Mayaman Simula Pagkabata Ngunit Biglang Bumagsak sa Lupa, Makayanan Kaya ng Babaeng Ito ang Agos ng Tunay na Buhay?

Mayaman Simula Pagkabata Ngunit Biglang Bumagsak sa Lupa, Makayanan Kaya ng Babaeng Ito ang Agos ng Tunay na Buhay?

HeartbreakingStoriesSuccess

“Anak, huwag kang mag-alala, sandali lang ang ganitong buhay. Hindi mo kailangan malungkot, makakabawi rin tayo kaagad dahil alam kong babangon ang kompanya natin kahit anong mangyari,” wika ni Sofia sa kaniyang anak.

“Ma, ayos lang. Malaki na ako, magha-hayskul naman na ako sa susunod na pasukan at okay lang sa akin na lumipat ng paaralan. Mas mura sa public at mas masaya,” sagot naman ni Andrea, ang kaisa-isang anak ng babae.

“Anak, sa buong buhay ko hindi ko pa nararanasan na pumasok sa pang mahirap na paaralan. Baka walang tumanggap sa’yo na trabaho kasi galing ka lang sa public school, my goodness! I can’t believe this is happening!” hiyaw ni Sofia saka siya napahawak sa kaniyang ulo.

“Ma, ano ka ba, ayos lang ako. Kaya natin ‘to, at saka ang importante okay na si lolo kahit na wala na tayong negosyo ay ayos lang. Pwede pa naman tayo magtayo ng iba pa, mas maliit pero kikita pa rin. Huwag ka na masyado ma-stress, ang mahalaga may makakain tayo at masaya,” natatawang sagot ng anak niya sa kaniya. 

Hindi na lang nagsalita pa si Sofia at sa loob-loob niya’y napakasaya niya dahil sa nagmana ang anak nila sa kasimplehan ng tatay nito na yumao nung bata pa lamang si Andrea dahil sa aksidente.

Binuhay niya mag-isa ang bata kasama ang kaniyang pamilya na ngayon ay matanda na rin. Nagsunod-sunod pa ang trahedya sa kanilang buhay dahil nalugi ang  maliit nilang kompanya ng insurance at tuluyang nagsara. Mabuti na lamang at naayos niya ang mga kailangan bayaran sa mga kliyente kahit na ang naging kapalit ay walang natira sa kanila. Akala niya ay matatapos na roon ngunit sumunod naman ay ang pagkakasakit ng kaniyang ama sa baga at sa puso na siya pang dumagdag sa intindihin niya sa gastos.

“Hey, Dianne, this is Sofia, baka naman may hiring kayo riyan na manager or supervisor, baka pwede mo naman ako ipasok,” wika ni Sofia sa telepono.

“Sofia, hello, glad to hear your voice. Wala kaming opening but you can apply as an agent since insurance naman ang kompanya mo dati,” sagot ni Dianne sa kaniya.

“Naku, alam mo naman na may mga ahente ako para sa ganiyan kasi hindi ako nagbebenta. Sila daddy at mommy pagdating sa ganiyang usap-usap, but I am very good naman sa pagsu-supervise,” natatawang sagot ni Sofia sa babae.

“Sofia, ano ka ba, tanggapin mo na ang grasya, marami ka naman kakilala at baka sa pagiging ahente ka pa yumaman ulit,” natatawang sumagot din si Dianne sa kaniya.

Saglit na hindi nagsalita si Sofia dahil sa naramdaman niyang inis at insulto sa tono ng kausap.

“Sige, tatawagan kita ulit. I have to go now, bye,” dali-dali niyang sabi saka ibinaba ang telepono at inikot ang kaniyang mata nang sobrang diin sa inis. 

“Hindi ako bababa sa ganoong level, my God! Hindi ako bagay sa mga ganun, ayaw ko magbenta, ayaw kong ma-reject at ayaw ko sa lahat ang magtatawag!”

