Babaeng Perpekto ang Ganda Pero Bobita Naman Daw Sabi ng Iba; May Sikreto Pala ang Babaeng Inaalipusta Nila

“Ito na ang sinasabi ko sa inyo mga mars! Maganda ‘tong alaga ko!” wika ni Paolo, binabaeng kaibigan ng dalaga. Hinatak siya at pinatayo sa gitna.

“Anong tinapos mo, hija?” tanong ng isang lalaki na nasa likuran ng camera.

“Hayskul po,” mahina niyang sagot.

“Paolo, baka naman mahirapan magbasa ‘yan. Matalino ba ‘yan, baka baluktot ang dila sa english?” tanong pang muli nito.

“Hindi naman, alaga ko na talaga ‘to, subukan mo muna at maganda ang rehistro nito sa camera. Ano ba ang linyang sasabihin?” balik naman ni Paolo sabay lapit sa kanila at iniwan si Gail sa gitna ng camera.

“Gail, pakibasa na lang sa monitor ang sasabihin mo tapos timplahin mo lang ‘yung kape at inumin mo sa pinakamaganda at komportableng paraan,” utos ng lalaki sa kaniya.

“Ahm, pasensiya na po pero malabo ang mata ko, hindi ko po mabasa. Pwedeng pakibasa lang po sa akin saglit para maulit ko?” sagot naman ni Gail.

“Ano ba ‘yan, sa susunod na kita isasalang at maraming naghihintay. Paolo, sa susunod na lang siya, bilhan mo muna ng contact lens ‘yan,” iritableng wika muli sa kaniya ng lalaki sabay alalay sa kaniya ng isa pa para umalis sa gitna.

Advertisement

“Pasensiya ka na, Mama Pao, sabi ko naman kasi sa’yo, model lang ‘wag na yung may mga linya. Mahina ako roon,” malungkot na paumanhin ng dalaga.

“Ano ka ba naman, advertise ‘yun ng kape! Sayang naman kasi at makakahilera mo na ang mga artista sa TV. Bakit ba kasi hanggang ngayon hindi ka bumibili ng contact lens o salamin, sayang!” sagot ni Paolo sa kaniya.

“Hayaan niyo na, mauuna na po ako,” paalam naman ni Gail saka ito umalis.

Kung sa usapin ng ganda ay isa na yata si Gail sa may pinakamagandang rehistro ng mukha, gising na gising nga raw ito noong nagpaulan ng kagandahan ang Diyos.

“Gail, mukhang galing ka sa raket ha? Baka gusto mo rin mag-aral minsan,” wika ni Fatima, kapitbahay ng babae.

“Hay naku, Fatima, wala ako sa mood makipagbakbakan sa’yo. Bukas na lang,” sagot niya sa chismosang, laitera niyang kapit bahay.

“Hulaan ko, ‘di ka pumasa kasi nalaman nilang bobita ka!” malakas nitong tugon saka sabay na nagtawanan ng kaniyang mga kasama.

“Tama na ‘yan, si Gail na naman ang nakita niyo,” sita naman ni Angelo, isa pang kapitbahay ng mga babae.

Advertisement

“Naku, Angelo, tigil-tigilan mo na ‘yang kakaporma kay Gail kasi hipon naman! Maganda lang pero bobita naman, ‘di ‘yan marunong magbasa,” tawa pang muli ni Fatima.

Sa kabilang banda ay hindi na lang sumagot pa si Gail at binagsak na lang ang kanilang pinto saka siya pumasok sa kanilang bahay.

Nag-iisa na lang sa buhay ang dalaga, yumao ang kaniyang ama at ina nang dahil sa katandaan at kahirapan. May ilan man siyang kamag-anak ngunit nasa probinsya naman. Bata pa lamang si Gail ay nahuhuli na ito sa klase dahil sa hina niya sa pagbabasa. Kaya naman ito ang laging tukso sa kaniya.

“Gail, baka pwede mo naman ako patuluyin, may sasabihin sana ako sa’yo,” wika ni Angelo habang kumakatok ito sa kaniyang pinto.

“Angelo, kung sa renta ‘yan ng bahay wala pa akong pera. Baka pwede sa katapusan na, pasensiya na talaga,” mahinang sabi ng babae sa kaniya saka binuksan ang pinto.

