
Ginawa ng Amang Ito ang Lahat para Maibili ng Regalo ang Anak; Hinadlangan naman Siya ng Kamalasan
Ikadalawangpu’t siyam na ng Oktubre, maagang nagising ang padre de pamilyang si Herbert upang pumalaot. Kaarawan ngayon ng nag-iisang anak niyang dalaga. Ito na lang din ang kasama niya sa buhay dahil mahigit isang dekada na ang nakalipas simula nang mawala ang kaniyang asawa dahil sa pagkalunod sa laot habang sila’y sumisisid upang kumuha ng mga tahong.
Noong una’y hindi niya alam kung paano magpalaki ng isang batang babae nang mag-isa. Ni hindi siya marunong magsulat, magbasa, o kahit mag-ayos ng tali sa buhok ng bata.
Kaya laking pasasalamat niya dahil sa murang edad ay natutong tumayo ang anak niya sa sariling mga paa. Nagagawa pa nga nitong tulungan siya sa paglalako ng mga nahuling lamang dagat pagkatapos nito sa eskwela.
Ito ang dahilan upang ganoon niya na lang mahalin ang anak na ngayo’y dalaga na. Kahit na tumatanda na ito, lalong lumalapit ang loob niya rito. Bukod kasi sa matalino at maaasahan ang anak niyang ito, masiyahin din at puno ng positibong pananaw ang dalaga sa buhay.
Sabi pa nga nito, balang araw daw, pagkatapos nitong mag-aral, hindi niya na raw kailangang mangisda at magbilad sa arawan dahil gagawin daw siyang milyonaryo nito na palagi niyang ikinatatawa.
Ilang minuto bago siya umalis noong araw na ‘yon, nakita niyang bahagyang naalimpungatan ang anak niyang ito. “Maligayang kaarawan, anak!” bati niya rito habang siya’y nag-aayos ng lambat na gagamitin.
“Salamat po, tatay!” sambit nito saka napatingin sa orasan, “Alas tres pa lang pala po ng madaling araw, tatay, bakit ang aga niyo pong nag-aayos?” pang-uusisa nito.
“Syempre, kailangan kong maagang makauwi at makabenta para kahit papaano, maipagdiwang natin ang kaarawan mo!” masaya niyang sabi rito.
“Hindi na po kailangan, tatay!” tanggi nito saka humilig sa balikat niya.
“Naku, ang anak ko talaga! Sige na, bumalik ka na sa pagtulog! Hindi pwedeng hindi tayo magdiwang ngayong labingwalong taon ka na!” utos niya rito na agad naman nitong sinunod dahilan para siya’y mapangiti at agad na ring pumalaot.
Tila umaayon naman sa kaniya ang dagat ang ngayong araw dahil sandamakmak na mga lamang dagat ang nahuli niya gaya ng alimango, hipon, bangus, at tilapia na talagang ikinasaya niya.
“Sa wakas, maibibili ko na ng bagong bestida at cake ang anak ko ngayong kaarawan niya. Salamat naman sa Diyos!” sambit niya habang nagsasagwan pauwi sa kanilang bahay.
Pagkauwi niya roon, wala na ang kaniyang anak. Tiyak na pumasok na ito sa unibersidad na pinapasukan kaya siya’y nagdali-daling isalansan ang mga nahuling lamang dagat upang siya’y makapaglako na.
“Kailangan ko itong maibenta bago pa siya makauwi!” sabi niya sa sarili.
Pagkatapos niyang magsalansan at kumain ng pananghalian, agad na nga siyang naglibot sa kanilang buong bayan. At dahil sariwa at matataba ang mga huli niya, pagsapit ng alas tres ng hapon, lahat ito ay kaniya nang nabenta. Siya’y nakalimot nang humigit kumulang isang libong piso na talaga nga namang ikinataba ng kaniyang puso.
Kaya lang, habang binibilang niya ito sa daan, bigla namang may dalawang lalaking tumigil sa harapan niya.
Nakasahod ang kamay ng mga ito habang bahagyang pinapakita sa kaniya ang kutsilyong nakatago sa bewang ng isa sa mga ito.
“Ah, eh, mga boss, pupwede po bang bukas na lang ako magbigay sa inyo? Pangako, dadayuhin ko kayo rito. Kaarawan lang po ngayon ng anak ko, gusto ko lang sanang bigyan siya ng…” mangiyakngiyak niyang pagmamakaawa sa mga ito.
“Ang dami mong satsat! Amin na ‘yan!” sabi ng isa saka agad na hinablot sa kaniya ang perang hawak.
“Mga boss, ‘wag naman po kayong gan’yan!” sigaw niya habang hinihila pabalik ang pera ngunit siya’y biglang napatigil nang naramdaman niya ang talim ng kutsilyo sa bewang niya.
“Hindi ka titigil?” tanong nito sa kaniya dahilan para hayaan niya na lang na umalis ang mga ito.
Umuwi siyang lugmok na lugmok. Hindi niya lubos akalaing ang pinaghirapan niya ngayong araw, mawawala nang gano’n-gano’n na lang.
“O, tatay, kaarawan ko ngayon, hindi ba? Bakit naman parang pinagsakluban ka ng langit at lupa riyan?” tanong ng anak niyang kakarating lang saka nagmano sa kaniya.
“Naholdap ako, anak, nawalang parang bula ‘yong perang dapat sana ipangbibili ko ng regalo ko sa’yo. Pasensya ka na, palagi na lang akong walang naibibigay sa’yo tuwing kaarawan mo,” hikbi niya.
“Ayos lang po ‘yon, tatay, ang mahalaga, hindi kayo nasaktan. Araw-araw niyo nga po ako binibigyan ng regalo ng pagmamahal, eh, iyon palang po, sobra-sobra na!” masiglang sabi nito saka siya niyakap na lalong nagpaiyak sa kaniya.
Kahit na kanin at chicharon lang ang pinagsaluhan nila noong araw na ‘yon, kakaibang saya ang naramdaman niya dahil sa kaniyang anak.
Malayo pa man ang tatahakin nito upang siya’y gawing milyonaryo katulad ng pangako nito, sigurado siyang hindi ito imposible para sa anak niyang may pangarap na sa buhay, masipag at matalino pa.
“Pakiramdam ko, ako ang dabest na tatay dahil gan’yan ka mag-isip, anak,” sabi niya rito matapos nitong muling ikwento sa kaniya ang mga pangarap.
“Ikaw talaga ang dabest, tatay!” masaya pang sabi nito.