Pinaghinalaan ng Tatlong Babae ang Kaibigan Nila na May Kabit na Matanda, Pahiya Siya Nang Malaman ang Totoo
Dahil malayo ang tinitirhang lugar ni May mula sa kaniyang paaralan ay naisipan niyang mag-dorm na lang, pumayag naman rito ang kaniyang mga magulang dahil nakikita nila ang kaniyang pagod sa araw-araw na byahe.
“Mag-iingat ka sa palagi anak ha.” wika ng kaniyang ina bago siya umalis ng kanilang bahay isang araw ng Linggo.
“Opo ma, uuwi po ako sa Biyernes,” sagot niya.
Kasama niya sa dorm ang tatlo pang estudyante na sina Aifa, Beng at Monique. Iba-iba man ang kanilang kurso ay magkakasundo naman silang apat.
“Kain na! Nagluto akong tinola, bukas na kayo mag-diet.” Wika ni Aifa.
“Wow! Thanks Aifa! buti nalang may HRM student dito kundi puro itlog at hotdog ang ulam natin.” sabay tawa nilang apat.
Si May ang pinakahuling boarder ng kanilang kwarto kaya naman mas malapit nang magkakaibigan ang tatlo kaysa sa kaniya, gayunma’y naging maayos ang pakikitungo nila sa kaniya.
“May, ang ganda ng bag mo ah, mukang mamahalin.”
“Salamat Beng, regalo sa akin ng mama ko nung graduation ko sa high school.” sagot niya.
Ang hindi niya alam ay madalas siyang pagtsismisan ng tatlo kapag wala siya sa kanilang dorm.
“Yan si May napapansin ko ha, minsan ay may matandang lalaki na naghahatid diyan, naka-kotse pa.” Wika ni Monique.
“Baka naman papa niya lang yun?” sagot naman ni Beng.
“Ano ka ba! Nasa abroad ang papa niya di mo ba alam, malamang may jowa siyang dirty old man! Kaya yung mga gamit niya tingnan niyo, mukang mamahalin at ang gaganda pa.” sabat pa ni Aifa.
Kabisado na nila ang oras ng pasok at pag-uwi ni May kaya ni minsan ay hindi sila nahuli nito sa kanilang pag-uusap. Desidido ang tatlong babae na mabuking ang tinatagong sikreto niya kaya naman madalas ay inaabangan nila siya sa kaniyang pagdating.
Isang araw ay bumaba si May sa kotseng naghahatid na may dalang cake at mga pagkain para sa kaniyang roommates.
“May dala akong cake tsaka mga pagkain, tara meryenda tayo.” pag-aaya niya.
“Wow! ang bongga ng cake ha!San to galing?” usisa ni Aifa.
“Ah binili ko, birthday ko kasi noong isang araw, treat ko lang sa inyo.”
Nagkatinginan ang tatlo na para bang alam na ang nilalaman ng isip ng bawat isa. Kumbinsido sila na galing sa matandang lalaki ang mga pagkain at nagpapalusot lamang si May.
“Naku girl! Sure na sure ako, bigay yun ng matandang jowa niya na naghahatid sa kaniya.” wika ni Monique.
“Oo nga tsaka ang gara ng kotse nun ha, mukang mayaman, may tinatago palang kakatihan to si May!” sagot naman ni Beng.
Sa kanilang paguusap ay di nila inaasahang naroon na pala si May sa kanilang pintuan, maaga itong umuwi at laking gulat nila na inihatid pa ito ng matandang lalaki sa kanilang silid.
“Yan ba ang tingin niyo sa akin?” Tanong nito.
Hindi na nga nakasagot ang tatlo at hindi na nila malaman kung paano pa itutungo ang kanilang mga ulo.
“Itong tiyuhin ko pinagkamalan niyong jowa ko? Ito ang Tito Ansel ko, kapatid ng papa ko, nakatira siya sa kabilang bayan at pag may pagkakaton ay idinadaan niya ako sa eskwela para makatipid ako sa pamasahe.”
“Tama yun mga iha, ihinabilin kasi sa akin ng kapatid ko itong pamangkin ko, kaya kung ano man yang iniisip niyo, mali yan. Hinatid ko lang siya ngayon dito sa taas kasi masama ang pakiramdam niya.” Sagot pa nito.
Nang tingnan nila ang mag-tiyuhin ay hindi nga maikakaila na magkamukha ang mga ito at maaari pa ngang mapagkamalang mag-ama.
“Sorry May, sorry talaga, akala kasi namin ano eh.” paliwanag ni Beng.
“Ang dudumi ng utak niyo.” Galit na sagot ni May.
Sa galit nito ay lumabas ito sa kwarto at gabi na nang bumalik. Wala namang patid ang paghingi ng tawad ng tatlong babae. Pinalipas lang ni May ang kaniyang galit at pinatawad sila makalipas ang isang Linggo.
“Sa susunod ha, pwede niyo naman akong tanungin.” sabi niya.
“Oo May promise, di ka na ulit namin huhusgahan.” sagot ni Monique.
“Friends na ulit tayo?” Tanong ni Aifa.
Natawa na lang si May at niyakap ang tatlo. Mula noon ay natutunan ni Aifa, Beng at Monique na hindi dapat hinihusgahan ang mga bagay-bagay ayon lamang sa nakikita ng kanilang mga mata, mas mabuting magtanong at alamin ang katotohanan kaysa gumawa ng haka-haka.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!