“Ito naman, nandito ako bilang kaibigan. Tsaka sasabihin ko lang sana sa’yo na may libreng pasalamin sa barangay bukas baka gusto mong kumuha,” ani Angelo sabay ngiti sa kaniya.

“’Di ba sabi mo rati pa na malabo ang mata mo kaya hindi ka nakakapagbasa? Ayon, naisip ko lang naman, sana huwag kang magalit,” dagdag pa nito sa kaniya.

Hindi naman sumagot pa ang babae at tumango na lamang siya rito saka isinarang muli ang pinto. Nanatili siya sa likuran nito at doon tahimik na umiyak.

Advertisement

“Panginoon ko, paano na ako? Paano ako mabubuhay, hindi ko na alam kung paano,” bulong niya. Saka siya umiyak nang umiyak hanggang sa nakatulog.

Kinaumagahan ay maaga siyang naglaba ng kaniyang mga damit at isinampay niya iyon sa labas ngunit halos limang minuto na ang nakakalipas ay hindi niya maisabit ang mga damit dahil palaging pumapalya.

“Gail, ayos ka lang ba? Akin na at ako na ang magsasampay,” mabilis na lumapit si Angelo sa kaniya at doon na bumagsak ang babae.

Isinugod nila kaagad ito sa malapit na ospital at doon nalaman ng buong barangay ang sikreto ni Gail.

“Bakit hindi mo sinasabi sa amin na ganyan pala ang kondisyon mo? Handa kaming tumulong sa’yo,” wika ni Kapitan Maria, punong barangay sa kanila.

“Ayaw ko lang ho maging pabigat sa iba,” iyak ni Gail dito.

Bulag na pala ang isang mata ng babae at unti-unti nang lumalabo ang isa pa kaya naman halos wala na syang nakikita. Sakit na ito ng dalaga simula pagkabata at dahil sa kapos sa pera ay hindi na naipagamot pa ng kaniyang mga magulang. Itinago niya rin ang kapansanan dahil baka mas lalong walang kumuha sa kaniya ng trabaho. Ito na rin ang naging malaking hadlang kaya siya palaging nahuhuli noon sa klase at mas piniling hindi na lamang mag-aral pa.

Malaking pera ang kinakailangan upang maipagamot ang kaniyang mga mata ngunit sa ngayon ay binigyan siya ng gamot upang mapabagal ang paglabo ng isa pa habang nag-iipon sila ng pera ng kaniyang buong kabarangay.

Advertisement

“Gail, gagawin ko makakaya ko para sa’yo, tutulong din ako,” sigaw ni Fatima sa kaniya na labis namang ikinagulat ng babae.

Nagtulong-tulong kasi ang buong barangay at ilan pang kaibigan ng babae upang makalikom ng pera para sa kaniyang pagpapagamot sa pamamagitan ng pahingi ng donasyon at iba pang paraan.

“Bakit niyo ako tinutulungan, kapitana?” tanong ni Gail kay Aling Maria.

“Ikaw na yata ang isa sa pinakamabait na taong nakilala ko, Gail, napakamatulungin mo at maging ang mga magulang mo. Halos lahat ng mga tumutulong sa’yo ngayon ay naabutan mo na ng iyong kagandahan ng loob kaya naman bumabalik ito sa iyo ngayon. Pagsubok lang ‘yan, malalampasan mo rin ang lahat ng ito,” positibong sagot ni Kapitana sa kaniya.

Napaluha na lamang si Gail sa pasasalamat dahil kahit wala na siyang pamilya ay buong barangay naman ngayon ang kaagapay niya sa kaniyang pinakamadilim na kabanata ng buhay. Ilang buwan pa ang lumipas ay nakapagpagamot ito ng paunti-unti at sinasabi na rin niya ang kaniyang kakulangan sa tuwing mag a-auditon siya ng modeling. Sunod-sunod ang naging proyekto ng babae at mas tinggap siya ngayon ng lahat.

Ngayon niya napatunayan na ang maliit na kapansanan sa isang tao ay maaring makapagdala ng malaking perwisyo ngunit maari ring makapagbigay ng tapang upang lalo pang harapin ang mga pagsubok ng buhay.