Inday TrendingInday Trending
Modus ni Kuya, Timbog ni Beki

Modus ni Kuya, Timbog ni Beki

Sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay laging nakikipagsapalaran si Sandy sa LRT1, dahil sa Abad Santos siya nakatira at sa Vito Cruz naman ang kaniyang trabaho.

Siksikan kung siksikan at minsan pa nga ay may mga bastos na lalaking sinasadya talagang idikit ang mga manoy sa kaniya. Akala siguro ng mga ito na natutuwa siya sa ginagawa ng mga ito. Ayaw lang niya ng gulo kaya mas pinipili na lamang niyang manahimik at huwag na lang pansinin ang mga ito.

“Bakit ka kasi dito ka pumuwesto? Dapat doon ka sa unahan, kasi mukha ka namang babae,” wika ng isang pasaherong hindi niya kilala.

“Hindi siya pwede doon, paaalisin lang siya ng gwardiya. Mukha lang siyang babae, pero may sandata pa rin iyan,” segunda pa ng isa, dahilan upang magtawanan ang lahat ng nakarinig.

Nais niyang sumagot at pagsisigawan ang mga walang modong mga paseherong kasabay, ngunit muli ay pinili na lamang niyang manahimik. Ganun talaga ang tao sa mundo, hindi lahat mapapakiusapan mo, hindi lahat igagalang ang pagkatao mo. Para sa mga ito, katawa-tawa ang magpakatotoo sa sarili. Katawa-tawa kung pilit mong babaguhin kung ano ka talaga.

Isang umagang pakikipagsapalaran sa LRT ay naramdaman niyang may humihipo sa kaniyang pang-upong bahagi ng katawan. Agad niyang nilingon ang lalaking nasa magkabilang bahagi ng kaniyang gilid. Nais niyang malaman kung sino na naman ang manyakis na nanghihipo sa kaniya. Nang walang makuhang sagot ay itinuon niyang muli ang atensiyon labas ng bintana nang biglang may sumigaw.

“Hoy! Bakla, kanina mo pa ako hinihipuan! Walang hiya kang tigang na bakla ka,” galit na sigaw ng lalaking nasa kanan niya.

Agad naman na nagsilayuan ang lalaking nasa paligid nila, na para bang anumang oras ay hihipuan niya rin ang mga ito.

“Manyak ka! Bumaba tayo sa susunod na istasyon ipapa-blotter kitang h*yop ka!” sigaw nito sabay hawak ng kaniyang pulsuhan.

“Bitawan mo nga ako!” inis naman niyang hinila pabalik ang braso. “Ano bang pinagsasabi mo? Hindi kita kilala at hindi din kita hinihipuan!”

“Sinungaling ka! Kanina pa kita napapansin na panay ang hipo sa hinaharap ko! Bumaba tayo sa susunod na istasyon at kakasuhan kita!” muli nitong hila sa kaniya.

“Hoy! Bitawan mo siya,” sigaw naman ng babaeng sa tantiya niya ay kaedad niya lang. Ito ang babaeng nasa harapan niya kanina, nakaupo ito habang nakatayo siya sa harapan nito. “Anong modus iyan? Kunyari hinipuan ka niya, tapos ipapa-baranggay mo siya at kapag ayaw niya nang gulo magpapabayad ka nalang ng malaking halaga?” wika ng babae.

“Sino ka ba?” tanong ng lalaking hila-hila pa rin ang beki hanggang ngayon.

“Ako lang naman ang magpapatunay na hindi ka niya hinipuan!” agad namang sagot ng babae. “Ang hilig niyong mang-mata ng mga kagaya nila, pero hindi niyo ba nakikita ang mga ginagawa niyo sa kanila? Lalo ka nang lalaki ka! Tama bumaba nga tayong tatlo sa susunod na istasyon at ikaw ang ipapakulong namin, dahil isa kang modus!” dugtong pa nito.

“Oo nga, huwag palalabasin ang taong iyan! Modus ‘yan e,” sabat naman ng mga taong lulan din ng LRT.

Ganun na nga ang ginawa nilang dalawa ng babaeng nagpakilalang si Lourdes, pina-blotter nila ang lalaking nagngangalang Lucio at agad naman itong kinulong ng mga pulis.

“Salamat ah?” masayang sambit ni Sandy kay Lourdes.

“Naku, wala iyon, lagi kasi kitang nakakasabay sumakay ng LRT, tapos lagi kong nasasaksihan ang mga ginagawa nila sa’yo. Hindi naman por que bading ka ay hindi ka na dapat igalang at irespeto, at tsaka wala ka naman talagang ginagawang masama kanina kaya tinulungan kita,” wika nito.

“Kung wala ka kanina’y baka nagawa na ng lalaking iyon ang gusto niyang makuha sa’kin. Maraming salamat talaga, Lourdes. Hindi ko alam kung paano ako makakabawi sa’yo. Tama ka, ang hirap maging tumpulan ng katatawanan.

Ang hirap harapin ang mga taong mapanghusga sa mga katulad kong may alanganing pagkatao. Pero sa kabila nun ay may mga tao pa rin naman na katulad mo, marami man ang mapanghusga at hindi kami nauunawaan, marami-rami pa rin naman kayong tanggap kami sa lipunan at isa ka na doon Lourdes kaya salamat talaga ah, utang na loob ko sa’yo ang nangyari kanina,” nakangiti niyang wika sa babae sabay yakap ng mahigpit.

“Hindi kasalanan ang pinili mong kasarian, Sandy. Alam mo kung ano ang kasalanan? Iyong mga taong akala mo perpekto pero ang totoo ay hindi naman talaga,” wika ni Lourdes.

Nakatagpo si Sandy nang bagong kaibigan sa katauhan ni Lourdes.

Simula nang mangyari iyon ay madalang na lang sumakay si Sandy ng LRT. Sinubukan naman nila ni Lourdes na mag car pooling na lamang minsan. Maaga na siyang gumigising upang maaga siyang makaalis sa bahay nila. Kung hindi rush hour ay doon lamang siya sumasakay ng LRT.

Ang bilis nating husgahan ang mga taong may naiibang katauhan, hindi man lang natin naiisip na tao din sila at nasasaktan. Matutong gumalang at rumespeto ng tao, malaki o maliit man ang pagkakaiba natin sa kanila.

Advertisement