Hindi Inintindi ng Lalaki ang Nanay na May Nakakatakot na Karamdaman, Nang Mawala ang Matanda ay Pinagbayaran Niya ang Lahat ng Kasamaan
Maliliit pa ang apat na anak ni Rose nang iwan siya ng asawa para sumama sa mas batang babae. Mag-isa niyang itinaguyod ang mga bata at dahil grade 2 lamang ang tinapos niya, maski na marunong siya sa buhay ay nahirapan siyang makahanap ng trabaho.
Paglalaba at pagma-manicure ang pinagkakakitaan niya. Unti unti ay napag-aral niya ang mga bata, nagkandabaun-baon na siya sa utang sa bumbay para lamang may pang-matrikula ang mga ito.
Ang masama nga lamang, nang magkaroon na ng mga trabaho ay hindi na siya kilala. Dumating pa sa puntong ikinahihiya siya dahil isa lamang siyang hamak na manicurista at hindi nag-aayos ng sarili. Ni minsan ay hindi siya nakatikim ng libre sa unang sahod ng mga ito.
“Ma, nawalan ako ng trabaho. Dito na muna kami ni Criselda,” sabi ng panganay niyang si Robert. Bitbit nito sa barung-barong niya ang misis na buntis at isang anak. Tapos ng kolehiyo ang lalaki kaya lang ay sadyang tamad, konting hirap sa byahe ay susuko ito agad.
Hindi na naman nakaimik si Rose, tutal eh anak at apo niya naman ang mga ito, bakit niya nga ba tatanggihan?
Doble ang kayod na ginawa ng matanda dahil dumagdag na ngayon sa gastusin ang pamilya ng panganay niya, hindi rin marunong kumilos sa bahay ang kanyang manugang. Tuwing uuwi si Rose gabi-gabi ay tambak ang hugasin at nakahilata ang mag asawa, habang ang apo niya ay nanlilimahid sa kalsada.
“Ne, pa-linis ka kuko? May bago akong cutics, kulay talong. Ganoon ang sa artista eh medyo dark,” panghihikayat ni Rose kay Aling Nene, ang may ari ng sari-sari store sa kanto.
“Sige nga, dahan-dahan lang Rose ha takot na ako sa ganyan dahil na-murder na ang kuko ko dati eh, magkano ba?”
“Kwarenta na lang sa iyo. Oo maingat ako no, sa tagal ko ba namang nagma-manicure dito sa lugar natin.” Sinimulan na ni Rose na ilabas ang mga gagamitin sa paglilinis ng kuko. Inilatag niya ang isang towel sa hita niya at sinenyasan si Aling Nene na ipatong doon ang mga paa.
Pero wala pang limang minutong nakatungo si Rose sa paa ng babae ay nagsimulang manginig ang kamay niya, hindi niya ma-kontrol. Tumirik ang mata niya at humandusay siya sa sahig habang nanginginig.
“Diyos ko po! Yan ang sinasabi ko kaya ayokong nagpapalinis sa iyo eh! Baka dito ka pa aabutan ng sumpong mo!” natatarantang sabi ni Aling Nene.
“Diyos ko Rose, paano ba ito? Lenlen! Kumuha kang kutsara, baka maputol ang dila ni Rose! Tawagin mo ang anak at inaatake nanaman kamo ng epilepsy!” sabi pa ng ginang.
Dali daling tumakbo ang inutusan ni Aling Nene matapos mag abot ng kutsara. Kinalampag nito sa bahay si Robert.
“Nanay nyo ho natumba kina aling Nene, epilepsy na naman ho,” sabi ng dalagita.
“Hayaan mo sya, babangon rin yan ng kusa. Wag kamong intindihin, ilabas nalang kamo ng bahay pag kumalma yan uuwi yan dito,” walang pakialam na sabi ni Robert.
Inis naman na dumungaw si Criselda habang himas ang malaking tyan, “Ano ba yan? Natutulog eh.” asik ng babae.
Mabuti na lamang at maagap ang mga kapitbahay na nagsugod kay Rose sa center, kahit papaano ay bumuti ang lagay ng matanda.
Isang tanghali, kagagaling lamang ni Rose sa palengke at kasalukuyang tumatawid sa highway nang bigla na lamang syang tumumba at sinumpong nanaman.
Isang rumaragasang truck ang hindi nakapansin sa nakahandusay na matanda, nasagasaan ito. Sinubukan ng mga tao na isugod pa siya sa ospital pero hindi na umabot.
Samantala, wala namang pakialam ang mga anak ni Rose. Labag pa sa loob ng mga ito na iburol ang ginang dahil gastos pa. Nang mailibing ang matanda ay tuwang tuwa ang mag asawang Robert at Criselda dahil sa kanila na ang bahay.
Nagulat na lamang sila nang isang attorney ang kumatok sa kanilang bahay, imposible na tungkol sa mana dahil hindi naman mayaman ang nanay nila.
Nabanggit ng lalaki na ito ay abogado ng isang Lending company.
“Ano ho ang ibig nyong sabihin? Eh patay na nanay ko,” sabi ni Robert.
“Matagal na ang utang niya sa amin at malaki-laki pa dahil maliit lang naman ang hulog niya buwan buwan,” paliwanag nito.
Tinignan ni Robert ang mga papeles na hawak nito at ayon sa petsa roon ay iyon ang kasagsagan na nag aaral pa silang magkakapatid. Dito pala humiram ang nanay niya para mapagtapos sila at hanggang ngayon ay binabayaran pa rin ng matanda.
Ngayon lang siya nakaramdam ng pagka-konsensya sa lahat ng kawalanghiyaan, ngayon nila naiisip ang importansya ng nag iisa nilang nanay na walang ibang natikman sa kanila kundi hirap.
Hanggang ngayon ay nagbabayad pa rin sila sa utang, ito na marahil ang kanilang karma.