Sobrang Higpit Raw ng Nanay ng Dalagang Ito Kaya Naman Nagawa Nitong Pumuslit; Sa Huli’y May Matutuklasan Pa Pala Siya

“Ito naman parang hindi tayo lumaki sa squatter! Kung makapagpagalit ka naman sa inaanak ko akala mo wala nang bukas,” wika ni Micah, matalik na kaibigan at kapatid-kapatiran ni Shella.

“Ayon na nga, laki tayo sa magulong lugar kaya alam na alam ko ang mga hiwa ng mga bituka ng mga lalaki. Lahat ‘yan gusto lang ng s*x! Kunwari nagagandahan sa’yo, kunwari nililigawan ka, kunwari mahal na mahal ka pero ang totoo kapag nakuha na yang puri mo iiwan ka lang niyan!” baling ni Shella rito.

“Bunganga mo naman, Shella, baka marinig ka ng anak mo. Wala namang ginawang masama ‘yung bata. Nakakaawa naman kasi na siya lang lagi ang hindi kasama sa mga party at outing ng buong section nila. Hayskul na ‘yan, dalaga na ‘yung anak mo at hindi mo na mapipigilan ‘yan,” bwelta naman ni Micah sa kaniya saka ito napahawak sa kaniyang mukha.

“Kaya nga pipigilan ko hangga’t kaya ko! Kaya sana naman huwag niyong pinagtatakpan ‘yung bata at nagsisinungaling pa kayo sa akin kung na saan siya. Paano kung may mangyari sa kaniya, sa tingin mo ba maibabalik pa natin ang nakaraan? Hindi na, Micah, hindi na!” galit na sagot ng babae saka siya napaiyak.

“Oo na, sige na, mali na ako, mali na kami ng anak mo kaya naman kumalma ka na. Tama na, nakauwi naman ng buo si Sharmaine kaya tama na,” pagpapakalma nito sa kaibigan saka yumuko na lang.

“Ma, alam mo sobrang OA mo na! Bakit ka ba galit na galit kung nag-night swimming kami? Nalunod ba ako? May nangyari ba sa aking masama? Ano ba talagang problema?” biglang singit ng Anak ni Shella na si Sharmaine.

“Kita mo na, nag-swimming ka lang marunong ka na sumagot ng ganyan? Pumasok ka sa kwarto mo kung ayaw mong matamaan ka sa akin,” bwelta ni Shella sa bata.

“Ma, matanda na ako. May isip na ako, alam ko na ang tama at mali kaya hindi mo na ako kailangan pang tratuhin na parang bata. Hindi naman tayo rich kid para umasta ako na parang prinsesa at ano bang meron kung makipags*x man ako? Ang importante hindi nabuntis ‘di ba!?” sagot pang muli ni Sharmaine sa kaniya.

Advertisement

Hindi nagsalita si Shella at mas mabilis siyang nakalapit dito at sinampal ang bata ng ubos nang lakas. Natameme si Micah sa kaniyang pagkakatayo at hindi nakagalaw samantalang si Sharmaine naman ay tumakbo at umalis ng bahay.

Hindi nagsalita si Shella at napaupo ito saka tahimik na umiyak.

“Baka tama ‘yung bata, baka naman sobra ka na sa kaniya, Shella. Baka kailangan mo ngayon pagkatiwalaan na pinalaki mo naman ng maayos ang anak mo at handa na siya sa realidad,” sabi ni Micah sa kaniya bago ito umalis.

Mas lalo pang naiyak ang babae nang maiwan siya mag-isa. Simula noong naghiwalay sila ng tatay ni Sharmaine ay pinalaki na niyang mag-isa ang bata. Hindi na rin siya nanghingi pa ng suporta mula sa lalaki at namuhay nang tahimik. Nagsumikap ito sa pagtratrabaho hanggang sa nakapagtayo siya ng sarili niyang puwesto sa talipapang malapit sa kanila. Hanggang sa napalago niya ito at ngayon ay may tatlo na siyang puwesto na siya naman nilang pinagkukunan ng pinansiyal sa araw-araw.

