Dahil Facebook ang Inaatupag Maghapon ng Isang Ina, Kapahamakan ang Naidulot Nito sa Kanyang Pamilya
Maagang nakapag asawa si Joy. Kaya naman hindi niya halos naramdaman ang magdalaga. Ang dating balingkinitan niyang katawan ay lumobo na. Ang kulay ng balat niyang kay-puti noon ay halos masunog na sa init ng araw kakalaba sa labas ng bahay. At ang mukha niya noon na kay-ganda ngayon halos ay hindi mo na maipinta sa pagpapabaya sa sarili niya.
Labing-lima lamang si Joy noon ng makapag asawa siya. Sa pag-aakala niyang masarap ang buhay may-asawa. Kung titigan nga siya ngayon ay walang maniniwalang labing-siyam na taong gulang lamang siya.
Isa lamang ang anak nila at ito ay tatlong taong gulang na. Nakakalakad na at nakakapagsalita na din ito. Sa madaling salita ay hindi na ito alagain.
“Joy, ano na naman bang ginagawa mo at hindi ka man lang nakapagligpit ng bahay? Ilang oras na ako sa labas, ganito pa rin ang ayos ng bahay. Ni paliguan itong si Junior hindi mo nagawa!” pagalit na wika ni Jerome sa asawa pagdating ng bahay.
“Masyado kang nagpapakabaliw sa Facebook na yan. Tingnan mo ang sarili mo! Ni hindi ka pa nga ata nakakaligo ngayong araw na ito eh!”
“Facebook na nga lang itong aking kaligayahan ko, nagagalit ka pa! Hindi ka pa natuwa na ito lang ang kinababaliwan ko hindi lalaki!” sagot niya sa asawa.
“Hindi naman kita pinagbabawalan diyan ang nais ko lang huwag kang masyadong magpalulong diyan! May anak kang dapat asikasuhin! May mga tungkulin ka rin na dapat mong gawin bukod pa dyan!”
Sa kabila ng sinabi ng asawa, ay hindi pa rin tinigilan ni Joy ang pag-Facebook. Sobrang tutok na tutok pa rin siya dito na animo ay kaakibat na ang Facebook ng buhay niya.
Kaya naman isang araw ay may hindi inaasahang nangyari. Abalang-abala noon si Joy noon sa kanyang cellphone. Pangiti ngiti pa siya habang hawak ito. Subalit lingid sa kanyang kaalaman ang anak niyang iniwan niya sa isang sulok lang ng kanilang bahay ay nakarating na sa kabilang kuwarto kung saan naroon ang mataas na bintana ng kanilang bahay. Bagaman bata ay wala itong alam na ikapapahamak niya iyon, kaya naman tumuntong ito sa upuan upang sumilip sa labas mula sa bintanang iyon.
Ang disgrasya nga ay tunay na hindi inaasahan. Walang kamalay malay ang ina nitong abalang abala sa naturang social media. Natumba ang upuan na pinapatungan ng bata na dahilan kung bakit nawalan ito ng balanse mahulog ito sa bintana.
Ikinagulat iyon ng mga kapitbahay na nakasaksi ng pangyayaring iyon. Nataranta ang mga ito at mula sa labas ay nagsisigaw para tawagin si Joy.
“Joy! Joy! Ang anak mo! Ang bata nahulog!”
Nang marinig ang sinabi ng mga kapitbahay ay labis na pagkagulat niya ay agad-agad siyang bumaba ng bahay at tinungo ang anak na duguan. Wala na siyang sinayang na sandali. Kasama ang kapitbahay ay itinakbo niya sa pinakamalapit na hospital sa kanilang bayan ang kanyang kawawang anak na dulot ng kanyang kapabayaan.
Nang dumating ang kanyang asawa ay halos mapatay siya nito sa pananakit. Gigil na gigil ito, “Walanghiya ka! Pabaya kang ina! Pag may nangyaring masama sa anak ko! Papatayin kitang talaga!”
Walang magawa at masabing iba si Joy sapagkat alam niyang kagagawan niya iyon. Marahil kung nakinig lang siya sa asawa niya ay hindi iyon mangyayari sa kanyang anak nila. Marahil kung hindi niya inuna ang cellphone ay wala ang anak niya sa hospital ngayon. Maging siya galit na galit sa sarili niya, tila nagising siya sa kanyang kahibangan. Bakit kailangan pang umabot pa sa ganon bago niya makita ang pagkakamali niyang ginagawa? Natanong niya noon sa sarili.
Humingi siya ng tawad sa kanyang asawa. Tiniis niya ang galit nito. Siya rin ang matiyagang nagbantay ang tumutok sa kanilang anak hanggang sa mapalabas ito ng ospital at maiuwi ng bahay. Binura niya na ang Facebook app sa kanyang cellphone. Ginagamit niya na lamang ang cellphone kapag may importanteng paggagamitan.
Doon ay inumpisan niya ang pagbabagong ipinangako niya sa anak, sa asawa at sa kanyang sarili. Bumalik ang dating niyang ganda, ang pagiging maasikaso at mapagmahal niyang ina’t asawa, at maging ang pag-aalaga sa sarili ay naibalik niya ulit. Ito ay dahil mas marami na siyang oras sa mga mas importanteng bagay. Kaya naman maligayang-maligaya ang kanyang asawang si Jerome sa pagbabagong niyang iyon.
Lumipas ang panahon na tila perpekto na kung tawagin ang kanyang pamilya. Na kahit hindi naman sila ganoon kayaman ay masasabing masaya ang kanilang pagsasama.