Tsismis sa Barangay na Kumekerengkeng Pa ang Matanda Dahil Kung Sino-sino ang Kausap Nito; Napaluha ang Lahat Nang Malaman ang Buong Katotohanan

“Naku tingnan niyo. Ayan na naman si Aling Minda oh! Kung sino-sino na naman ang ka-video call,” pairap na sabi ni Chechey sa mga kapitbahay na noon ay nakatambay sa tapat ng kaniyang tindahan.

“Sinabi mo pa! Pa-ingles-ingles pa ‘yan kung minsan aba’y Amerikano pa ang hanap?! Matandang ito oo!” sabi ni Mirasol na sinundan pa ng pagkalakas-lakas na tawa.

“‘Eto naman sila. Aba malay natin kamag-anak lang ang kausap,” ngumunguya pa na sabi ni Linda.

“Limang taon na simula nang lumipat ‘yan dito sa barangay natin, eh wala naman daw naging asawa’t anak. Sino pa bang kausap?” sulsol ulit ni Mirasol.

“Sabi ko na sa inyo, ako ang laging nakakakita eh. Sigurado akong mga nobyong porener ang hanap niyan,” sabi ni Chechey sabay palatak pa.

Umuugong ang chismisan sa tindahan tapat ng bahay ni Aling Minda ngunit walang pakialam ang matanda doon. Madalas ay makikita lang itong halos maghapon na nakatapat sa cellphone. May mga katawagan na mga lalaki, ang iba ay ingles ang salita.

Tila ba wala talagang magawa sa buhay kung hindi ang makialam sa buhay ng iba ay isang buong hapong minanmanan ng mga chismosa sa tapat ng tindahan si Aling Minda. Halos 70 na ito at namumuhay na lang mag-isa sa bahay na iyon.

Nakita nila na umupo ito sa mababang balkonahe kung saan ito madalas mamalagi. Hindi sila nito nakikita pero kitang-kita nila ang bawat kilos nito. Nang araw na iyon ay bihis na bihis ang matanda, sabay naglabas ng maliit na salamin at pulang lipstick at ipinahid iyon sa mga labi, pati sa kulubot nitong pisngi.

Advertisement

“Ayy tingnan niyo oh! Sabi ko na nga ba’t nagmumurang kamyas ang lola niyo eh! Oh pak!” nangunguna na naman ang bunganga ni Chechey.

“Talaga namang nagmamaganda pa ano?” Tutya ng magkakaibigang chismosa saka nagtawanan.

Nakita nilang naglabas na ng cellphone ang matanda matapos sipat-sipatin ang buhok. Mukhang mayroon na itong tinatawagan.

“Ayan na, ayan na,” bulungan ng mga nag-aabang na chismosa.

Ilang sandali ay mukhang walang sumagot sa kabilang linya. Nakunot ang noo ni Aling Minda. Maya-maya lamang ay muli na naman itong tumawag. Nagpaskil ng ngiti sa labi at saka iniharap ang cellphone sa sarili. Nakunot na naman ang noo ng matanda nang hindi na naman sumagot ang tinatawagan sa telepono.

Lingid sa kaalaman ng matanda na sa katapat na tindahan ay tampulan siya ng katatawanan.

“Nakita niyo ang mukha? Naku!” Halos mabuwal sa kakatawa ang mga babae.

“Siguro ay wala nang interesadong lalaki kasi matanda na!” inihit na naman ng tawanan ang mga chakang chismosa.

Advertisement

Natigil lang ang kanilang tawanan nang may mapansin si Linda.

“Uy hoy, tingnan niyo. Naiyak ba si Aling Minda?” Napatigil ang lahat at pinagmasdang maigi ang nangyayari sa balkonahe. Ang cellphone ng matanda ay nasa hita nito, habang ang dalawang kamay ay nakatakip sa muka. Yumuyugyog ang balikat nito na parang humahagulgol.

Nagkatinginan ang magkukumare at sandaling napatigil. Bilang dakilang lider ng grupo ay nagsalita si Chechey.

“Linda. Sige nga’t puntahan mo. Siyempre kapitbahay naman natin ‘yan…” Kunwaring sabi ni Chechey, ngunit ang totoo’y gusto lang makasagap ng chismis.

Agad namang tumalima si Linda. Tumawid ito ng kalsada at kumatok sa gate ng bahay ni Aling Minda. Mukhang narinig naman ng matanda at nakita nila ito na pumasok sa loob ng bahay.

Mahaba-habang minuto ang hinintay ng magkakapitbahay bago muling lumabas si Linda mula sa bahay ni Aling Minda. Nakayuko ito at mabagal na naglakad papalapit sa tindahan.

“Hoy Linda! Ano daw sabi?” Atat sa balita na tanong ni Mirasol.

Si Linda ay marahang naupo sa tapat ng tindahan at sinimulan ang pagkukwento tungkol sa matanda.

Advertisement

“Si Aling Minda… meron daw pala siyang mga anak. Pero hindi niya tunay na mga anak. Kinwento niya na simula noong matagpuan ng kaniyang asawa na wala siyang kakayahang magka-anak ay nakipagkalas ito at iniwan siya. Upang maibsan ang lungkot ay nagsimula daw siyang mag-ampon ng mga bata. Madalas ay kinukuha niya sa ampunan o kalsada. Galing naman daw yung matanda sa mayamang pamilya kaya’t naitaguyod niya ang mga bata. Pinalaki niya at pinag-aral sa mga kilalang unibersidad. Ngunit ngayon…” Tila naluluhang kwento ni Linda. Seryoso na rin ang hitsura ng dalawa pang kaibigan.

“Ngayon nga eh nalulungkot daw siya… araw-araw daw ay nararamdaman niyang pahina na ng pahina ang katawan niya. Gusto niya daw parating makausap ang mga “anak” ngunit nagsipagtrabaho at pamilya na ang mga ito sa iba’t ibang parte ng mundo. Nakukulitan na raw sa kaniya dahil lagi siyang tumatawag. Tapos ngayon nga… hindi na sinasagot ang kaniyang tawag ilang buwan na.”

Lubos na nakonsensya ang mga magkakaibigan buhat nang marinig ang kwento ni Linda. Kung ano-anong panunuya ang pinagsasabi nila, ayun pala ay grabeng kalungkutan ang nararanasan ng matanda. Nagpasya silang bisitahin ito nang kasunod na araw para man lang makabawi.

“Oh aba’t napadalaw kayo?” Magiliw na salubong ni Aling Minda atsaka binuksan sila ng pinto.

“Siyempre naman Aling Minda! Matagal ka na namin dapat dinalaw eh,” may pagkapit pa sa braso na sabi ni Chechey.

Nagkaroon sila ng simpleng meryenda at nakapagkwentuhan ng matagal-tagal. Nagkataon ang magkakaibigan na marinig mula mismo sa matanda ang mga dalahin nito, nag-alok pa itong bukas lang ang bahay nito sa kanilang lahat. Sa huli ay naantig ang magkakaibigan sa kabutihang nakita mula sa matanda. Nagpasya silang huwag nang bumalik sa kinagawiang panlalait ng kapwa. Nang hapong iyon, umuwi silang busog at baon sa puso ang mga leksiyong natutunan nila mula sa matanda.