ni Pipay ang perang ibinigay, at bukod pa roon ay sinamahan niya ito sa ospital kung nasaan ang anak nitong hanggang ngayon ay hindi pa rin gumigising.
Sa awa ay tumawag si Pipay sa mga kaibigang may kaya at nanghiram ng pera upang ibigay kay Mang Herman, ang lalaking nang-holdap sa kaniya kani-kanina lang.
“Salamat sa perang ito, Pipay, hayaan mo’t kapag nakaluwag-luwag ako’y babayaran kita. Pangako ko iyon!” umiiyak na wika ni Mang Herman.
Tinapik niya ito sa likuran saka ngumiti. “Isasama ko po ang anak niyo sa mga dasal ko, Mang Herman. At sana huwag niyo na pong uulitin ang nangyari kanina para lamang magkapera. Magtiwala po kayo sa Panginoon, maliligtas po sa peligro ang anak niyo,” ani Pipay.
Niyakap niya ang mamáng panay ang iyak bago tuluyang nagpaalam dito. Hindi niya kailanman naisip na pwede siyang makaramdam ng awa sa taong muntik nang tapusin ang buhay niya. Alam niyang hindi masamang tao si Mang Herman, nagawa lamang nito ang pagkapit sa patalim dahil sa kawalang pagpipilian.