Inday TrendingInday Trending
Namumutla at Hindi Mapakali ang Rider nang Iabot sa Kaniya ang In-Order Niyang Pagkain; Natawa na Lamang Siya nang Malaman ang Dahilan

Namumutla at Hindi Mapakali ang Rider nang Iabot sa Kaniya ang In-Order Niyang Pagkain; Natawa na Lamang Siya nang Malaman ang Dahilan

Imbes na ngiti ay napalitan ng pagsalubong ng kilay ang mukha ni Mina nang makita niyang aligaga at hindi mapakali ang rider na may dala ng in-order niyang pagkain. Malayo pa lang ay halata na niyang natataranta ito, kaya nakaramdam siya ng kaba at labis na pagtataka.

“Mina Batestil, kuya?” aniya.

“Ma’am, tama bang kape, burger at isang chickensilog ang order niyo?” nagungumpirmang tanong nito.

Namumutla ang mukha ni Kuyang Rider na mas lalong nagpakunot sa noo niya. Gusto niyang tanungin kung ano ba talaga ang problema nito. Kung nadudumi ba ito o ano? May banyo naman sa bahay nila at hindi naman siya magdadamot na pagamitin ito.

“May problema ba, kuya?” tanong ni Mina.

Hindi na siya nakatiis at tinanong na niya talaga ang mamá kung bakit tila natataranta ito’t natatakot. May kasalanan ba itong ginawa?

“Ma’am, pasensya na po kayo. May nangyari kasi sa order niyo na hindi ko po talaga sinasadya, ma’am. Kung gusto niyo po, ibabalik ko na lang po sa inyo ang binayad niyo rito sa inumin,” anang rider.

Saka inabot ang supot na naglalaman ng pagkain at ang nakahiwalay na supot, doon nakalagay ang inumin niyang natapon at napuntang lahat sa plastik. Kaya ba namumutla ito at tila takot na takot dahil sa nangyari sa kaniyang inumin?

“Hindi ko po talaga napansin, ma’am, na natumba pala ang inuming iyan d’yan sa loob, nakita ko lang kanina noong binuksan ko na. Natapon na ang halos kalahati ng laman. Natakot akong ipakita sa inyo kasi baka singhalan niyo ako, kaya sobrang sorry po ma’am. Ako na lang po ang magbabayad d’yan sa inumin,” nakayukong wika ng lalaki.

Mahal pa naman ang kapeng ito dahil sa kilalang kapehan niya ito in-order, at totoong sayang ang pera niya dahil sa nangyari.

Ngunit nang tiningala niyang muli si Kuyang Rider ay mas nakaramdam siya ng awa rito. Sigurado namang hindi nito sinadyang matapon ang inumin niya. Tingin niya’y wala nang saysay kung palalakihin niya pa ang nangyari. Ang inumin ay nabibili ulit at napapalitan, pero ang emosyong nasira mo at ang mga salitang masama na nailabas na ng bibig mo’y hindi na maaaring mabawi.

Ibinaba niya nang kaunti ang suot na mask saka nginitian si Kuyang Rider. “Okay lang kuya, huwag mo nang bayaran ito. Maliit na bagay lang naman ito upang palakihin.”

Tiningnan siya ng rider na tila gulat na gulat ito. “Talaga po ba, ma’am?”

Tumango siya saka muling ngumiti. “Wala na rin naman akong magagawa kasi natapon na ang inumin ko. Sa susunod na lang ay ingatan mo ang dala mong order para ‘di na ito maulit sa’yo. Baka sa susunod mataray na ang maging kustomer mo at mapagalitan ka,” payo niya.

“Maraming salamat ma’am, salamat at napakabuti ninyo.”

“Hindi naman sa gano’n, naisip ko lang na kung magagalit ako kasi nasayang ang order kong inumin, may magbabago ba? Maibabalik ba ang natapon na? Syempre hindi naman, ‘di ba? At kung pipiliin kong magalit sa’yo at pagsasabihan kita ng hindi magandang salita, lahat ng sinabi kong masama ay hindi ko na mababawi. Masasaktan kita at makokonsensya naman ako, kaya mas pipiliin ko na lang na unawain ang nangyari at tanggapin na natapon na ang inumin ko.”

“Sorry po ma’am, magdodoble ingat po ako sa susunod,” hinging paumanhin pang muli ng rider.

Tumango siya saka muling ngumiti. “Mas maigi iyon, upang hindi na mangyari ulit ang ganito. Sige na kuya, ingat ka sa biyahe. Salamat sa hinatid mong pagkain. Basta mag-iingat na sa susunod.”

Tumalima naman ang rider at nagpaalam na sa kanya. Bumalik si Mina sa loob ng bahay na may ngiti sa labi. Nakaramdam man ng pagkadismaya dahil sa hindi napakinabangang inumin na natapon sa loob ng plastik, may saya naman siyang naramdaman sa puso dahil mas inuna niya ang pag-unawa kaysa ang magalit sa kapwa.

Napakasimple lang ng buhay. Kaysa magalit sa isang ‘di kaaya-ayang sitwasyon, mas mabuting laging piliin na maging mabuti sa ating kapwa!

Advertisement