Inday TrendingInday Trending
Ayaw ng Dalagang Ito na Maging Pabigat sa Iba; Hindi pa rin ba Siya Hihingi ng Tulong Kahit nasa Peligro na Siya?

Ayaw ng Dalagang Ito na Maging Pabigat sa Iba; Hindi pa rin ba Siya Hihingi ng Tulong Kahit nasa Peligro na Siya?

Hindi ugali ng dalagang si Celine na magpabigat kanino man. Hangga’t maaari, hindi siya nanghihingi ng tulong sa iba dahil ayaw niyang makaabala. Palagi niyang iniisip, “May kaniya-kaniyang problema ang bawat tao, kaya wala akong karapatang magpabigat pa. Hindi ko rin naman gugustuhin kapag problemado na nga ako, may pabigat pang nakaasa sa tulong ko.”

Ito ang dahilan para gawin niya ang lahat ng bagay nang mag-isa. Kahit na may nang-aalok na sa kaniya ng tulong, hindi niya pa rin ito tinatanggap dahil gusto niya ring paghirapan ang bawat tagumpay sa buhay niya.

Kagaya na lamang noong naghahanap pa lang siya ng trabaho sa Maynila. Manager sa isang sikat na hotel ang kapatid ng kaibigan niya at siya’y nais nitong tulungan dahil nga alam din nito ang hirap na pinagdadaanan niya.

Ngunit, dahil alam niya ring abala ito sa trabaho at bahagya rin siyang nararamdam ng pagkahiya, hindi niya iyon tinanggap. Sabi niya pa sa binata, “May nahanap pa akong trabaho, kuya, interbyu ko na nga sa isang linggo, eh, salamat na lang!” kahit sa totoo, wala pa siyang nahahanap na mapapasukang kumpanya.

Pero dahil sa sipag at tiyagang mayroon siya, hindi kalaunan, nakahanap na rin siya ng mapapasukang trabaho.

Habang naglalakad siya sa kanilang lugar, isang araw, upang maghanap ng trabaho, may nakita siyang restawran na bagong bukas. Wala mang nakapaskil doon na naghahanap ng empleyado ang may-ari nito, sinubukan niya pa ring magtanong.

“Ay, naku, saktong-sakto ka, hija! Gumagawa pa lang ako ng karatula, eh! Pwede ka na bang magsimula ngayon?” tanong ng masiyahing may-ari ng naturang restawran na labis niyang ikinatuwa.

Noon din, sinimulan na siyang turuan ng ginang na iyon ng mga dapat niyang gawin. Tinuruan siya nito kung paano magluto, tamang paraan ng pagbibigay ng pagkain sa kustomer, paggamit ng iba’t ibang makina sa kusina, at marami pang iba kasabay nang pagkukwento nito kung paano nabuo ang bagong bukas na restawran.

“Ipon ko mula noong dalaga pa ako ang ginamit ko para maipatayo ‘tong restawran. Ilang beses na rin akong nagtatayo ng iba’t ibang kainan kaya lang palaging nalulugi. Kaya sana, ikaw ang maging swerte ko, palaguin natin ang restawrang ko, ha?” sabi nito habang hinihinamas-himas ang ulo niya na labis niyang ikinangiti.

Ginawa niya ang lahat upang maging kilala ang restawrang iyon. Panay ang post niya sa social media tungkol dito, nagyaya siya ng mga kaibigan at ilang kakilala na kumain dito, at kaniyang inaanyayahan ang sino mang mapadaan dito dahilan para agad itong daksain na talagang ikinasaya ng ginang.

“Hindi nga ako nagmali! Ikaw ang swerte ko!” sabi nito sa kaniya, isang gabi nang malaman nitong malaki ang kinikita nila sa araw na iyon.

Kaya lang, kinabukasan, may napansin siyang isang binatang panay ang pagmamasid sa kaniya habang siya’y nagtatrabaho. Noong una’y pinasawawalang-bahala niya lang ito ngunit bago pa ito umalis, muli siya nitong tinawag at kinausap.

“Pwede ka bang ilabas?” tanong nito sa kaniya saka siya hinila nito paupo sa tabing upuan.

“Ano pong ibig niyong sabihin?” kinakabahan niyang sagot dito.

“Syempre, ano, alam mo na ‘yon! Siguradong hindi ka na naman inosente, eh,” nakangising sabi nito saka hinimas-himas ang kaniyang hita.

Nais niya man sanang sumigaw upang humingi ng tulong sa ginang na abala sa pakikipag-usap sa ibang kustomer, naisip niyang maaaring makaapekto ito sa pagdaksa ng mga tao sa bagong bukas na restawran dahilan para layasan niya na lamang ang binata.

Kaya lang, bago pa siya makalayo, sabi nito, “Subukan mong magsumbong, ipapasara ko ‘to. Anak ako ng isang mayamang negosiyante kaya kung ako sa’yo, sumama ka na sa akin,” saka siya nito muling hinawakan.

“Ang kapal naman ng mukha mong gumawa ng kalokohan sa restawran ko!” sigaw ng ginang na labis niyang ikinagulat.

“Ma’am, ayos lang po ako, huwag na po kayong mag-eskandalo,” awat niya rito ngunit imbis na makinig, siya’y hinila nito habang dinadakdakan ang lalaking nangb*stos sa kaniya.

Habang nagbubunganga ang ginang may isang kustomer ang nagmagandang loob na tumawag ng pulis kaya ilang sandali lang, ito’y agad nang dinampot.

Doon nila napag-alamanang dati na pala itong nakulong dahil sa pananamantala ng isang dalaga. Hindi rin totoo ang sinasabi nitong mayaman ang pamilya nito dahil isa lamang itong palaboy simula nang makalaya.

Tuluyang nakulong ang lalaking iyon habang siya, patuloy namang sinermunan ng ginang.

“Ang mga ganoong bagay, dapat, agad mong sinasabi sa akin!” sermon nito sa kaniya kaya agad niya ring sinabi ang katwiran niya, “Mas ayos na sa aking mapasara ang restawrang ito kaysa mabastos ang dalagang tinuturing kong swerte! Huwag kang mahihiyang magsabi sa akin!” dakdak pa nito na labis niyang ikinatuwa.

Doon niya napagtantong hindi sa lahat ng pagkakataon, kaya niyang mag-isa sa mga hamon ng buhay.

“Minsan pala, kailangan ko rin ng tulong ng iba. Kung hindi ako nakita ni ma’am, baka kung ano nang nangyari sa’kin,” wika niya sa sarili.

Advertisement