
Kahit Pamilyado na ay Nirereto Pa Rin ng Ina ang Anak sa Mayamang Manliligaw; Magpadala Kaya ang Anak sa Nais Niya?
Nagmamadaling sumugod si Daisy sa bahay ng kaniyang inang si Sally upang tingnan ang kalagayan nito. Tumawag kasi ang ginang at masama raw ang pakiramdam nito. Kaya dali-daling pinuntahan ni Daisy ang ina.
Ngunit nagulat lang si Daisy nang makita ang kaniyang ina na nanonood ng telebisyon.
“Akala ko po ba ay mataas ang presyon ng dugo n’yo at nahihilo? Ayos na po ba kayo?” sambit ni Daisy na humahangos pa.
“Ayos na ako, Daisy. Mabuti at pumunta ka rito,” sambit naman ng ina.
“‘Nay, ‘yung totoo po? Talaga bang masama ang pakiramdam n’yo? Bakit n’yo ako pinapunta rito? Alam n’yo po bang kinailangan ko pang iwan ang dalawang anak ko kay Melchor para lang magmadaling pumunta rito,” dagdag pa ni Daisy.
“Kanina naman talaga ay masama ang pakiramdam ko. Pero umayos naman na nang makainom ako ng gamot,” tugon ni Aling Sally.
Napansin ni Daisy ang mga bulaklak at isang basket ng prutas sa mesa.
“K-kanino po galing ang mga ito, ‘nay? May bisita ka ba kanina?” tanong muli ni Daisy.
“Dederetsahin na nga kita, Daisy. Kasi dumaan dito ang dati mong manliligaw na si Greg. Galing pala siya sa Amerika. Lalo siyang gumwapo ngayon. Nagpunta siya rito para mangamusta. Hinahanap ka nga, e. Saka alam mo, hanggang ngayon ay binata pa siya! At sa tingin ko ay may gusto pa rin siya sa iyo,” sambit muli ni Aling Sally.
“Ayaw ko pong pag-usapan si Greg, ‘nay. May asawa at mga anak na po ako. Pamilyado na akong tao. Kung dahil na naman ito sa kagustuhan n’yong makatuluyan ko si Greg ay tama na po, ‘nay. Ano na lang ang sasabihin sa akin ng pamilya ko at ng ibang tao?” saad naman ni Daisy.
“‘Yan na nga ang sinasabi ko sa iyo noon, Daisy. Kung si Greg na lang sana ang sinagot mo at pinakasalan ay maganda sana ang buhay mo. Tingnan mo nga ang itsura mo. Parang isang dosena na ang anak mo sa pagkalosyang mo. Kung kay Greg ka mapupunta ay magbabago ang buhay mo. Magiging maginhawa. Huwag mo nang isipin ang sasabihin ng ibang tao. Saka sa tingin ko naman ay kaya ni Greg na tanggapin ang mga anak mo dahil sa pagmamahal niya sa iyo,” saad pa ng ina.
“‘Nay, naririnig mo ba ang sarili mo? Gusto mong sirain ko ang pamilya ko para sa lang sa gusto mong magandang buhay. Maayos na lalaki si Melchor. Mahal niya kaming pamilya niya at mahal ko rin siya. Huwag n’yo nang ipilit sa akin ang gusto n’yo dahil sumasama lang ang loob ko. Kung maayos naman na po pala ang pakiramdam n’yo ay aalis na ako,” galit na sambit naman ni Daisy.
Labis kasi ang panghihinayang ni Aling Sally dahil hindi nakatuluyan ni Daisy ang mayamang manliligaw nito noon na si Greg. Napangasawa ng anak ang isang jeepney drayber na si Melchor. Simple man ang pamumuhay ng mag-anak ni Daisy ay masaya naman sila. Ngunit hindi pa rin tumitigil si Aling Sally sa pagnanais na magkaroon ng mas magandang buhay ang anak kahit pa iwan nito ang kaniyang pamilya.
Kahit na alam ni Aling Sally na ikagagalit ni Daisy ay patuloy pa rin ang pakikipagkita nito sa binatang si Greg. Madalas niya itong patuluyin sa bahay. Minsan pa nga ay gumagawa ito ng paraan para lang makita ni Greg ang kaniyang anak.
Isang araw ay tinawagan ni Aling Sally si Daisy upang pumaroon sa kaniyang bahay. Ang hindi alam ni Daisy ay naroon pala si Greg. Gulat na gulat tuloy si Daisy nang makita ang binata na naroon.
“P-pasensiya ka na, Daisy, ako talaga ang nangulit sa nanay mo na papuntahin ka rito dahil gusto kong makita ka,” wika ni Greg sa ginang.