Marami-rami na rin siyang natawagang kaibigan at kung hindi ahente ay mababang posisyon ang ibinibigay sa kaniya na ayaw naman niyang tanggapin. Hanggang sa napagdesisyunan niyang maghanap ng trabaho na may matataas na posisyon gamit ang kaniyang resume.

“Hello, nag-aapply ka rin ba as manager?” tanong niya sa katabing babae. Mas bata ito sa kaniya at mukhang mabait.

“Opo,” mabait nitong sagot.

“Anong tinapos mo tsaka anong eskwelahan?” sunod na tanong niya rito saka pasimpleng kinilatis ang babae sa kaniyang tingin.

“Unibersidad ng Sta Maria po, pampublikong paaralan po sa may amin,” masiglang sagot muli nito sa kaniya.

“Ay, sa may riles ng tren ‘yan ‘di ba? Naku, ako sa mamahaling school nagtapos at ngayon pa lang sinasabi ko na sa’yo, hindi ka makukuha. Mas mabuti nang marinig mo sa akin kasi mas matanda naman ako sa’yo at para hindi ka na rin masyado masaktan pa,” wika ni Sofia saka ipinikit ang kaniyang mata habang kausap ang dalaga.

Hindi naman na sumagot pa sa kaniya ang dalaga at tinalikuran na lamang siya. Hanggang sa natapos ang interview nila.

“Hello Ms. Trina, magtatanong lang sana ako kung kailan ako pwede mag-umpisa,” saad ni Sofia sa empleyadong nag-interview sa kaniya kanina.

“Pasensiya ka na Ms. Sofia kung hindi kita nabalikan kaagad pero hindi ka po nakapasa bilang manager,” malungkot na sagot sa kaniya nito.

“O, ayos lang, ito naman. It’s okay, pero matanong ko lang, bakit?” iritable ngunit kalmado niyang sinabi iyon.

“Wala po kasi kayong karanasan hindi po katulad nung kasabay niyo,” maiksing paliwanag nito sa kaniya.

“Pero galing akong private school at ‘yun ay sa public school lang. Isa pa, natututunan naman ang mga bagay kaya bakit kailangan ng experience? ‘Di hamak naman na mas matalino ako kaysa roon sa taga-Unibersidad ng Sta Maria at mas may class maging manager niyo,” ani Sofia.

“Naku, Ms. Sofia, hindi naman sa lahat ng oras ay eskwelahan o grado ang tinitignan sa isang aplikante. Minsan mas mahalaga ang ugali, dahil ang trabaho natututunan at nahahasa ‘yan pero ‘yung ugali ng tao ay hindi na magbabago. Sana may natutunan kayo ngayong araw,” pagtatapos ni Trina saka ito umalis.

Napalunok naman ng laway si Sofia saka din siya umalis. 

Ngayon siya nahimasmasan sa katotohanan na nangyayari sa kaniyang buhay. Dumating siya sa edad na 39 anyos ngunit wala siyang alam na gawing trabaho dahil ang totoo ay umaasa lamang siya noon sa kompanya nila. Lahat ng kibot ay roon niya kukuhanin ang pera. At kahit na gaano pa kaganda ang eskwelahan na pinasukan niya ay mababalewala kung magaspang din ang pag-uugali niya. 

Nang makarating siya sa bahay naabutan niya ang kaniyang anak na naglalaba habang nagluluto.

“Anak, patawarin mo ako at nararanasan mo ito. Wala akong kwentang nanay, ” iyak ni Sofia sa kaniyang anak.

“Ma, ayos lang, ano ka ba, ayos lang tayo. Huwag ka na masyado malungkot dahil kahit walang pera ang mas importante buo tayo,” sagot ni Andrea sa kaniya sabay yakap.

Simula noon ay nagsimulang magbanat ng buto ang babae, tinanggap niya ang trabahong alok sa kaniya ng mga kaibigan kahit sa mababang posisyon. Mas natutunan niya rin ang huwag mangmaliit ng tao sa kahit anong aspeto ng buhay.

More Stories