Inday TrendingInday Trending
Nalugmok Sa Utang, Kailan Matatauhan

Nalugmok Sa Utang, Kailan Matatauhan

“Jane, umutang ka na naman ba? Hindi ba marami ka pang utang na dapat bayaran?” sita sa kaniya ni Sally ang kaniyang kaibigan sa trabaho.

“Okay lang, Sally, two months ko naman daw itong pwedeng bayaran,” wika niya.

“Kahit na Jane, hindi pa din magandang nababaon ka na sa utang. Sabagay, ikaw naman iyan. Ang hirap kaya nang hindi mo ramdam ang sahod mo kasi lahat napupunta lamang sa utang,” muling wika ni Sally.

Tama si Sally, nababaon na nga siya sa utang. Tuwing may mag-aalok kasi sa kaniyang pautang ay nahihirapan siyang tumanggi. Lalo na kapag sinasabi ng nagpapautang ang haba ng panahong maari niya iyong bayaran. Marupok siya pagdating sa pautang, kaya nahihirapan na siyang magbayad dahil patong-patong na iyon at kinakapos na ang kaniyang sweldo. Mas malaki pa ang kaniyang utang kaysa kaniyang sinasahod.

“Sally, baka pwede mo akong pautangin ng isang libo. Nagugutom na kasi talaga ako, walang natira sa sinahod ko kahapon,” nakikiusap niyang wika sa kaibigan.

“Hala! Grabe naman ‘yan Jane, ayan kasi panay utang ka ng mga walang kwentang bagay. Hindi mo iniisip na dapat ka pang kumain at magbayad ng boarding house,” maktol ni Sally habang humuhugot ng isang libo sa wallet. “Magugutom ka niyan sa pagiging pa-sosyal mo Jane, ang gaganda nga ng mga gamit mo lahat naman galing sa utang. Oh! Ayan bumili ka na nang makakain mo doon,” reklamo ng kaibigan.

Kung ano-ano na lang kasi ang inuutang niya at mga malalaking halaga pa, ayan tuloy wala na siyang makain sa pagiging ambisyosa niya. Kahanga-hanga nga siyang tignan nang iba dahil mukha siyang mayaman, may magandang unit ng selpon, may original na bag, may magandang relo, gintong kwintas at pati na ang nakakabit sa kaniyang tainga, kung isusumatutal ay yayamanin talaga ang kaniyang panlabas na anyo. Pero kung titignan mo ang kaniyang bulsa ay butas na butas na ito. Daig pa niya ang isang nanlilimos sa daan, mabuti pa nga siguro ang mga ito dahil may pera pa para kumain. Siya? Kung hindi siya pinautang ni Sally, malamang gutom na gutom siya ngayon.

“Oh! Kumuha na kayo sa’kin ng damit. Original ito, dalawang buwan ang due dates,” alok ni Aling Mercy sa kanilang lahat.

Naiingganyo na naman siyang tumakbo at tignan kung may nababagay bang damit para sa kaniya, ngunit agad niyang pinigilan ang sarili at tahimik na pinaalalahanan. Nakaplano na kung saan mapupunta ang kaniyang sahod sa darating na a-kinse at wala sa plano niya ang panibagong utang.

“Oh! Jane, nandito na naman si Mercy bakit hindi ka pa umutang sa kaniya?” panunukso ni Sally.

“Marami pa akong kailangang bayaran na utang at wala pa sa plano ang panibagong utang,” sagot niya sa kaibigan.

“Wow! May plano ka na pala ngayon, Jane?” mangha nitong wika. “Sabagay tama iyang ginagawa mo. Alam mo ganiyan ang gawin mo para hindi ka panay utang nang wala sa budget, isipin mo mas masarap kapag buo mong nararamdaman ang sahod mo, mas masarap kapag nagtagal sa kamay mo ang pinaghirapan mo. Very good ka nag-matured ka na nga,” tapik nito sa balikat niya.

“Salamat sa’yo,” aniya tsaka nginitian ang kaibigan. “Kung hindi mo ako laging pinapagalitan, hindi ko maiisip na wala na nga ako sa lugar kung umutang. Mas malaki pa ang utang ko kaysa sa sahod ko, mukha lang akong mayaman pero pulubi talaga ang bulsa ko,” pag-amin niya dahilan upang matawa si Sally.

“Ayos lang iyan, nakakaingganyo naman talagang umutang lalo na kung nadadala ka sa sales talk at sa dalawang buwan na palugit. At least, nagising ka na sa kahibangan mo friend,” natatawang kinabig siya ni Sally palapit rito.

“Kaya nga e, kung hindi pa ko nagutom ng bongga hindi ko pa maiisip na sobra na pala ang pagiging marupok ko pagdating sa utang,” aniya.

Minsan, para makuha ang gusto nating gamit, dinadaan natin ito sa utang. Ang utang kasi ay hindi ka bultuhang magbibigay ng pera. Pakunti-kunti hanggang sa mabayaran mo ang buong halaga, pero madalas may ibang taong nalulubog sa utang. Panay kuha ng mga gamit at hindi na nila napapansin na nababaon na sila nito, umaabot sa puntong mas malaki pa ang utang nila kaysa sa kinikita nila.

Hindi naman masamang mangutang, pero dapat alam natin ang ating limitasyon. Huwag hayaan ang sariling malugmok sa pagkakautang, magkaroon ng plano at tamang budget.

Advertisement