“Greg, ayaw kitang bastusin dahil mabuti ka namang tao pero may asawa at anak na ako. Ayaw kong masira ang pamilya ko dahil sa ginagawa mong ito. Ito na ang huling pagkikita natin. Tigilan mo na ako dahil wala kang mapapala sa akin!” dagdag pa ni Daisy sabay alis ng bahay.
Labis ang sama ng loob ni Daisy sa ginagawang ito ng kaniyang ina. Imbes na humingi naman ng tawad ay pinagalitan pa ni Aling Sally ang kaniyang anak.
“Napakaboba mo talaga! Oportunidad na nga ang lumalapit sa iyo, tinatanggihan mo pa? Akala mo ba ay maibibigay sa iyo ng asawa mo ang magandang buhay na kayang ibigay ni Greg? Hindi ka mapapakain ng pagmamahal, Daisy, kaya gamitin mo ‘yang utak mo! Huwag mo akong gayahin na sumama na lang basta sa tatay mo. Tingnan mo ang buhay ko ngayon!” bulyaw ni Aling Sally sa anak.
“‘Nay, hanggang sa huli ay ikaw lang ang minahal ni tatay. May sakit siya pero pilit pa rin siyang nagtrabaho para mabuhay ang pamilya natin! Naging mabuti siyang asawa at ama! Hindi ko ipagpapalit si Melchor at ang mga anak ko para lang sa mas masaganang buhay. Kaya itigil n’yo na ang ginagawa n’yong iyan at baka magkasira pa kami ng asawa ko,” tugon naman ni Daisy.
“Ano ba ang pinakain sa iyo niyang si Melchor at parang masyado kang nakakulong sa pag-ibig sa kaniya? E, tingnan mo nga ang kaibahan niya kay Greg! Mas may pinag-aralan at mas mayaman. Sa tingin ko ay may mas magandang buhay na naghihintay para sa iyo at sa mga anak mo sa piling si Greg. Buksan mo ang isip mo! Maging praktikal ka!” sigaw pa ni Aling Sally.
“Dahil mahal niya ako at tanggap niya ang lahat ng nakaraan ko. Hindi niya anak ang panganay ko, ‘nay, na si Junior. Pinagsamantalahan ako noon at nabuntis ako. Pero nariyan siya at pinanagutan ako. Hindi man lang siya nagsalita ng kahit anong laban sa akin sa ibang tao. Itinago niya ang sikreto ko. Minahal niya ang anak ko na parang sa kaniya nanggaling. Kaya bang gawin sa akin ng ibang lalaki ‘yan? Kaya kung ipipilit n’yo pa ang pakikipagrelasyon ko kay Greg ay pasensiyahan tayo. Kahit na kayo man ang ina ko ay kaya ko itong talikuran para sa pamilya ko. Tandaan n’yo na hindi sa lahat ng pagkakataon ay pera ang magpapaikot ng lahat!” umiiyak na sambit muli ni Daisy.
Nagulantang si Aling Sally sa katotohanang isinambulat sa kaniyang harapan ng sariling anak. Hindi niya kasi akalain na may madilim pala itong nakaraan. Ngunit hindi pa rin ito naging sapat na dahilan upang magbago ang isip niya.
Pinuntahan ni Aling Sally si Greg upang kausapin. Ngunit nasa labas palang siya ng bahay ng ginoo ay narinig na niya ito na nakikipag-usap sa isang kaibigan.
“Malapit na ring bumigay ‘yang si Daisy sa akin. Sa kulit ba naman ng nanay niya ay mapapapayag ko ring siyang makipag-date sa akin. Ibang klase talaga ang mga walang pera, lahat ay gagawin para makakakapit sa mayayaman. Kapag napaibig ko si Daisy ay ako na ang mananalo sa pustahan natin. Kailangan ko talaga ng pera, pare, dahil nawalan na ako ng trabaho sa Amerika. Ang dami kong pinagkakautangan at baka makulong na ako!” saad ni Greg sa kausap.
Galit na galit si Aling Sally sa pagpapaikot na ginagawa ni Greg sa kanilang mag-ina. Hiyang hiya rin siya sa sarili dahil napagtanto niyang mas nanaisin pa niyang masira ang pamilya ng anak para lang sa mas komportableng buhay pero lahat pala ng ito ay pawang kasinungalingan lamang.
Agad na pinuntahan ni Aling Sally ang anak at humingi ng tawad. Mula noon ay hindi na rin niya pinatuloy pa sa kaniyang bahay si Greg.
Dahil sa pangyayaring ito ay mas tumaas na ang tingin ni Aling Sally sa asawa ni Daisy na si Melchor. Napatunayan niyang ang magandang buhay ay hindi nababatay sa dami ng perang mayroon ka. Payak man ang pamumuhay ng mag-anak ni Daisy ay tiyak siyang mayaman naman sila sa ligaya at pagmamahal – at iyon ang tunay na mahalaga.