Nuknukan ng Pag-chismosa ang Ginang, Kung Kaya Naman Isang Matinding Karma ang Tumama sa Kanya
Kung krimen lang ang pagiging tsismosa ay marami ng nakakulong. Isa ang Barangay Maingay sa pinakamaraming tsismosa. Iyong tipo na hindi pa naghihilamos at amoy panis na laway ay tsismisan na ang nagsisilbing almusal.
At isa si Aling Marta sa pinakamatinding tsismosa. Halos lahat na ata ng tsismis ay alam niya. Ang tawag sa kanya sa kanilang lugar ay tsismosa lord, dahil kung may selfie lord nga daw siya naman iyong panginoon ng mga tsismosa.
Noong minsang may nagbanggaan sa kanilang kanto mula eskinita sa kabilang baryo ay pinuntahan niya pa talaga ito para makitsismis lang.
”Hoy Marta!” sigaw ni Mang Maneng, kapitbahay ni Aling Marta. ”Kay-aga aga, tsismis agad ang inaatupag mo! Nag almusal ka na ba?”
“Si Mang Maneng naman, parang hindi na kayo nasanay galing lang ako sa kapatid kong si Dang,” paliwanag ni Marta.
Ngunit hindi naman nagpatinag ang matandang lalaki, ”Kuh ako pa bang lolokohin mo nasubaybayan ko na ‘yang pagiging tsismosa mo.”
Ngunit kahit anong sermon ang matanggap niya mula sa matanda, ay tuloy pa rin ang bibig niya sa paninira sa ibang tao.
“Ayang si Ivy, ke-bata bata pa ay kumakarengkeng na. Hindi pa man din nakakapagtapos mabubuntis na yan,” wika ng tsismosang si Marta.”
Oo nga,” segunda naman ng isa pang tsismosang si Beverly.
Tuwing umaga ay naglipana ang mga tsismosa ring kaibigan ni Aling Marta. May pagkakataong pang fake news ang naihahatid na tsismis ng mga ito.
Isang umaga ay may isang mesa ng kalalakihan ang nag-iinom ng araw na iyon. Habang sa kapit bahay nama’y nag-aaway ang bagong lipat na mag asawa. Hagis dito hagis doon ang mga ito. Dinig na dinig iyon sa labas. At ang mga tsismosa ay nakapwesto at nakahanda na ang mahahaba nilang tenga na nagsisibing mga antenna nila.
”Hindi ka nahiya katanda-tanda mo na’y kung umasta ka daig mo pa iyong tatlong taon lamang!”rinig nilang sigaw ng babae.
Ngiting-ngiti ang grupo nina Aling Marta dahil paniguradong may maichichismis na naman sila sa buong barangay. Usap-usapan pa man din sa kanilang barangay ang bagong lipat na asawa. May maihahatid na naman silang panibagong balita tungkol sa batang mag-asawa.
”Naku heto na naman ang mga alagad ng sining!” wika ng mga nanginginom sa grupo ni Aling Marta.
”Grabe naman ang tingin niyo ga sa amin. Nag-aalala lang naman kami sa mga taong pinag uusapan namin!”mabilis na sagot ni Marta sa mga ito.
”Sus! Eh kung ‘yang mga buhay niyo kaya ang intindihin niyo at nang umasenso naman kayo!
Doon na nainis si Aling Marta, “Eh kung pag-iinom niyo kaya ang intindihin niyo?!
Isang araw ay may narinig lamang na wangwang ang tsismosang si Aling Marta ay pinagkalat na nitong may sunog daw sa kalapit-bahay nila. Kaya naman nagdala ang mga mga mamamayan ng kanya-kanyang balde ng tubig. At si Mang Maneng naman ay tumawag ng bumbero sa labis na pagkabahala na kumalat ang apoy sa kanilang baranggay. Subalit nang marating ng mga ito tinutukoy na bahay ni Aling Marta ay payapa naman ito at walang bakas ng sunog. Agad na nagsitakbuhan ang tropa ng tsismosa na pinapangunahan pa ni Aling Marta. Galit na galit ang taong bayan sa grupo nina Aling Marta nang araw na iyon. Sapagkat pinagmukha silang tanga ng mga ito.
”Oh hayan Marta, may naidulot ba ‘yang pagiging tsismosa mo?!”galit na namang wika ni Mang Maneng dito. “Wala ka ng nagawang mabuti sa lugar na ito kundi perwisyo!”
Hanggang isang araw ay aksidenteng natabig ni Aling Marta ang gaserang kanilang ginamit noong isang gabing nagkaroon ng aberya sa kuryente. Dahil sa puro kahoy ang kanilang bahay ay bigla itong nagliyab. Nataranta siyang lumabas at nagsisigaw ng sunog. ”Sunog! Sunog! Ang bahay namin nasusunog! Tulungan niyo kami!”
Subalit ‘ni isang tao ay walang lumabas ng bahay. Sapagkat alam nilang sobra sobra kung magsabi si Aling Marta kasinungalingan. Kaya tuluyan nang nilamon ng apoy ang bahay nila. Mabilis din itong naging abo. Ang kawawang si Aling Marta ngayon ay sa lansangan nalang nakatira kasama ng kanyang mga anak. Naisip niyang kung nakinig lang sana siya kay Mang Maneng noon ay maaaring may sumaklolo sa kanila noong nasusunog ang bahay niya. Kung nakinig marahil siya noon may bahay pa silang tinitirhan ngayon at hindi sila pakalat kalat ngayon sa kalye at namumulot ng basura.
Simula noon ,Si Aling Marta na dakilang tsismosa ay nagbago na. Iniisip niya muna lahat ng sasabihin niya kung makakasama ba sa kanyang kapwa o hindi. Nakakalungkot nga lang isipin na kung hindi pa siya mawawalan ng tirahan ay hindi pa siya magbabago.