
Pinalo nang Matindi ang Apo ng Kanyang Lola, Nagsisi naman Ito nang Malaman ang Dahilan ng Bata
Maliit na sari-sari store ang ikinabubuhay ng maglolang si Anthony at Lola Ising. Balo na si Lola Ising at ulila naman sa mga magulang ang walong-taong gulang na si Anthony. Kaya naman sila na lamang dalawa ang magkasama sa buhay. Mabait na bata si Anthony, pagkagaling nito sa eskwela ay tumutulong na agad ito sa kanyang lola sa tindahan.
Mahal na mahal ito ni Anthony kaya naman nag aaral siya ng mabuti upang masuklian ang pagmamahal at pag-aaruga nito sa kanya. Malapit na ang pasko noon,kaya naman nag-iisip siya ng magandang bagay na pangregalo sa kanyang pinakamamahal na lola. Hindi niya na nga ginagalaw ang baong binibigay sa kanya nito. Tinitiis niya ang gutom para makapag-ipon. Ngunit kulang pa rin ang baon niya araw araw dahil isang buwan nalang ay pasko na. Naalala niya kasi ang kahilingan ng kanyang lola minsang tanungin niya ito ukol sa gusto nitong regalo.
”Lola ano po ang wish niyo sa pasko?”
“Ang nais ko lamang ay tungkod. Uugod ugod na kasi ako at nahihirapan na rin sa paglalakad,” anito ngunit agad na umiling. “Pero saka na yun. Unahin na muna natin ang pag-aaral mo.”
Tumango siya dito at napaisip.
“Paano apo, ikaw na muna ang maiwan dito sa tindahan. Ayusin mo yung pagkwenta at pagsukli para hindi tayo malugi,” bilin ni lola Ising sa kanya
Hanggang sa makaalis na ang lola niya iyong regalo pa rin na gusto nito ang iniisip niya. Iniisip niya rin kung paano niya mabibili iyon. Nang may bumili at nagsukli ay doon lamang niya naisip na kumupit nalang sa benta nila sa tindahan. Iyon lamang ang tanging paraang naiisip niya para maibili ito ng regalo.
“Hindi naman siguro masama kung kumuha ako kahit pa-lima limang piso lang.”
Kaya naman umuuwi siya ng maaga para magbantay sa tindahan, ”Lola ako na po d’yan, magpahinga na po kayo. Ako nalang po muna ang tatao rito.”a
“Sus! Napakabait naman talaga ng apo ko. Manang mana ka talaga sa iyong yumaong ina. Bukod sa matalino at mabait na bata ay mapagmahal pa,” masayang wika pa ni Lola Ising.
Natulog na ang kanyang lola nang hapong iyon. Subalit lingid sa kaalaman nito ay may ginagawa ang kanyang apo na siguradong ikagagalit niya. At doon inumpisahan na niya ang pagkupit sa tindahan ng kanyang lola. Ngunit minsan nang maisip niyang mali ang kanyang ginagawa ay may isa pa siyang naging alternatibo.
Gumagawa siya ng mga plastic bottles na may drawing niyang pintura. Dahil mana rin sya sa kanyang amang mahilig magpinta ay lumalabas na maganda ang ginagawa niya. Paminsa-minsan ay may nakakapansin niyon at binibili din iyon. Lingid iyon sa kaalaman ng kanyang lola dahil sa tuwing uuwi na ito mula sa pamamalengke o magigising mula sa pagtulog ay agad niyang tinatago ang kanyang sariling produkto.
At doon ay inumpisahan na din niya ang pag-iipon para sa gusto niyang bilhin na regalo para sa kanyang lola sa paskong darating.
Isang araw ay siya pa rin ang nagbabantay ng tindahan. Nagkataong nakakaligtaan niya at naihahalo niya ang benta ng mga ginagawa niyang personalized plastic bottles. Kaya naman nang bumalik ang lola niya dahil sa nakalimutan nito ang perang pamalengke ay nakita siya nitong akmang binubulsa ang perang mula sa arinolang lalagyan ng benta ng tindahan.
Sa sobrang gulat niya sa lola niya ay nahulog ang perang isisilid na dapat niya sa bulsa niya.
”Anthony! Ano ‘yang ginagawa mo?!” pagalit na tanong nito sa apo.
Hindi na nakasagot pa ang bata sa sobrang taranta at takot. Alam niyang ang ayaw na ayaw ng kanyang lola ay ang nangungupit. At kahit isang beses niya lang talaga ginawa iyon ay paniguradong masasaktan siya nito.
Hindi nga siya nagkamali dahil pinalo siya ng galit na galit niyang lola,”Hindi ‘yan ang itinuro ko sayo! Akala ko pa naman maasahan na na kita yun pala gusto mo lang tumao dito sa tindahan dahil pinagnanakawan mo na ako!
Ilang beses rin na palo sa puwet ang kanyang natikman mula sa kanyang lola.
”Patawad po lola, patawarin niyo na po ako lola hindi na po ako uulit. Isang beses ko lang po ginawa yun, lola!” malakas na iyak ni Anthony.
”Saan mo dinadala ang perang kinukuha mo dito sa tindahan? Saan?!” galit na galit nitong wika sa apo.
”Nasa ilalim po ng unan ko lola, gusto ko kasi kayong bilhan ng regalo sa pasko. Sabi niyo po kasi baston ang gusto niyo. Wala naman po kasi akong pagkukunan ng pera, iyon lamang ang naisip ko,”wika niya habang umiiyak. “Pero Lola, isang beses ko lang po talaga ginawa iyon dahil matapos po nun ay gumawa rin po ako ng paraan upang kumita ng sarili kong pera.”
Tinungo niya kuwarto kung nasaan ang pera at ibang plastic bottles na tinatago niya mula sa kanyang lola.
Nang makita ng matanda ang isang maliit na baul na may nakasulat na “para sa baston ni lola” ay napaiyak na lang ang matanda.
Tumingin siya sa apo na pinapahid pa ang mga luha, “Huwag mo na uulitin iyon apo. Masama iyon lalo na kung sa ibang tao mo gagawin.”
Nakakaintinding tumango naman si Anthony at niyakap ang kanyang lola. Mula noon ay hindi na siya nagtangkang mangupit sa tindahan ng kanyang lola. Sabay rin nilang ipinagdiwang ang pasko na may pagpapalitan pa ng regalo.