Sinisiraan ng Dalagang Ito ang Kapatid na Nasa Abroad sa Kanilang mga Kaanak, Sampal ang Inabot Niya sa Kaniyang Ina

“Hoy, Kate, balita ko ang ganda na ng buhay ng kapatid mo sa abroad, ha? Naku, sigurado ako, bigtime na kayo ng mama mo ngayon!” bati ni Aling Aiza sa kaniyang pamangkin, isang araw nang makita niya itong nag-aabang ng bus sa isang terminal.

“Naku, akala niyo lang po, tita,” sambit ni Andrea saka huminga nang malamin dahilan upang mang-usisa ang kaniyang tiyahin.

“Ha? Bakit? Hindi ba ‘yon nagpapadala sa’yo? O kahit man lang sa mama mo?” tanong nito.

“Hindi po, tita! Kahit isang dolyar, wala iyong pinapadala sa amin! Dapat kasi ako na lang ang nakaalis, eh, e ‘di sana pati ikaw may pera galing sa akin,” nguso niya pa rito dahilan upang mapakamot na lang ito ng ulo. 

“Diyos ko, ganiyan pala ang ugali niyang kapatid mo, sana nga ikaw na lang ang nakaalis ng bansa! Kawawa naman ang mama mo!” tugon nito, bakas sa mukha nito ang labis na pagkadismaya. 

“Oo nga po, tita, eh, kaya doble kayod ako ngayon sa pinapasukan kong trabaho sa Maynila,” sagot niya pa.

“Naku, dapat lang, ikaw na lang ang magtaguyod sa mga magulang mo! O, paano, mauna na ako sa’yo, ha? Mamamalengke pa ako!” paalam nito saka tuluyan nang sumakay ng jeep, naiwan naman siyang ngingisi-ngisi sa pila ng mga pasahero ng bus.

Panganay sa dalawang magkapatid ang dalagang si Andrea. Laki man siya hirap, hindi ito naging dahilan upang hindi siya mangarap sa buhay. Bata pa lang siya, nais na niyang mangibang-bansa, ito ang tanging paraang nakikita niya upang maiahon sa hirap ang kaniyang mga magulang.

Advertisement

Matagumpay nga siyang napagtapos ng kaniyang mga magulang sa hayskul, ngunit dahil nga sila’y salat sa buhay, hindi na niya nagawang makapasok sa kolehiyo at agad nang nagsimulang magtrabaho upang makadagdag sa kita ng kanilang pamilya.

Kahit pa ganoon, hindi pa rin siya sumuko sa pangarap na makapag-abroad. ‘Ika niya, “Kahit hindi ako nakapagkolehiyo, mangingibang-bansa ako! Sipag at tiyaga ang puhunan doon, hindi diploma!” 

Pinagsabay niya ang pagtatrabaho sa Maynila at paghahanap ng mga agency na kumukuha ng mga empleyado’t ipapadala sa ibang bansa.

Nakakahanap naman siya, kaya lang, kung hindi siya nakakapasa sa interbyu, naloloko’t nakukuhanan lang siya ng pera dahilan upang unti-unti siyang panghinaan ng loob.

Ilang taon din siyang tumigil sa paghahanap ng paraan upang mangibang-bansa. Nilaan niya lahat ng kaniyang oras sa pagtatrabaho. Ngunit isang araw, nagulat na lang siyang aalis na papuntang ibang bansa ang kaniyang bunsong kapatid. Kitang-kita niya ang saya ng kaniyang mga magulang dahilan upang labis siyang mainggit.

Tinanong niya kung paano ito nakakuha ng trabaho sa Amerika, ang tanging sagot nito, “Basta, ate, maghintay ka, kukuhanin kita,” na labis niyang ikinainis. 

Iyon ang naging dahilan upang palagi niyang siraan ang kapatid sa kung sinong mangangamusta rito. Kahit nagpapadala naman talaga ito ng pera’t mga gamit, pinapakalat niyang hindi ito tumutulong sa kanila.

Noong araw na ‘yon, pagkauwi niyang galing trabaho, imbis na ngiti’t pangangamusta ang sumalubong sa kaniya pag-uwi, isang malakas na sampal mula sa kaniyang ina ang kaniyang natanggap.

Advertisement

“Hanggang kailan mo sisiraan sa mga tao ang kapatid mo, ha? Ayon, katatawag lang, at umiiyak! Pinagsalitaan daw siya ng Tita Aiza niyo at lahat nang iyon ay dahil sa paninira mo! Andrea naman, kailan ka ba sasaya para sa kapatid mo?” mangiyakngiyak na sambit ng kaniyang ina, “Pagod at malayo sa atin ang kapatid mo, tapos may gana ka pang magkalat ng masamang balita na wala naman katotohanan? Huwag mong ibuntong sa kaniya ang hindi mo pag-abot sa pangarap mo!” dagdag pa nito dahilan upang mapaiyak na rin siya sa pagkakonsensyang nararamdaman, doon na nga tuluyan ngumalngal ang kaniyang ina dahilan upang yakapin niya ito. 

Doon niya napagtantong tila naibubuntong niya sa kaniyang kapatid ang mga pagbagsak na naranasan niya sa pag-abot ng kaniyang pangarap. Kaya naman, wala na siyang sinayang na oras at agad na humingi ng tawad sa kaniyang kapatid.

Sa kabutihang palad, dahil sa labis na kabaitan nito, agad siya nitong pinatawad. Nangako siyang ititigil na ang paninira rito at magiging masaya na para sa tagumpay na unti-unti nitong naaabot.

Mahirap man, ginawa niya ang lahat nang makakaya upang mapigilan ang inggit na nararamdaman para sa mga magulang na umaasa rin sa kaniya.