Inday TrendingInday Trending
Walang Awang Minolestya ng Amo ang 18-anyos na Kasambahay; Nang Magsumbong Ito sa Awtoridad ay Nabaliktad Pa Ito

Walang Awang Minolestya ng Amo ang 18-anyos na Kasambahay; Nang Magsumbong Ito sa Awtoridad ay Nabaliktad Pa Ito

“Nay, hanggang sa susunod na lang po uli. Magsusumikap po akong mabuti sa trabaho ko upang makapagpadala ng pera para sa pagpapagamot ni Tatay.” Paalam ni Kristal sa kaniyang ina bago sumakay ng barko.

Si Kristal ay isang disiotso anyos na dalaga. Napagdesisyunan niya munang huminto sa pag-aaral upang makatulong sa pamilya. Siya ay sinama ng kaniyang tiyahin na si Myrna upang mamasukan bilang kasambahay sa Maynila. Magkaiba man ang kanilang amo ay magkalapit lamang sila ng bahay na papasukan. Si Myrna ay tatlong taon nang naninilbihan sa kaniyang pinapasukan at alam na rin niya ang pasikot-sikot sa Maynila kaya naman kampante si Kristal at ang ina na doon na rin siya magtrabaho.

Pag dating ng Maynila ay inihatid na muna ni Myrna si Kristal sa kaniyang papasukan bago bumalik sa kaniyang amo. Doon ay nakilala nila ang pamilyang pagsisilbihan ni Kristal, ang mag-asawang Gonzales at anak nilang lalaki na labing-anim na taong gulang at si Donya Carmen, ang ina ni Misis Gonzales.

Noong umpisa ay naninibago pa si Kristal sa mga galawan sa bahay lalo na sa mga high-tech na kasangkapan na hindi pa niya alam gamitin. Mabuti na lamang at may pasensiya siyang tinuturuan ni Mister Gonzales sa kung paano gamitin at paganahin ang mga bagay-bagay sa bahay. Mas madalas niyang nakakasalamuha at napagsisilbihan si Mister Gonzales dahil madalas na abala si Misis Gonzales at si Donya Carmen sa kanilang negosyo at abala naman ang anak na lalaki sa pag-aaral at sa basketbol varsity.

Makalipas ang tatlong buwan ay mas gamay na ni Kristal ang kaniyang mga gawain at mas kampante na siya sa kaniyang trabaho. Naka-ilang padala na rin siya ng pera sa mga magulang at unti-unti nang bumubuti ang kalagayan ng ama.

Isang araw ay lumipad patungong ibang bansa sina Donya Carmen at Misis Gonzales para sa kanilang negosyo. Ang lalaking anak naman ay nagpaalam na magdiriwang ng victory party sa bahay ng kaklase. Noong gabing iyon ay lasing na umuwi si Mister Gonzales. At dahil alam niyang sila lang ni Kristal ang nasa bahay ay sinamantala niya ang pagkakataon. Kumatok siya sa silid ni Kristal at nang buksan ito ay agad niyang itinulak ang dalaga at ni-lock ang pinto. Pinilit lumaban ni Kristal at humiyaw ng tulong ngunit wala itong napala. Sa lakas ni Mister Gonzales ay nagawa nito ang hindi kanais-nais kay Kristal. Ito ay kaniyang napagsamantalahan. Iniwan niya itong umiiyak at takot na takot.

Kinabukasan, bago pa pumutok ang araw ay lumayas si Kristal at pinuntahan ang tiyahin. Inilahad niya rito ang masaklap na naranasan. Galit na galit ito at sinabing: “Kailangan niyang pagbayaran ‘to!” Sila ay naghain ng reklamo sa mga pulis at pinakuha ng medico legal.

Pinuntahan ng mga pulis si Mister Gonzales at inaresto ito. Noong mabalitaan ng pamilya niya ang nangyari ay agad itong umuwi ng bansa at pinuntahan siya. Hindi sila makapaniwala sa nangyari. Todo tanggi naman si Mister Gonzales sa ginawa niya at ang pinapalabas niya ay nahuli niyang nagnanakaw si Kristal sa bahay at ngayon ay siya ang binabaliktad.

Kaya naman noong magkaharap-harap sila sa presinto ay galit na galit si Misis Gonzales sa kaniya. Aniya: “Wala kang utang na loob! Pagkatapos ka namin tanggapin sa bahay para makatulong sa pamilya mo ay ganito pa ang gagawin mo sa amin?” Ang sabi naman ni Donya Carmen: “Baka naman ikaw ang lapit nang lapit at nang-aakit sa kaniya? Umamin ka na!” At dahil mahina ang loob ni Kristal ang tiyahin niya ang nagsalita para sa kaniya: “Lalabas din ang katotohanan!” Sabay hatak kay Kristal palabas ng presinto.

Habang tumatakbo pa ang kaso ay tinanggap muna ng amo ni Myrna si Kristal upang may matuluyan ito at para may patuloy itong maipadala sa pamilya. Walang kaalam-alam sa masaklap na nangyari ang mga magulang nito sa probinsya. Pinilit ni Kristal na maging matatag at ipagpatuloy ang laban para sa pamilya.

Matapos ang masusing imbestigasyon at mga hearing sa kaso ay napatunayan na nagkasala si Mister Gonzales. Ito ay mas napagtibay noong lumabas ang dati nilang kasambahay na nagkaroon ng lakas ng loob na ireklamo din ito sa salang panggagahasa rin. Doon napatunayan na hindi lang pala si Kristal ang naging biktima niya.

Si Mister Gonzales ay tuluyan nang nasintensiyahan at nakulong. Si Kristal naman ay pinauwi na ng mga magulang sa probinsiya noong nabalitaan sa tiyahin niyang si Myrna ang nangyari. Ito ay pinabalik nila sa pag-aaral. Mabuti na rin at noong mga panahon na iyon ay maayos na ang kalusugan ng ama at nakabalik na rin sa pagtatrabaho.

Labis ang pagsisi ng mga magulang ni Kristal dahil hinayaan nilang magtrabaho sa malayo ang anak at nagkaroon ito ng masaklap na karanasan. Ngunit pinayuhan at ginabayan pa rin nila ang anak na kahit masklap man ang nangyari ay kailangan ipagpatuloy ang buhay. Masama man ang nangyari sa nakaraan ay huwag pa rin mawawalan ng pag-asa na marami pang magagandang pwedeng mangyari sa hinaharap.

Advertisement