Inday TrendingInday Trending
Ihaw-Ihaw ang Naisip na Negosyo ng Dating OFW na Ginoo; Bakit Kaya Sinugod Siya ng Kapitbbahay?

Ihaw-Ihaw ang Naisip na Negosyo ng Dating OFW na Ginoo; Bakit Kaya Sinugod Siya ng Kapitbbahay?

Matagal nang plano ni Mang Carlos na isakatuparan ang negosyo niyang ihaw-ihaw sa tapat ng kanilang bahay. Sadyang mahilig siya sa mga inihaw na pagkain gaya ng barbecue, isaw, betamax, helmet, balun-balunan, at iba pa. Kaya naman nang magkaroon ng pangkapital matapos ang pagtatrabaho bilang OFW, isinakatuparan na niya ang matagal na niyang inaasam-asam na gawin.

Nakabili na rin siya ng ihawan. Nakuha niya nang mura sa isang kalugar na nakita niyang gumagawa ng ihawan sa murang halaga lamang, sa pamamagitan ng isang social media page.

Naplano na rin niya kung anong oras gigising araw-araw upang mamakyaw ng mga ibebentang ihaw-ihaw.

Nakahanda na rin ang mga uling na ipapabaga niya, ang gaas, at ang pang-ipit upang mabali-baligtad niya ang mga iniihaw.

Kinabukasan nga ay nagsimula na siya. Sa tapat lamang ng kanilang bahay. Katu-katulong niya ang bunsong anak na lalaki. Upang hindi na magpaypay, inilabas nila ang isang luma ngunit gumagana pang maliit na bentilador at itinutok sa nagbabagang uling.

Pumailanlang ang aroma ng usok na nakahikayat sa mga kapitbahay at mga napapadaan na bumili sa kanila.

Maya-maya, nasa bungad na si Aling Magda, isa sa mga kapitbahay nila. Sambakol ang mukha nito.

“Hoy! Carlos! Ihinto mo nga itong negosyo mong ito! Yung usok ninyo, napunta na sa loob ng bahay namin! Ano ba kami, tinapa? Amoy-usok na ang mga sinampay at loob ng bahay ko. May permit ba kayo bago kayo magnego-negosyo nang ganito?” talak ni Aling Magda sa kaniyang kapitbahay.

“Aba teka muna Magda, maghulos-dili ka muna. Ang arte-arte n’yo naman! Akala ninyo rich kid kayo… hoy, marangal itong negosyo ko no? Relax lang!” patawang sabi ni Mang Carlos. Ayaw niyang patulan ito at baka mamaya ay makaaway pa niya ang mister nito. Ayaw niya ng gulo.

“Hindi ako naiinggit sa iyo, at bakit naman ako maiinggit sa iyo, aber? Hindi ko kailangang magnegosyo ng ihaw-ihaw na ganyan dahil sapat na sapat ang kinikita ng mister ko. At kung magnenegosyo man ako, sisiguraduhin ko na hindi makakaperwisyo sa mga kapitbahay!” asik ni Aling Magda.

Maya-maya, natigil si Aling Magda sa kaniyang mga sinasabi laban kay Mang Carlos.

“Mama! Si Tintin! Si Tintin po ay hinihika at hindi makahinga!”

Pero bago ito tuluyang umalis ay pinagsalitaan pa ulit nito si Mang Carlos.

“Oh kita mo na? Kaya kita pinapahinto dahil may hika ang anak ko! Nasasagap niya ang mga usok. Kapag may nangyari sa anak ko, tinitiyak ko sa iyo, hindi kita tatantanan! Umabot na tayo kung saan tayo umabot!” galit na sabi ni Aling Magda, sabay talikod na at uwi na sa kanilang bahay.

Naalarma naman si Mang Carlos nang malaman ang nangyari sa anak ng kapitbahay. Hikain pala ito.

Kinabukasan, dumating ang mga barangay tanod sa bahay ni Mang Carlos upang ibigay ang isang kalatas mula sa kapitan.

“Inaanyayahan po kayo ni Kapitan para sa isang pagdinig. Inirereklamo po kayo ng kapitbahay ninyo.”

Agad namang nagpaunlak si Mang Carlos.

“Mister, may permit po ba kayo sa inyong negosyo?” tanong ng kapitan.

“Wala ho eh… pero kukuha naman po ako kung kinakailangan talaga,” sabi ni Mang Carlos.

Kumontra naman si Aling Magda.

“Pero hindi ako makakapayag, dahil kahit na may permit ka pa, kung nakakapinsala ka naman sa mga kapitbahay mo, huwag mo na lang gawin ‘yan. Kita mong magkakadikit ang mga bahay dito sa atin eh, gaganyan ka pa? Kung gusto mong magnegosyo ng ganyang ihaw-ihaw, hindi kita pakikialaman, pero doon sa mas tamang lugar, huwag sa atin!” katwiran naman ni Aling Magda.

Upang matapos na ang usapin, minabuti na lamang ni Mang Carlos na kumuha na lamang ng ibang puwesto upang maipagpatuloy ang kaniyang negosyo.

Naisip niya na may punto naman ang mga sinasabi ng kapitbahay, lalo na’t may anak itong hikain. Kung siya rin naman ang nasa sitwasyon nito, ganoon din ang gagawin niya.

“Pasensya ka na, Carlos. Alam kong naghahanapbuhay ka lamang pero sana naman, marunong din tayong mag-adjust lalo na sa kapakanan ng ating mga kapitbahay, gaya namin. Hikain ang anak ko. Oo, alam kong karapatan mo ‘yan, pero ang karapatan ay hihinto kapag nasasagkaan o natatapakan na ang karapatan ng iba,” paliwanag pa ni Aling Magda.

Bagay na sinang-ayunan naman ni Mang Carlos. May punto naman ito.

Simula noon ay hindi na siya pinakialaman pa ni Aling Magda. Ibinaon na rin ni Mang Carlos sa limot ang kanilang naging hidwaan. 

Advertisement