Pagkatapos Mawalan ng mga Anak ay Nawalan din ng Asawa ang Babae; Muli Siyang Susubukin ng Pagkakataon

Pagkatapos Mawalan ng mga Anak ay Nawalan din ng Asawa ang Babae; Muli Siyang Susubukin ng Pagkakataon

FamilyHeartbreakingStories

“Anak ko, anak ko!” hagulgol ni Osang habang yakap-yakap ang wala nang buhay na katawan ng kaniyang sanggol.

Labis ang pagtangis niya nang malamang wala na ang sanggol na lumabas sa kaniyang sinapupunan.

“Ikinalulungkot ko, misis, ang nangyari. Ginawa namin ang lahat ngunit ‘di talaga naisalba ang sanggol,” sabi sa kaniya ng doktor.

“Osang, tibayan mo ang loob mo anak, makakaya mong lahat ng ito!” wika ng inang si Aling Trining.

“Inay, dalawang beses na akong nawawalan ng anak. Bakit ba ginagawa sa akin ito ng Diyos?”

“Huwag mong sisihin ang Diyos, mahal ko. Pagsubok lang ito sa atin,”  sabi naman ng asawa niyang si Gael.

Kahit masakit at mahirap ay pilit na kinalimutan ni Osang ang malungkot na nangyari sa kanilang sanggol. Mas pinagtuunan ng pansin ng mag-asawa ang dalawa pa nilang anak. Naging maayos naman ang lahat. Unti-unting naghilom ang sugat sa puso ni Osang sa pagkawala ng anak nila ni Gael.

Akala ni Osang ay tapos na ang kaniyang bangungot, ngunit sinubok na naman ang kaniyang katatagan. Panibagong dagok na naman ang dumating sa  biglaang pagpanaw ng kaniyang asawang si Gael. Bigla na lamang itong inatake sa puso at nang dalhin nila sa ospital ay hindi na ito umabot pa nang buhay.

“Diyos ko, hanggang kailan niyo po ako pahihirapan ng ganito?!” malakas na sabi ni Osang habang patuloy na umiiyak sa harapan ng kabaong ng asawa.

Nang mailibing ito ay halos hindi na makausap ang babae at palagi na itong tulala. Napabayaan na rin niya ang mga anak at hindi na siya nagtatrabaho.

Nang minsang magtanong sa kaniya ang panganay na anak na si Peter kung ano ang kakaiinin nila sa pananghalian.

“Inay, wala po ba tayong pagkain? Nagugutom na po kami ni Rica!” anito.

Hindi sumagot si Osang. Nakatanaw lang ito sa kawalan habang tahimik na nakaupo sa gilid ng bintana.

“Inay, inay, nagugutom na po kami!” patuloy na pangungulit ng bata.

Saka pa lang natauhan si Osang nang yugyugin na siya ng anak. Wala pa rin itong imik na tumayo sa kinauupuan at naglakad papunta sa kusina. Nakita niya na walang bigas na puwedeng isaing. Wala ring ulam na mailuluto o anumang pagkain na maihahain para sa mga anak. Mayamaya ay nagsimula na namang humagulgol ang babae at napaupo sa sahig.

“Hindi ko na kaya!” aniya habang humahagulgol ng iyak.

“Inay, inay, bakit po kayo umiiyak?” tanong ng anak.

“Anak, may problema lang ang nanay. D-dito muna kayo ng kapatid mo at bibili lang ako ng makakain natin, ha?” sabi niya sa anak.

Paglabas niya sa bahay ay may biglang kung anong pumasok sa isip ni Osang at kumuha ng posporo. Balak niyang sunugin ang pawid nilang bahay kasama ang kaniyang mga anak.

“Patawarin niyo ako, para matapos na ang paghihirap ninyo!” mahina niyang bulong sa sarili habang ‘di na napigilan ang muling paghagulgol. Nasindihan na niya ang hawak na palito ng posporo nang biglang may mga tinig ang gumulat sa kaniya.

“Huwag niyo pong gawin ‘yan!”

Nang lingunin niya ang pinanggalingan ng mga boses ay laking gulat niya sa kaniyang likuran ang dalawang bata. Isang batang lalaki at batang babae na sa tantiya niya ang edad ng isa ay nasa limang taon at ang isa naman ay anim na taon.

“S-sino kayo?!”

“Huwag niyo pong ituloy ang gagawin mo, nanay!” pakiusap ng batang lalaki.

Nagulat si Osang sa sinabi ng bata.

“Masama po ‘yan, nanay. Nasa loob po ang mga kapatid namin. Hindi mo na po ba sila mahal?” tanong naman ng batang babae.

“B-bakit ninyo ako tinawag na nanay?!”

“Dahil kami po ang mga anak mo, nanay. Masaya na po kami sa kung saan man kami naroon ngayon. Kasama na rin po namin doon si tatay at nalulungkot din siya sa nangyayari sa iyo, nanay. Maayos na po ang lagay namin. Magpakatatag ka po nanay, kailangan ka po ng mga kapatid namin. Mahal na mahal po namin kayo, nanay!” wika pa ng batang lalaki.

Mas lalong napahagulgol si Osang. Saka pa lang siya bumalik sa katinuan at niyakap ang dalawang bata.

“Patawarin niyo ako, mga anak. Hindi ko sinasadya!”  

“Tahan na po inay. Balik ka na po sa loob ng bahay natin. Hinihintay ka na po ng mga kapatid namin,” sagot naman ng batang babae.

Mayamaya ay biglang nagising sa mahimbing na pagkakatulog si Osang. Panaginip lang pala ang lahat.

“Salamat mga anak!” tangi niyang nasambit habang lumuluha.

Nang bigla ring nagising ang panaganay niyang anak na si Peter.

“Nay, umiiyak ka na naman?” anito.

“Patawarin niyo ako mga anak. Mula ngayon ay pagtutuunan ko na kayo ng pansin. Mahal na mahal ko kayo!” tugon niya nang nakangiti sabay yakap nang mahigpit sa anak na si Peter. Pati ang natutulog niyang anak na si Rica ay niyakap rin niya.

Kahit nalilito sa inaasta ng ina ay masayang-masaya si Peter dahil nakuha na ring ngumiti ng nanay niya.

Mula noon ay natutong magpakatatag si Osang para sa kaniyang mga anak. Nagsimula ulit siyang magtrabaho para sa kanilang pamilya. Alam ni Osang na darating din ang araw na magsasama-sama rin silang buong mag-anak sa tamang panahon.

More Stories