Inday TrendingInday Trending
Ibalik Mo Ang Anak Ko

Ibalik Mo Ang Anak Ko

“Ale, Manong, palimos po para lang po sa anak kong may sakit,” ang paulit-ulit na pakiusap na maririnig mula sa isang babaeng pulubi, habang nakalahad ang isang kamay nito sa mga taong nagdaraan sa kahabaan ng kalsada sa bayan na iyon ng Sta. Rosa, sa Laguna. Sa isang kamay nito ay bitbit nito ang sanggol na anitoʼy anak niyang may malubha raw na karamdaman.

May luha sa mga mata ng ale, habang hele-hele nito ang batang nakabalot pa ng lampin. Talaga ngang nakaaantig na makita ang mag-ina sa ganoong sitwasyon. Nakadudurog ng puso, lalo naʼt may malubha raw na karamdaman ang sanggol.

Eksaktong naparaan sa puwestong iyon ang mag-asawang Bernard at Che-che. May-ari sila ng ilang maliliit na negosyo, ʼtulad na lang ng panaderya, maliit na grocery store at isang bagong bukas na kantina, na malapit lang sa ilang eskuwelahan at establisyimento sa bayan.

Mayroon din silang ilang butas ng mga bahay na paupahan sa isang subdibisyon kayaʼt masasabing may kaya talaga sa buhay ang mga ito. Matagal nang humihiling ng anak ang mag-asawang Bernard at Che-Che sa Maykapal, subalit maglilimang taon na silang kasal, ay hindi pa rin natutupad ang kahilingan nilang ito. Patuloy silang umaasa hanggang sa mga oras na iyon ma magkaroon ng isang supling na bubuo sa kanilang pamilyaʼt kani-kaniya nilang pagkatao.

Kaya naman ganoʼn na lang ang pagkadurog ng puso nila nang makita ang sitwasyon ng mag-inang Hellen at Baby Niña, ang pulubing nanlilimos ng tulong sa daan para sa anak nito. Halos maiyak pa nga noon si Che-Che nang subukan nilang tanungin ng ilang impormasyon si Hellen tungkol sa kanilang kalagayan.

“Gusto mo bang kupkupin na muna namin kayong mag-ina, habang tinutulungan namin kayong ipagamot si Baby Niña? Huwag kayong mag-alala, dahil kami naman ang bahala sa lahat ng gastusin.” Pumipiyok pa ang tinig ni Che-Che, habang inilalahad kay Hellen ang kanilang offer, dahil sa pag-iyak nito. Talaga kasing antig na antig ang puso ng babae sa kuwento ng pobreng mag-ina.

Hindi pa man nakalilipas ang ilang saglit ay mariin ang naging pag-iling ni Hellen sa suhestiyong iyon ng mag-asawa. “Naku, hindi po. Nakakahiya po talaga sa inyo. Ayos lang po kami ng anak ko rito. Saka, may bahay naman po kaming matutuluyan,” agad na sagot ng babae, sabay yapos nang mahigpit sa bata.

Hindi naman masisisi nina Bernard at Che-Che si Hellen, dahil mahirap nga namang ipagkatiwala sa ibang tao ang kalagayan nilang mag-ina. Ngunit may kung nabuong ideya sa isip ni Che-Che dahil sa kagustuhan niyang iligtas ang anak ni Hellen sa malubha nitong karamdaman…

“Gusto kong kunin si Baby Niña kay Hellen, Mahal. H-hindi ko alam, pero parang mayroong bumubulong sa akin na dapat iyon ang gawin ko,” aniya sa asawang si Bernard nang gabing umuwi sila sa kanilang bahay.

“Mahal, kalamayin mo ang loob mo. Baka naiisip mo lang ʼyan dahil sa kagustuhan mong magkaanak. Hindi natin maaaring kunin na lang basta si Baby Niña dahil mayroon naman siyang ina, si Hellen,” ang sagot naman ni Bernard na ikinasimangot ni Che-Che.

Natahimik ang mag-asawa, ngunit naroon talaga sa puso ni Che-Che ang kagustuhang makuha ang anak ni Hellen. Masama man kung titingnan ang balak na nabubuo sa kaniyang isipan ay hindi niya iyon mawaglit sa kaniyang kaibuturan.

Nang gabing iyon ay tila nagkaroon ng silent war, kung tawagin, ang mag-asawang Bernard at Che-Che. Minabuti ni Bernard na pahupain na lang muna ang pagtatampo ng asawa, dahil sa hindi niya pagsang-ayon sa gusto nito. Kinuha ni Bernard ang kaniyang laptop at naisipang magbukas na lang muna ng facebook upang i-check ang kaniyang inbox doon, nang may isang post na napadaan sa kaniyang newsfeed ang talagang nakakuha ng kaniyang atensyon…

Napatayo siya sa pagkabigla at agad na kinausap ang asawang si Che-Che upang ipagbigay-alam dito ang kaniyang nalaman. “Mahal, mukhang kailangan nga nating kuhanin si Baby Niña kay Hellen!”

Kinabukasan, kasama ang ilang opisyal ng pulisya ay muli silang nagtungo sa puwesto kung saan palaging nanlilimos si Hellen kasama si Baby Niña. Hindi naman sila nabigo at naabutan nila roon ang inaakalang mag-ina.

Nang araw na iyon ay hinuli ng pulis si Hellen at nakuha nina Che-Che at Bernard si Baby Niña sa kaniya—upang maisauli na nila, sa nangungulila nitong tunay na ina!

Kagabi, nang magbukas si Bernard ng isa sa kaniyang social media accounts ay napag-alaman niyang dinukot lang pala ni Hellen si Baby Niña. Iyon ay upang magpanggap na ina ng bata at gamitin ang naturang sanggol sa panlilimos at pagpapaawa para siyaʼy magkapera! Kalat na kalat na pala sa social media ang mukha ni Hellen at ilang linggo na ring pinaghahahanap ng mga awtoridad. Ngayon ay timbog na ang babaeng mandurukot ng bata!

“Dati po naming katulong si Hellen, Sir. Hindi nga po namin akalain na magagawa niyang kuhanin ang anak ko para gamitin sa panloloko. Labis po akong nagpapasalamat nang malaki sa inyo, dahil sa malasakit nʼyo sa anak ko. Habang buhay ko pong tatanawing utang na loob ang ginawa ninyong ito para sa amin,” ang makabagbag-damdaming pasasalamat ng tunay na ina ni Baby Niña na si Evelyn sa mag-asawang Bernard at Che-Che.

Taos puso naman iyong tinanggap ng mag-asawa nang walang hinihinging kapalit. Napag-alaman nilang wala naman pala talagang sakit si Baby Niña at sa katunayan ay napakalusog nitong bata. Iyon nga lang ay medyo tinamaan ito ng malalang sipon at ubo nang mapunta sa puder ng mandurukot na si Hellen. Mabuti na lang at naagapan kaagad.

Samantala, naging mabuting magkaibigan naman ng mag-asawa ang tunay na ina ni Baby Niña, habang si Hellen naman ay tuluyan nang napatawan ng karampatang parusa para sa kaniyang kasalanan.

Talaga ngang ibang klase kung bumawi ang Diyos sa kabutihang ginagawa natin sa kapwa. Dalawang buwan lang ang lumipas at tila dininig na ang matagal nang panalangin ng mag-asawa… napag-alaman nilang nagdadalang-tao na, sa wakas, si Che-Che sa panganay nila ni Bernard! Mag-uumpisa na ngang mabuo rin ang kanilang pamilya.

Advertisement