Nasampolan ng Karma ang Tsismosa nang Magkagulo ang Buong Barangay nang Dahil sa Katabilan Niya
Bago pa sumikat ang araw ay nagtutungo na si Carlota sa panaderya ni Mang Goryo para bumili ng pandesal nila sa pang-agahan. Habang matiyagang naghihintay na asikasuhin ng tindera ay matalas ang kaniyang pandinig sa mga kwentuhan ng mga kapwa niya kustomer.
Tatlong kwento ang nasagap ng kaniyang mga tenga. Sa wakas ay nagdadalantao na si Melba matapos ang limang taong paghihintay nila ng kaniyang asawa. Pinasok ng mga magnanakaw ang bahay nina Antonio at nawawala ang mahigit dalawampung libong pisong halaga ng mga alahas. Nakagat ng aso ang bunsong anak ni Aling Ising habang nakikipaglaro ng habulan sa kalye kasama ang kaniyang mga pinsan.
Nung makasalubong ni Carlota ang kumare niyang si Leoning ay agad niyang ikinuwento ang kaniyang nabalitaan. “Alam mo na ba? Si Melba daw nabuntis ng kalaguyo niya. Mukhang matindi din ang pinagdadaanan nina Antonio kaya napilitan na silang isanla yung bahay at lupa nila. Eh, yung anak ni Aling Ising, balita ko baka hindi na makapasok sa varsity dahil matindi ang bali ng buto. Sayang at magaling pa naman siyang mag-basketball.” Ilang minutong pakikipagkwentuhan pa ang lumipas bago nakauwi si Carlota sa kanilang bahay.
Laking pagtataka niya nung wala na siyang nadatnang tao sa kanilang bahay. Nang tignan niya ang orasan ay alas diyes na pala ng umaga. Napatagal ang pakikipagkwentuhan niya sa kaniyang kumare. Umalis na ang kaniyang mag-ama na hindi man lang nakakakain ng umagahan. Malungkot na kumaing mag-isa si Carlota habang nanonood ng telebisyon.
Pagsapit ng alas tres ng hapon ay pumunta ng palengke si Carlota para bumili ng mga sangkap para sa lulutuin niyang pagkain sa hapunan. Habang bumibili ng isda ay napansin niya ang kumpulan ng mga tao sa isang tindahan. “Pasalamat kayo hindi nakunan ang misis ko dahil sa pagkakalat niyo ng tsismis kung hindi sisiguraduhin kong masisira din ang buhay niyo!” Sigaw ni Danding, ang asawa ni Melba sa tindera ng karne. “Hindi sa amin nagsimula ang kwento! Huwag mong ibunton sa akin ang galit mo!” Hiyaw ng tindera kay Danding habang papaalis na ito ng palengke.
Napaisip bigla si Carlota sa kaniyang narinig. “Mali ba yung nasagap kong kwento?” Tanong niya sa kaniyang sarili. Pilit niyang inaalala ang kaniyang mga narinig sa panaderya ni Mang Goryo habang tinutuloy ang kaniyang pamimili pero wala siyang matandaan.
Natagalan si Carlota sa pamimili dahil nawili siya sa kwento ng isang tindera tungkol sa nasagap niyang tsismis sa mga paboritong niyang artista kaya ginabi na siya ng uwi.
Nagmadaling magluto ng hapunan si Carlota para makakain na sila. Mag-aalas diyes na ng gabi nung natapos siya. “Busog na kami. Nagbukas na lang ako ng delata. Mabuti pang doon na lang muna kami kina nanay titira. Siguradong hindi kami mapapabayaan doon. Kaysa naman nandito kami. Abala lang kami sa pagsagap mo ng mga tsismis.” Reklamo ng asawa ni Carlota.
Buong gabing nagtalo ang mag-asawa. Pinagtanggol ni Carlota ang kaniyang sarili na hindi naman niya napapabayaan ang kanilang pamilya. Pero sa bawat pagtatanggol niya sa kaniyang sarili ay binibilangan siya ng kaniyang asawa ng mga responsibilidad niya sa kaniyang pamilya na hindi niya nagagampanan dahil mas interesado siya sa buhay ng iba kaysa sa unahin ang pangangailangan ng kaniyang pamilya. Hindi nagtagumpay si Carlota na baguhin ang desisyon ng kaniyang asawa. Kinabukasan ay maagang umalis ang kaniyang mag-ama para tumira sa kaniyang biyenan.
Bago makapananghali ay sumugod si Leoning sa bahay ni Carlota. Galit na galit ito sa kaniya dahil siya ang sinisisi ni Danding kung bakit muntik nang makunan ang kaniyang asawa. Naging matindi ang kanilang pag-aaway hanggang sa nagkasakitan na ang dalawa. “Buti nga at iniwan ka ng pamilya mo! Bagay lang iyan sa iyo! Baliw!” Sigaw ni Leoning bago siya umalis sa bahay ni Carlota.
Bago magtapos ang araw ay isang balita ang kumakalat sa barangay tungkol kay Carlota. Nabaliw na daw siya dahil ipinagpalit siya ng kaniyang asawa sa mas bata sa kaniya. Mas pinili din ng kaniyang anak na sumama sa kaniyang tatay at bagong madrasta. Ang mga kwento tungkol sa sinapit ni Carlota ay nakarating din sa palengke kung saan siya palaging namimili. Sinubukan niyang magpaliwanag pero iniiwasan siya ng lahat sa takot na baka bigla na lang siyang magwala at manakit ng iba.
Napagtanto ni Carlota ang masamang naidudulot ng pagkakalat niya ng tsismis kaya humingi siya ng tawad kina Danding at Melba bago niya sinundan ang kaniyang mag-ama para sa kanila naman humingi ng tawad dahil sa kaniyang mga pagkukulang.
Simula noon ay umiiwas na si Carlota sa pakikinig at pagkakalat ng kwento ng buhay ng iba. Itinutuon na lang niya ang buong atensyon niya sa kaniyang pamilya.