Nagtungo ang Magkapatid sa Kanilang Lalawigan Dahil Kakausapin Daw Sila ng Kanilang Mga Magulang; Nagulat Sila sa Rebelasyon ng mga Ito
Nagtataka ang magkapatid na Via at Claudette kung bakit sila ipinatatawag ng kanilang mga magulang na sina Manuel at Priscilla na pawang matatanda na at naninirahan nang matiwasay sa lalawigan.
Pareho na silang may sariling pamilya kaya sila ay naninirahan na sa kalunsuran. Upang makatipid sa gaas ay nakisakay na lamang si Claudette sa kaniyang Ate Via, na siyang magmamaneho. Habang nagmamaneho ito ay nag-uusap sila.
“Sa palagay mo ate, bakit tayo pinatawag? Puwede naman sa video call na lang. Nakaalalay naman si Luisa sa kanila ah,” tanong ni Claudette kay Via. Si Luisa ang kasambahay ng kanilang mga magulang.
“Ewan ko ba, tinatanong ko nga si Luisa kung ano’ng nangyayari, ayaw ding magsalita. Kagagalitan daw siya ng dalawa. Baka raw biglang mawalan ng trabaho. Mas mabuti na lang daw na sila na ang magsabi. Pero ngayon lang nangyari ‘to ah?”
“Baka naman sasabihin na sa atin ang pamana nila? Uy, basta, kung ano man ang ibigay sa atin nina Mama at Papa, walang samaan ng loob ah?”
“Ano ‘to pelikula o teleserye? Kakapanood mo ‘yan ng drama eh,” pang-aasar naman ni Via sa kapatid. “Saka hindi naman tayo pinalaki nina Mama at Papa nang ganyan.
“Sige, huwag na nating isipin. Bahala na nga,” nasabi na lamang ni Claudette.
Mga apat na oras pa ay nakarating na rin sa dati nilang bahay ang tatlong magkakapatid. Sinalubong sila ni Luisa. Amoy na amoy na nila ang samyo ng inihaw na barbecue, na noong mga bata pa sila ay paboritong-paborito nila.
“Wow ang bango! Nakaka-throwback naman!” bulalas ni Claudette.
“Nostalgia ang hatid! Nakakgutom! Tamang-tama, gutom na ako at napagod ako sa pagmamaneho,” sabi naman ni Via.
“Ipinaghanda kayo ng Mama at Papa ninyo ng mga paborito ninyong pagkain,” sari naman ni Luisa na sumalubong sa kanila.
Pagpasok sa kanilang malaking bahay na kahalintulad ng mga sinaunang bahay sa panahon ng Espanyol ay sinalubong sila ng kanilang mga magulang. Isa-isa silang nagmano, yumakap, at humalik sa kanilang mga magulang.
“Alam naming gutom na gutom na kayo kaya magsikain na tayo,” aya ni Manuel sa mga anak.
Tama nga si Luisa dahil bukod sa paborito nilang barbecue ay nakahain nga ang mga paborito nila gaya ng menudo, sarsyadong isda, morcon, sinigang na hipon, at caldereta.
Masaya at nagtatawanan silang kumain. Masayang-masaya ang mag-asawa dahil sa wakas nabuo ang kanilang pamilya.
Matapos kumain, isinilbi na ni Luisa ang mainit na inuming tsokolate para sa kanila.
“Papa, Mama, ano po bang dahilan ng pagpupulong na ito?” pagsisimula ni Via.
Nagkatinginan sina Manuel at Priscilla. Nagngitian. Sa harapan ng mga anak ay ginagap ni Manuel ang mga kamay ng asawa.
“Siguro magpapakasal ulit kayo no? Ang tamis eh!” hirit ni Claudette.
“Kayo talaga mga anak. Unang-una, namiss kasi namin kayo. Kung hindi pa kami may sasabihin sa inyo ay hindi pa tayo makokompleto. Pangalawa, nais naming sabihin sa inyong magkakapatid, na kami ng Mama ninyo, ay matagal nang hiwalay.”
Natameme ang magkapatid sa pagsisiwalat ng kanilang ama. Tila nahirapan silang pakaisipin ang sinabi ni Manuel.
