Inday TrendingInday Trending
Unang Beses na May Bumisitang Kaibigan Niya sa Bahay Nila; Magreklamo Kaya Ito sa Kahirapan Nila?

Unang Beses na May Bumisitang Kaibigan Niya sa Bahay Nila; Magreklamo Kaya Ito sa Kahirapan Nila?

“Sabi ko naman sa’yo, Jaddie, huwag ka nang pumunta sa bahay namin. Ano naman kasi ang gagawin mo rito?” ani Angela sa kaibigan.

“Ano ka ba? Nandito na ako kaya wala ka nang magagawa pa kung ‘di ang patuluyin ako sa bahay niyo. At saka bakit ba? Anong masama kung gusto kitang dalawin sa bahay mo? Nabuburyong na ako sa’min, kaya gusto ko naman ng ibang bahay at ibang taong makikita. Bawal ba ‘yon?” nakangiting ani Jaddie.

Sa isip-isip niya, may punto nga naman ang kaibigan. Hindi naman bawal ang dalawin siya at mas lalong hindi bawal na magpatuloy ng ibang tao sa bahay nila. Nahihiya lang kasi siya sa kaibigan, baka may masabi ito sa bahay nila. Ngunit ngayong naroon na ito sa labas, ano pa nga bang magagawa niya kung ‘di ang patuluyin ito sa mapagpakumbaba nilang tahanan.

Inakbayan niya ito saka tumawa na lamang. Matagal-tagal na rin mula noong huli silang nagkita ng kaibigan. Simula noong magtapos sila ng hayskul ay ngayon na lang ulit sila nagkita. Nalaman niyang sa limang taon na lumipas ay sa Japan na pala ito namalagi dahil naroon ang trabaho nito at kauuwi lamang nito sa ‘Pinas dalawang araw pa lang nakalilipas.

Ang akala niya’y tuluyan na siyang kinalimutan ng matalik na kaibigan. Salamat naman at mula noon hanggang ngayon ay hindi man lang ito nagbago.

Nang makarating sila sa bahay nila at makita ni Jaddie ang mga magulang at kapatid niya’y agad itong bumati sa kanila at nagmano. Kahit asensado na ang kaibigan ay hindi pa rin nito nakalilimutan ang rumespeto sa matatanda.

“Gusto mo ba ng tinapay at juice?” tanong niya.

“Mayroon ba kayo d’yan? Kung wala’y bumili tayo,” nakangiting wika ni Jaddie.

“Naku! Ako na. Nakakahiya naman sa’yo, ikaw ang bisita kaya dapat lang na pagsilbihan kita,” ani Angela.

Agad namang iwinagayway ni Jaddie ang kamay nito sa harapan ng kaibigan.

“Ano ka ba naman, Angela! Pumunta ako rito para dalawin ka at para magkita tayong muli. Hindi naman ako pumunta rito, friend, para magpasilbi sa’yo” wika pa nito. “Kaya halika na! Bumili tayo ng makakakain.”

Hinila siya palabas ni Jaddie upang makabili sila ng pagkain. Walang magawa si Angela kung ‘di samahan ang kaibigan. Sa tagal nilang magkaibigan, ngayon pa lang nakarating sa bahay nila si Jaddie at totoong natatakot siya sa magiging komento at reaksyon nito sa makikitang pamumuhay nilang pamilya.

Matapos bilhin ang mga pagkain ay muli silang naglakad pabalik sa bahay nila nang magsalita si Jaddie na labis nagpataba sa puso ni Angela.

“Alam mo, Angela, masaya ako kasi nagkita tayo ulit,” anito. “At saka hindi mo kailangang makaramdam ng hiya sa’kin. Hindi mo kailangang mataranta dahil nandito ako sa bahay niyo. Hindi mo rin kailangang isipin kung ano ang ipapakain mo sa’kin dahil may tindahan naman, may pagbibilhan tayo kaya for sure, makakain tayo. Saka hindi mo kailangang madismaya kung ano ang mayroon o wala sa bahay niyo, dahil una sa lahat… hindi naman ako pumunta rito para tingnan ang istraktura ng bahay niyo. Hindi naman ako nagpunta rito para tingnan kung ano ang mga gamit niyo sa bahay,” ani Jaddie, hinarap ang kaibigan.

“Nandito ako kasi gusto kitang makita, kasi namiss kita at gusto kong kumustahin ka! Gusto kong makasalo ka ulit sa pagkain habang nagchi-chikahan. Iyon ang gusto ko, hindi kung ano ang mayroon sa bahay niyo, kaya hindi mo kailangang mahiya sa’kin,” ani Jaddie saka niyakap ang mangiyak-ngiyak na kaibigan.

“Nahihiya kasi talaga ako sa’yo, Jaddie. Iniisip ko baka na madismaya ka kasi mahirap lang ang kaibigan mo, samantalang ikaw asensado na,” humihibing wika ni Angela.

“Ano ka ba! Pareho lang naman tayong nagsusumikap sa buhay, ang kaibahan nga lang sa ibang bansa ako nagtatrabaho, kaya mas malaki ang sahod ko. Hayaan mo, kapag may bakante sa kumpanyang pinagtatrabuan ko sa Japan, ikaw ang irerekomenda ko,” ani Jaddie saka muling niyakap nang mahigpit ang kaibigan.

“Salamat, Jaddie, ah. Salamat kasi ang bait-bait mo pa rin, kahit alam naman natin na may pagka-bruha ka, alam kong puro kabutihan ang laman ng puso mo,” natatawang ani Angela saka pinahid ang luha sa mga mata.

Tumawa na lang din si Angela saka nagpatuloy sila sa paglalakad pauwi sa bahay nila.

Ang sarap magkaroon ng kaibigang tanggap ka kung anumang mayroon ka at hindi huhusgahan ang kasalukuyang estado mo sa buhay!

Advertisement