Sobra-Sobra ang mga Nakatagong Pagkain ng Pamilyang Ito Para sa Lockdown; Matuto Kaya Silang Mamahagi sa Mga Nangangailangan?
Pinagmasdan ni Teo ang cabinet na pinaglalagyan ng namumutaktak na de-lata, noodles at iba pang pagkain.
“Mabuti nang handa tayo kung anuman ang mangyari, lalo na sa panahon ngayon na walang kasiguraduhan dahil sa pandemyang Covid 19,” sabi ko sa nanay niya.
“May hinala ako na maaring tumagal ang direktiba ng pamahalaan sa paglunsad ng ECQ sa buong Metro Manila. Maigi nang sigurado at makapag-imbak ng mga pagkain at gamot na kayang tumagal ng mahigit tatlong buwan,” wika naman ng kaniyang tatay.
“Mabuti na lang at may sobra kaming pambili ng lahat ng pangangailangan namin ng buong pamilya, hindi ako mag-alala. Hindi rin namin kakailanganing lumabas nang lumabas para makaiwas at mahirap nang makakuha ng sakit sa labas,” nangingiting sabi niya sa sarili.
Maya-maya ay lumabas si Teo sa bakuran ng kanilang bahay na napapaligiran ng mga halaman at natutuwang hinawakan ang isa sa mga malusog na orkidyas na tanim ni ng nanay niya.
Maya-maya ay may napansin siyang isang ginang at batang lalaki, mukhang mag-ina. Hindi niya sinasadyang marinig ang uspaan nila habang mabagal na naglalakad.
“Nawalan ng trabaho ang tatay mo dahil sa pagsasara ng pinapasukan niyang kumpanya. Doon muna tayo titira sa mga lola mo hanggang hindi pa siya nakakahanap ng trabaho para pambayad sa upa sa bahay at pagkain,” narinig niyang sabi ng ina ng bata.
“Eh paano ‘yan Nanay, paano po ang pag-aaral ko? Gusto ko po pumasok sa paaralan,” wika ng bata.
“Ah, hinto muna ang mga pag-aaral anak. Baka ang mangyayari niyan ay yung sinasabi nilang online at module. Hay naku, hindi ko na tuloy alam ang gagawin ko, natataranta ako sa iyo,” sabi ng ginang sa anak.
Habang tinatanaw ang mag-inang papalayo na ay hindi naiwasan ni Teo na makaramdam ng kalungkutan. Naisip niya, napakaganda nh katayuan ng kanilang pamilya sa buhay, subalit hindi ganap ang kaniyang kasiyahan dahil alam niyang maraming pamilya ang hindi kagaya nila. Laganap pa rin ang kahirapan. Mayroon pa ring mga tao na lubhang apektado ng sitwasyon na ito.
Pumasok si Teo sa bahay para ipagpaalam sa kaniyang Nanay na magbalot ng ilang de-lata at bigas na mayroon sila upang ipamigay sa mga pamilyang nangangailangan.
Natuwa at pumayag ang Nanay at Tatay niya sa kaniyang naisipan.
“Nakakatuwa ka naman anak. Tama iyan. Sa panahon ng pangangailangan, dapat mamayani ang pagdadamayan,” sabi ng kaniyang Nanay na mukhang ipinagmamalaki siya sa kaniyang naisipan.
Kaya naman, nagsimula na silang mag-repack ng mga labis-labis na bagay na nabili nila, magmula sa delata, noodles, at iba pa. Nais nilang galugarin ang kanilang mga kapitbahay, baka-sakaling may nangangailangan ng tulong.
Maya-maya tumunog ang kanilang doorbell. Pagsilip niya, may isang batang nakatayo sa labas na hawak ng isang lola na kung hindi siya nagkakamali ay nasa 80 taong gulang na dahil sa kanyang purong puting buhok, namamayat na katawan at pustura.
“Kuya, pwede pong makahingi ng tulong? Kahit ano pong pwedeng makain, hindi pa rin po kasi kami nabigyan ng ayuda ng barangay. Parang awa n’yo na po,” pagmamakaawa ng bata kay Teo.
Awang-awa naman si Teo sa kalagayan ng mag-lola. Iminungkahi niyang pumasok muna sila sa loob ng kabahayan nila upang mabigyan sila ng makakain at maiinom.
Habang kumakain at umiinom naman ang mag-lola ay kinakausap sila ng kaniyang mga magulang. Nakikinig naman sa Teo sa kuwentuhan nila. Napag-alaman niya na ang mag-lola pala ay lumuwas ng Maynila matapos madamay sa pagsalanta ng napakalakas na bagyo sa Kabisayaan.
“Maraming salamat sa inyo. Napakabuti ng inyong pamilya. Hindi kayo nangimi na tulungan kami kahit hindi ninyo kami kakilala at kahit may banta pa ng virus sa labas,” pagpapasalamat ng matanda sa kanila.
“Naku, wala ho iyon. Mag-iingat po kayo lagi ha? Lagi po kayong magsusuot ng face mask,” paalala ng mga magulang ni Teo sa mag-lola.
Agad namang inasikaso ni Teoang paglalagay sa plastik ng mga delata, noodles, at iba pang mga pagkain at tubig na makatutulong sa mag-lola. Agad niya itong iniabot sa dalawa, at saka na sila umalis. Habang pinagmamasdan ang papalayong mag-lola ay may kumurot sa dibdib niya, at hindi niya namalayan ang pagtulo ng luha niya habang papasok siya ng bahay.
Simula noon ay naging aktibo na sina Teo at ang kaniyang mga magulang sa pag-aabot ng tulong sa mga taong nangangailangan; at ipinangako nila, may pandemya man o wala, patuloy nilang gagawin ito.