Simula Nang Dumating ang Dalagang ito ay Wala Nang Ginawa ang Bantay na Aso Kung ‘Di ang Tumahol, Ano Kayang Mayroon sa Babae?

Simula Nang Dumating ang Dalagang ito ay Wala Nang Ginawa ang Bantay na Aso Kung ‘Di ang Tumahol, Ano Kayang Mayroon sa Babae?

LoveMysteryStories

Mula sa kanilang probinsya ay nagpasyang lumipat ng Maynila si Bella upang makapagsimula ng bagong buhay. Sa ilang linggo pa lamang na pananatili niya sa bagong tirahan ay tila magkakaroon na siya ng problema.

“Bakit kaya palaging tumatahol ang aso ni Lola Linda kapag gabi? Napapansin niyo rin ba iyon?” tanong ni Meril, kapitbahay ni Bella. 

“Oo, nagsimula ‘yun nung lumipat si Bella rito sa atin. Lagi ka pa naman na hating gabi kung umuwi!” nag-aalalang wika naman ni Helen, isa pang kapitbahay ng dalaga habang ang lahat ay nagsasampay sa labas.

“Nakakatakot! Baka mamaya nagmamanman na naman ‘yung mga akyat bahay! Nung nakaraang buwan lang ay pinasok ‘yung katabing apartment. Naku, naku, magsabi na kaya tayo sa barangay?” saad muli ni Meril.

“Ito naman, lalo mong tinatakot si Bella niyan. Pero ayun nga, lagi kang mag-iingat lalo na kapag pauwi ka na sa gabi. Lagi ka magmamasid sa palagid,” paalalang saad ni Helen sa kaniya. Hindi naman sumagot si Bella at ngumiti sabay tango na lang ito sa dalawa. Saka siya nagpatuloy lamang sa kaniyang paglalaba. 

Nakatira ngayon si Bella sa isang pangbabaeng dormitoryo, mura raw at mas makakatipid siya. Lalo na ngayon na kakaumpisa pa lamang niya sa trabaho bilang call center agent. Simula noong lumipat siya roon ay hindi naman niya nabigyan ng pansin ang pagtahol ng aso kaya hindi siya makasigurado sa sinasabi ng kaniyang mga kapitbahay.

Kaya naman ng mga sumunod na araw ay pinakiramdaman nga niya ang aso sa kanilang dormitoryo kung tatahol ito sa kaniyang pagdating.

“Kilala mo na siguro ako kaya ‘di ka na tumatahol, ano?” tanong niya sa aso. Hindi naman siya pinansin nito at walang kahit anong pagtahol na nangyari. Nagkibit balikat naman si Bella tsaka ito pumasok sa kaniyang kwarto.

Nagbihis at nagpahinga na ang dalaga saka niya napagpasyahang isarado ang ilaw. Nang mawala ang liwanag ay sakto namang tumahol ang aso sa labas na para bang nasa mga nakakatakot na palabas.

“Hala, ba’t ganun, nakakakilabot naman ‘yun!”

“11:45 palang ng gabi pero ganun na ‘yung tahol. Panginoon, protektahan niyo po ako,” dasal ng babae saka siya nahigang muli at hindi na tinanggal ang ilaw. 

Ilang araw pa ang lumilipas at doon na niya napansing palagi ngang tumatahol ang aso sa labas nila sa tuwing matutulog na ang dalaga. Araw-araw at wala iyong palya. Ngayon na lamang daw ulit nagkaganun ang asong iyon ayon sa mga matagal nang nakatira roon.

Hanggang sa dumating ang araw ng linggo kung saan halos lahat ng mga nangungupahan ay walang trabaho kaya naman ito rin ang araw upang magsampay at magkwentuhan ang ilan.

“Alam mo, sabi ng nanay ko kapag daw ganung tahol ng aso ay baka may aswang! OMG! Baka may aswang dito sa atin!” saad ni Meril kay Helen.

“Ikaw talaga! 2018 na, hindi na uso ‘yan tsaka isa pa ‘wag kang ganyan kay Bella, siya lang ang bagong lipat dito sa atin,” kontra naman kaagad ni Helen sa isa.

“Pasensiya na kayo, baka dahil sa akin ay kaya nagkakaganun ‘yung aso,” paumanhin ni Bella sa dalawa.

“Hija, gusto mo ba talagang malaman kung bakit tumatahol ang aso?” seryosong tanong ni Lola Linda, ang may-ari ng kanilang dormitoryo.

“Ay lola, nandyan po pala kayo. Napansin niyo rin po ba ang kakaibang pagtahol nung aso niyo tuwing gabi? Pasensiya na po kung nangyari ‘yun simula nang dumating ako,” mabilis na sagot ni Bella sa matanda.

“Wala kang dapat ipagpasensiya, hija. Halika at sasabihin ko sa’yo kung bakit tumatahol palagi ang aso,” nakangiting saad ng matanda sa kaniya sabay suot ng salamin nito sa mata. 

Mabilis naman na naghugas ng kamay ang dalaga saka siya lumapit sa matanda.

“Galit ba kayo, lola?” mahinang tanong ni Bella sa kaniya. 

“Hindi, hindi ako magagalit. Normal lamang na reaksyon ng aso ang tumahol lalo na kapag may nakikitang multo!” pahayag ni Lola Linda sa kaniya.

“Ho?”  Naguguluhang sagot ni Bella sa matanda.

“Hindi mo ba napapansin na tumatahol lamang ang aso ko kapag wala ka nang ilaw sa kwarto mo? Binabantayan ka kasi niya, gusto niya rin sabihin sa’yo na hindi ka niya gustong iwan nang maaga ngunit ito na ang nakatadhana sa kaniya. Alam kong nagluluksa ka pa at hindi mo pa siya kayang pakawalan, hija. Ngunit hindi siya makakatawid sa liwanag kung patuloy mo siyang tatawagin sa iyong pagtulog,” wika ni Lola Linda na siyang nagpatayo sa mga balahibo ni Bella sa katawan. 

Hindi na sumagot ang dalaga at humagulgol na lamang ito ng iyak sa matanda. Doon niya ikinuwento ang kaniyang madilim na pinagdaraanan.

Anim na buwan pa lamang ang nakakalipas simula nang pumanaw ang kaniyang nobyo nang dahil sa aksidente. Ilang araw na lamang sana ay ikakasal na ang dalawa ngunit isang iglap ay nabago ang kaniyang buhay. Simula noon ay gabi-gabi na niyang hiniling sa Diyos na sana maka-usap niya ang yumaong nobyo o dumalaw man lang sa panaginip nito ngunit hindi ito nangyayari.

Kaya naman ng makausap niya si Lola Linda ay unti-unti niyang tinanggap at dahan-dahan niyang pinapakawalan sa kaniyang puso ang minamahal. Hindi nagtagal ay tumugil na rin sa kakatahol ang aso ni Lola Linda at nagpaalam na rin ang lalaki sa panaginip niya saka ito pumasok sa malaking puting pinto. Alam niyang kung saan man naroroon ang minamahal ay masaya na ito.

More Stories