Pinamukha ng Lalaki na Walang Silbi ang Kaniyang Asawa dahil Nakakabagot Itong Kasama; Labis ang Kaniyang Pagsisisi nang Muli Silang Magkita

“Congrats, pare! Ang galing mo talaga, magpainom ka naman!” sambit ng kasamahan ni Robin sa trabaho.

“Oo nga, kahit sa inyo na lang, pare. Tayo-tayo lang din naman. Tutal sabado na bukas, puwedeng-puwedeng tumagay ngayon,” kantiyaw ng isa pang katrabaho. 

“Sige, tatawagan ko lang si misis para maghanda sa bahay at para mayroon tayong pulutan. Tawagin n’yo na ang iba at sagot ko ang inuman ngayong gabi!” masayang paanyaya ni Robin sa kanila. 

Naihanda na ni Rosalie ang lahat bago pa man makauwi ang kaniyang asawa kasama ang mga katrabaho nito. Masaya din siya sapagkat sa wakas ay nakita na rin ng kumpanya ang tunay na galing ng kaniyang asawa at na-promote na naman ito. 

Habang masayang nagtatagayan ang mga ginoo ay walang tigil sa pagluluto si Rosalie sa kusina. 

“Rosalie, nasaan na ang sisig? Wala na kaming pulutan dito!” sigaw ni Robin sa misis.

Agad namang inilabas ni Rosalie mula sa kusina ang pulutan.

“Hanga talaga ako sa’yo, pare, at nasarado mo ang malaking deal na iyon. Kapag lalo pang tumaas ang posisyon mo, huwag mo kaming kakalimutan. Ambunan mo naman kami ng galing mo para hindi kami habambuhay na staff lang,” biro ng isang kasamahan. 

Advertisement

“Alam niyo namang napakatagal kong inaral ang presentation ko na ‘yun. Sinuwerte na din siguro dahil maaliwalas ang paligid kanina,” tugon ni Robin. 

“Ang sabihin mo, mahal, magaling ka talaga. Ito na ang sisig ninyo,” pagsingit ni Rosalie sa usapan. 

“Puwede sa kusina ka na? Hindi ka dapat sumisingit sa usapan naming magkakatrabaho kasi wala ka namang alam sa trabaho namin,” inis na sambit ni Robin. 

“Pare, wala namang masamang sinabi ang asawa mo. Pinuri ka pa nga niya,” sambit ng isang ginoo.

“Basta, hindi siya dapat nakikisali sa usapan nang may usapan!” tugon muli ng mister. 

Napakuyo na lamang si Rosalie sa pagkapahiya.

Sa totoo lamang ay mababa ang tingin ni Robin sa kaniyang asawa. Sa kaniyang pananaw ay pambahay lamang ang asawa at wala itong dapat gawin kung hindi pagsilbihan siya dahil ang tingin niya rito ay mahina. 

Madalas niyang ipahiya ang asawa sa harap ng ibang tao. Madalas din niyang ikumpara ito sa ibang babaeng kaniyang nakakasalamuha. Ngunit kahit nasasaktan ang kaloob ni Rosalie ay hindi na lamang siya lumalaban sa asawa sapagkat ayaw niya ring masumbatan siya nito sapagkat hindi niya ito mabigyan ng anak. 

Advertisement

Upang matuwa sa kaniya ang asawa ay naisipan niyang regaluhan ito ng isang amerikana na siya mismo ang tumahi. Ilang araw niya ito pinaghirapan. Nang matapos ay hindi na siya makapaghintay na makauwi galing opisina ang asawa upang ibigay ito. Ngunit, isang mainit na ulong mister ang umuwi sa kanya ng gabi na iyon. 

“Ipagtimpla mo nga ako ng kape!” utos niya sa asawa.

‘Bakit mainit ang ulo mo, mahal? May nangyari ba sa opisina?” pagtataka ni Rosalie.

“Oo, mayroon. Pero kahit sabihin ko naman sa’yo ay wala ka ring magagawa. Kaya ipagtimpla mo na lang ako ng kape at masakit ang ulo ko,” sambit ni Robin. 

Agad siyang ipinagtimpla ng asawa ng kape.

“Ano ba tong kape mo, napakatapang naman!” reklamo ng mister. “Wala ka talagang ibang alam na gawin. Mas masarap pang magtimpla ‘yung utusan namin sa opisina,” dagdag pa niya.

“Pasensiya ka na, akala ko ay ganiyan ang gusto mo ngayon. Ganyan kasi ang pinapatimpla mo sa akin sa tuwing masakit ang ulo mo,” paliwanag ng misis. 

“Kung mainit ang ulo mo ay huwag mo sana sa aking ibuntong, mahal,” pakiusap ni Rosalie.

Advertisement

“Para mawala ang init ng ulo mo, mahal ay may gusto sana akong ibigay sa’yo,” pagpapatuloy ni Rosalie sa pagsasalita. Kinuha niya ang kahon at ibinigay sa asawa.