“Alam naming ikabibigla ninyo ang pag-amin namin, pero iyon ang totoo mga anak. Matagal na kaming hiwalay ng Mama ninyo,” sabi ni Manuel.
“P-Paanong… paanong hiwalay? Eh bakit magkasama kayo ngayon? Hindi naman namin nabalitaan na nag-away kayo o may pinagtalunan kayo. Hindi ba’t maayos naman kayo sa isa’t isa? Saka sa edad ninyong ‘yan, nakuha n’yo pang maghiwalay?” untag ni Via.
“Ate… ang bibig mo…” paalala naman ni Claudette. Inirapan lang siya ni Via.
“Hindi kami magkaaway ng Papa ninyo. Magkasama kami sa iisang bubong. Mahal na mahal ko ang Papa ninyo, ngunit kailangan kong ibigay ang gusto niya at ang tunay na siya,” paliwanag ni Priscilla.
“Tunay na siya?” sabay na tanong ng magkapatid.
“Mga anak,” pagsingit naman ni Manuel, “Matagal na akong umamin sa Mama ninyo… na ang tunay na gusto ko ay… ay kapwa ko lalaki. Tama ang narinig ninyo. Matagal na humihiyaw sa puso ko ang pagiging binabae na matagal kong sinikil dahil sa panahon namin noon na sobrang sarado ang kaisipan ng mga tao sa ganito,” paliwanag ni Manuel.
“Matagal na panahon kong sinikil ang damdaming ito, dahil na rin sa takot sa mga magulang ko, at sa lipunan at panahong ginagalawan namin. Nabuhay ako sa panahong isang sumpa ang tingin sa mga lalaking nagkakagusto sa kapwa lalaki, at sa mga babaeng nagkakagusto sa kapwa babae,” paliwanag ni Manuel.
“I-Ibig sabihin Pa, beki kayo?” diretsahang tanong at kumpirmasyon ni Via.
Marahang tumango-tango si Manuel.
“Kagaya ng mga nasabi, sinikil ko ang tunay na ako. Sinikap kong magpakalalaki gaya ng dikta ng lipunan. Ibinaling ko ang aking atensyon sa mga babae. Nanligaw ako at isa na roon ang Mama ninyo.”
“Nahulog ang loob ko sa kaniya dahil mabait siya. Nagbakasakali ako mga anak kaya pumayag akong pakasalan siya. Alam niya ang sitwasyon ko, inamin ko sa kaniya. Sa kabila niyon, tinanggap niya ako kahit ano pa ako,” paliwanag ni Manuel.
“Mahal na mahal ko ang Papa ninyo mga anak, kahit ano pa ang oryentasyon o kasarian niya. Hanggang sa kayo nga ang naging bunga. Mukhang naging matagumpay naman kami sa pagpapalaki namin sa inyo. May sari-sarili na kayong buntot at pakpak. At ngayon, sa edad naming ito, marapat lamang siguro na magawa namin ang mga bagay na makapagpapasaya sa amin, habang may nalalabi pang oras,” saad naman ni Priscilla.
“Sa ngayon mga anak, nagsasama na lamang kami sa iisang bubong ng Papa ninyo bilang mag-asawa sa papel, ngunit maayos naman kami. Hindi namin kailangang maghiwalay. Magkaibigan na lamang ang turingan namin. Sana maunawaan ninyo mga anak…” umiiyak na paliwanag ni Priscilla.
Tumayo naman ang magkapatid at niyakap ang kanilang mga magulang. Hindi na sila nagsalita pa. Wala sila sa posisyon upang sumbatan ang kanilang mga magulang, lalo na ang kanilang Papa na naging mahusay na tagapagtaguyod at naibigay ang kanilang mga pangangailangan.
Naging mga mabubuting magulang sila, wala naman sigurong masama kung gawin nila ang makapagpapasaya sa kanila.
Maya-maya ay ipinakilala na rin sa kanila ang karelasyon ng kanilang Papa na si Sandro. Mukhang maayos naman ang relasyon nilang tatlo.
Minabuti na lamang ng magkapatid na igalang ang desisyon ng kanilang mga magulang. Sino sila upang manghusga? Tumaas lalo ang paggalang at paghanga nila sa kanilang Mama, at masayang-masaya naman sila para sa kanilang Papa.