Nakapagpatayo ng Mansyon Para sa Ina ang Babaeng Ito Dahil sa Kapal ng Kilay Niya
Kinatatakutan ni Bea ang pagpasok sa eskwela. Walang habas na pambubulas kasi ang kanyang natatanggap tuwing papasok sya. Madalas na tinutukso ng kanyang mga kaklase ang kanyang malalaking kilay na halos magkadikit na sa sobrang lago. Ipinanganak si Bea na mana sa kanyang tatay at mala-gorilya ang kilay. Simula kinder hanggang ngayong kolehiyo na siya ay tampulan na ito ng tukso kaya naman lumaki siyang walang kumpyansa sa sarili.
“Aba! eto na pala si Bea mukhang unggoy! Dapat sa zoo ka napasok eh!” Bulyaw ni Janice, kaklase nyang wala nang ibang nakita kundi sya. Naghagalpakan naman ng tawa ang iba niyang kamag-aral na nakarinig noon.
“Dre, parang magkapatid na busog na linta ang kilay mo. Bet mo ng pang-ahit?” dagdag naman ng isa pa.
“Aray!” sigaw ni Bea dahil bigla syang hinawakan ng isang kaklaseng sinenyasan pala ni Janice, hindi sya makapiglas dahil hawak nito ang dalawang kamay nya.
Nanlaki ang mata nya nang makitang may hawak na gunting si Janice, “gupitin kaya natin yang kilay mo? Ay parang mas trip ko ang buhok mong walis tambo,”
Pagkasabi noon ay pinaggugupit na nito ang buhok nya sa unahan, uka-uka iyon at nagmukha sya lalong katawa-tawa.
“Ayan, tuluyan ka nang mukhang abnormal!” sabi ni Janice, ang lakas ng tawa nito. Natigil lang ang lahat nang dumating ang kanilang guro. Palihim na lamang na umiyak si Bea.
Biro lamang ang lahat para sa mga ito pero sa puso ng dalagita ay nakabaon ang mga iyon. Sa bawat pang-a-asar na naririnig nya ay lalong lumulubog ang tiwala nya sa sarili.
Dahil doon ay nakahiligan nyang manood ng video tungkol sa pagme-make up. Naisip nyang kapag natakpan nya ang pangit nyang kilay, kapag napuno ng kolorete ang mukha nya ay di na sya aasarin sa eskwela.
Kahit papaano ay nakakatakas sya sa malungkot na pag iisip tuwing nawiwili sya sa make up. Nakasanayan nya na ring mag video at i-post iyon sa social media, malakas ang loob niya dahil wala namang manonood noon. Walang nakakakilala sa kanya.
Pero ganoon na lamang ang gulat niya nang makitang marami na ang nakanood noon, may mga nagkokomento pa na magaling raw siya!
Unti-unti, ay lumakas ang kanyang loob. Natuto na rin siyang wag ahitin ang kanyang kilay dahil sabi ng mga tagapanood nya, maganda raw iyon. Maganda raw sya!
“Ano ba iyang ginagawa mo dyang bidyo bidyo anak?” nagtatakang sabi ng nanay nya.
“Para lang sa mga kaibigan ko nay, nagtuturo ako ng make up tapos ay ipo-post ko,” masiglang sabi nya.
“Ganyan pala iyan? Patingin nga.” nagsuot pa ng salamin ang matanda. “Ay oo nga pala! May dumating na sulat para sa iyo.”
Nagtataka naman si Bea, sino naman ang susulat sa kanya?
Nagulat pa sya nang mabasa iyon, isang kilalang kumpanya at nais nitong iendorso niya ang mga produkto sa kanyang mga video at babayaran sya ng mga ito ng malaking halaga! Iyon ang naging simula- habang nag aaral sya ay kumikita siya ng malaki. ‘
Nang makapagtapos siya ay sapat na ang kanyang naipon, nakapagpatayo na siya ng bahay para sa kanyang nanay.
Ilang taon pa ang lumipas ay nasa mall si Bea, may guesting sya roon dahil ipino-promote nya ang kanyang make up na ginagamit. Nagulat pa sya nang mahagip ng mata nya ang isang babaeng hirap na hirap mag akay sa tatlong anak. Buhat nito ang isa habang nakakapit sa tagiliran nito ang dalawa.
“Janice?” pilit niyang minumukhaan ito. Ito na ba ang kaklase nya noon? Naging mailap naman ang mata nito, losyang na kasi ang babae.
“Ako nga, kumusta kana?” sabi nito.
“Ito, makapal pa rin ang kilay.” nakangiti naman sya.
“Patawarin mo ako sa nagawa ko noon Bea, siguro ay ito na ang karma ko sa pagiging bully ko.”
“Hindi, blessing ang mga baby mo Janice. May dahilan naman lahat eh, kung hindi mo ako na bully siguro di ako magkakaroon ng interes sa make up.”
“Hindi ka galit sa akin? Hindi mo ko pamumukhaan?” gulat na sabi nito.
Umiling naman si Bea, “Tapos na yun. Tara, make upan kita.” sabi niya na lang dito.
Ayaw niyang gawin sa kapwa nya ang dinanas niya noon. Dahil kung nag focus sya sa paghihiganti noon, hindi siguro sya magtatagumpay ngayon.