“Ano ‘to? Baka nag-aksaya ka pa ng pera para lang dito. Hindi mo alam kung ano ang hirap na pinagdadaanan ko sa trabaho para kumita tapos ay bibili ka lang ng kung ano-ano!” sambit ng asawa. 

“Ako mismo ang gumawa niyan, mahal. Sana ay magustuhan mo,” malumanay na wika ni Rosalie. Nang buksan ni Robin ang kahon ay bumungad sa kanya ang magandang amerikana na tinahi ng kaniyang asawa. 

“Ito ang pinagkakaabalahan mo sa araw-araw? Marami na akong ganito! Bakit nag-abala ka pang gumawa ng ganito para sa akin?” imbis na matuwa ay nainis pang sabi ang asawa. 

Pinipigilan ni Rosalie ang maiyak.

“Wala ka talagang ibang alam, Rosalie! Bakit kaya hindi ka na lang naging katulad ng ibang babae na malakas ang personalidad. Napakaraming pwedeng regalo ‘yung mga bagay pa talagang marami na ako,” sambit muli ng mister. 

“Pasensiya na. Akala ko kasi ay magiging espesyal ang isang ito sapagkat ginawa ko,” paliwanag ng ginang. 

“Huwag ka ngang magdrama d’yan. Nag-aksaya ka pa ng pera pambili ng pera. Inaksaya mo pa rin ang panahon mo d’yan. Umalis ka nga sa harapan ko. Imbes na gumaan ang pakiramdam ko ay naiinis ako lalo sa’yo!” bulalas ni Robin. 

Advertisement

Dahil sa sakit na nararamdaman ng ginang ay hindi na siya nakapagtimpi pa.

“Alam mo, hindi ko maintindihan kung bakit asawa mo ako pero ganiyan mo ako itrato. Napakaliit ng tingin mo sa akin. Kahit anong gawin ko ay hindi mo ako makuhang pakitunguhan ng maayos. Lahat ng ginagawa ko para sa iyo ay mali. Baka tama ka, mas magaling ka at mas maayos kung wala ako sa buhay mo,” sambit ni Rosalie. 

“Anong pinapatungkol mo sa sinasabi mo? Gusto mong makipaghiwalay? Gusto mong umalis? Sige, tingnan natin kung saan ka pupulutin kung wala ako. Wala ka namang alam at kakayahan na buhayin ang sarili mo!” tugon ng asawa. 

Hindi na lamang umimik pa si Rosalie dahil sa tindi ng hinanakit niya. Sa pagkakataong ito ay alam niyang wala siyang halaga sa asawa. Kaya kahit mahal niya si Robin ay nagpasya siyang tuluyan nang iwan ito. 

Ilang buwan ang nakalipas at hindi na nagparamdam pa si Rosalie sa asawa. Ang balita niya ay may bago na rin itong kinakasama.

Isang araw habang nanunuod ng balita sa telebisyon ay hindi inaaasahan ni Robin nag kaniyang makikita. Napanood niya kung paano pinarangalan si Rosalie sa larangan ng pagdidisenyo ng mga mamahaling kasuotan. Ang sabi rin sa balita ay ubod na ito ng yaman at marami ng ari-arian at ngayon ay nakabase na rin sa ibang bansa. 

Nanlalaki ang kaniyang mga mata at hindi makapaniwala sa kaniyang nakita. Ginawa niya ang lahat upang makausap ang dating asawa at doon niya tinanong kung ano talaga ang nangyari matapos ang kanilang paghihiwalay. 

“Muntik na akong maniwala sa iyo, Robin, na isa akong mahinang babae at walang alam dahil walang araw sa buhay ko na ito ang pinaramdam mo sa akin. Matapos nating maghiwalay ay nag-apply ako ng trabaho at nag-aral. Maraming pinto ang nagbukas sa akin hanggang sa hindi ko na lamang namamalayan na mga sikat na ang ginagawan ko ng mga damit,” paliwanag ni Rosalie. 

Advertisement

“Saka ko napagtanto na hindi ang kahinaan ko ang nagkulong sa akin sa kahinaang sinasabi mo. Kundi ang bulag kong magmamahal sa isang lalaking hindi nakita ang kahalagahan ko,” pagtatapos ng ginang.

Natauhan si Robin sa kaniyang mga narinig kay Rosalie. Nagising siya sa katotohanang hindi niya nagawang pahalagaan ang asawa noon at wala siyang ginawa kundi maliitin ito. Lubusang panghihinayang ang kaniyang naramdaman. 

Naalala niya ang amerikana na tinahi noon ng ginang sa kanya. Doon niya napagtanto na hindi nya man lamang napansin ang husay at sinsin ni Rosalie sa paggawa ng ganitong bagay dahil sa walang kwentang pagtingin niya sa dating asawa.