Bukod sa pagiging nag-iisa niyang magulang kay Sharmaine ay naging mahigpit itong nanay sa bata. Simula pa lang noon ay hindi maaring makipaglaro ang bata sa mga lalaki at hatid sundo niya rin ito kahit ngayon. Hindi rin nakaranas na gumamit ng telepono o ano mang social media ang bata. Tanging eskwelahan at bahay lamang din ang maari nitong puntahan.

Makalipas ang ilang oras ay bumalik si Sharmaine sa kanilang bahay, napansin niya kaagad ang mapula nitong pisngi dahil sa lakas ng pagkakasampal niya kanina.

“Anak, pwede ba tayong mag-usap?” mahinahon na niyang sabi ngayon sa anak.

Umupo naman ito kaagad at nakayuko lamang, “Ma, alam mo, lahat ng mga kaklase kong babae ay hindi na virgin. Sobrang normal na ngayon ng ganun at isa pa, isang taon na lang magkokolehiyo na ako,” mahina niyang sabi.

Advertisement

Mabilis na nag-init ang tenga ni Shella ngunit huminga siya nang malalim saka ito nagsalita.

“Anak, may sasabihin ako sa’yo, sana pag nalaman mo ito ay hindi magbago ang tingin mo sa akin,” seryosong banggit ng babae saka ito tumabi sa kaniyang anak.

“Pinagsamantalahan ako ng amahin ko nung ako ay nasa ganiyang edad mo. Hindi lang isang beses kung hindi paulit-ulit, hanggang sa hindi ko na kinaya dahil hindi naniniwala ang nanay ko noon kaya umalis na lang ako. Naglayas kaya napadpad sa Maynila, dala-dala ko sa puso ko ang takot at kaba dahil baka wala nang tumanggap pa sa aking lalaki at paglaruan na lang ako. Oo, magkaiba ang panahon natin pero parehas lang tayong babae at isang beses lang tayo magiging birhen sa buhay natin,” nanginginig at naluluha-luhang sambit ng babae saka niya niyakap ang bata.

“Kaya takot na takot akong maranasan mo ang mga pinagdaanan ko kaya ganoon na lang ako ka OA sabi mo nga, dahil hindi na maibabalik pa ang nakaraan. Kaya ako iniwan ng tatay mo kasi hindi siya naniniwalang sa kaniya ka dahil marumi naman daw akong babae. Ayon ang naging komento niya noong malaman ang nakaraan ko, masakit, anak, masakit na tingnan ka nang mababa dahil lamang sa nakaraan mo o sa nawala sa’yo,” dagdag pa nito.

“Sorry, ma, hindi ko alam na ganiyan kalalim ang pinanghuhugutan mo, sorry po,” balik naman ni Sharmaine sa kaniya at mas humigpit pa ang yakap nito.

“Pero, ‘ma, magtiwala ka rin sa akin minsan, nakikinig naman ako sa’yo at nakatatak na sa puso ko lahat ng bilin mo. Hindi pa rin ako nakikipag pre-marital s*x kaya huwag kayong mag-alala kasi wala rin naman akong nobyo at magtatapos din muna ako kasi iyon lang ang tanging mapapamana niyo sa akin kaya huwag na kayong umiyak,” dagdag pa ng bata at parang naiinis ngunit mas nangibabaw ang tawa nilang mag-ina.

Pagkatapos noon ay mas pinagkatiwalaan na ni Sharmaine ang kaniyang anak ngunit hindi pa rin siya nakakalimot sa pagpapaalala kahit nga sirang plaka na ang tawag sa kaniya. Tanging dasal lamang ang baon daw ng isang ina sa tuwing malalayo ang kanilang mga anak sa kanila.