Nilait-lait ang Dalaga na Nagnanais Sumubok na Maging Modelo; Kayanin Niya Kayang Maabot ang Tagumpay?

Nilait-lait ang Dalaga na Nagnanais Sumubok na Maging Modelo; Kayanin Niya Kayang Maabot ang Tagumpay?

FunInspiringStories

Tirik na tirik man ang araw ay patuloy sa paglalakad si Sharmaine. Wala rin naman kasi siyang dahilan para huminto dahil ni wala nga siyang pambili man lang ng tubig. 

Tila nabuhayan siya ng dugo nang dumako ang tingin niya sa nadaanang tindahan ng damit. May nakapaskil kasi roon. 

“Looking for: Model.

Agad siyang napatingin sa repleksyon niya sa salamin na nasa loob ng tindahan. Simpleng pantalon at T-shirt lang kasi ang suot niya. 

Wala rin siyang karanasan sa pagmo-modelo, subalit wala na rin siyang pagpipilian. Nakapag-apply na siya bilang isang saleslady, tagahugas ng pinggan, tagabantay ng bata, ngunit hindi pa rin siya pinalad na matanggap. 

“Bahala na. Wala namang mawawala kung susubukan ko,” bulong niya, nais na palakasin ang nanghihina niyang loob. 

Kumakabog ang dibdib na pumasok siya sa loob ng tindahan. 

“Ano pong hanap nila?” magiliw na bungad ng tumatao sa loob ng tindahan.

“Ay, hindi po ako bibili. Mag-aapply po sana ako sa bilang modelo,” aniya bago iniabot dito ang hawak niyang resume.

Agad na nawala ang masayang ngiti ang labi ng dalaga. Tumaas ang kilay nito bago siya sinpat ng tingin mula ulo hanggang paa. 

“Sigurado ka?” taas kilay na tanong nito. 

Isang marahang tango lang ang naisagot niya rito sa labis na kaba. 

“Ang lakas naman ng loob–” 

Bago pa nito matapos ang sasabihin ay isang matinis na boses na ang pumailanlang sa buong tindahan. 

“Anong kaguluhan ito?” anang matinis na tinig. 

Nang makita niya ang nagsalita ay mas lalo siyang kinabahan. Isa itong magandang babae na mukhang istrikta. 

“Ma’am, mag-aapply po sana ako na modelo… Nakita ko po ‘yung nakapaskil sa labas,” muling paliwanag niya. 

“Nagawa mo na ba ang pagmo-modelo dati?” usisa nito. 

Nang umiling siya ay mas lalo lamang tumaas ang kilay nito. Gaya ng babae kanina ay sinipat siya nito ng isang tingin na tila nag-uuri. 

“H-hindi po ako maarte! Kahit na bago lang ako, gagawin ko po ang lahat,” pangako niya sa babae. Tila kasi nagdadalawang-isip ito na tanggapin siya. 

Matapos ang ilang minuto ay tumango ang babae. 

“Hindi ka naman pangit. Maganda rin ang tindig mo. Sige, tatanggapin kita,” pagdedesisyon nito. 

Napangiti nang malawak si Sharmaine. 

“Ako si Emma, ang may-ari nitong tindahan. Halika, doon tayo sa likod. Naroon ang mga iba kong modelo. May gaganapin kasi kaming maliit na fashion show mamayang gabi, imo-modelo niyo ang mga bagong damit. Kaya mo bang rumampa?” tanong ng babae. 

Nakangiting tumango siya. 

“Kakayanin po, Ma’am!” 

Iginiya siya nito papasok sa isang silid sa loob ng tindahan. Doon ay naabutan niya ang higit sa sampung naggagandahang babae. Pawang abala ang mga babae sa pagsusuot ng damit at paglalagay ng kolorete sa kani-kanilang mga mukha. 

“Girls, attention! Siya si Sharmaine, ang bago nating modelo. Kayo na ang bahala sa kaniya!” sigaw ni Emma.

“Yes, Mama Emma!” sabay-sabay na saad naman ng mga modelo. Pawang may magagandang ngiti sa labi ang bawat isa. 

Ngunit nang makaalis na si Emma ay taliwas sa inaasahan niya ang ugaling ipinakita ng mga kababaihan. 

Tila hangin lang siya kung daan-daanan ng mga ito. 

“Tabi ka nga riyan, ‘wag kang gumitna sa daan,” inis na angil pa ng isang babae nang aksidente niyang mabangga ito. 

Nanatili siyang nakatunganga, hindi niya malaman ang gagawin. 

“Girl, kumuha ka na ng damit mo rito, iyon ang imomodelo mo mamaya,” yaya ng isa sa mga kababaihan.Nang makalapit siya sa mga naka-hanger na damit ay agad na kumislap ang mata niya. Mayroon kasi roong isang pulang bestida na unang tingin pa lang ay gusto niya na. 

Dinampot niya ang pulangb bestida. Ngunit ilang segundo lang ang lumipas ay may umagaw noon sa kaniya. Ito rin ang babaeng nagtaray sa kaniya kanina. 

“Sorry, sa akin ‘to. Pumili ka na lang ng iba.” May tila nang-aasar na ngiti sa labi nito. 

“Pero ako ang nau–”

Bago pa niya matapos ang sasabihin ay nakatalikod na ito. 

Nang ibalik niya ang tingin sa sabitan ng damit ay napagtanto niya na iyon na ang huling damit na nakasabit. 

Sa totoo lang ay hindi niya gusto ang istilo noon. Maging ang kulay nito na dilaw ay hindi niya gusto. 

Halos panghinaan siya ng loob nang marinig ang komento ng iilan. 

“Naku, magmumukha siyang manang!” 

“Sigurado ako na ipapahiya niya lang tayo. Bakit ba kasi siya pa ang napili?” 

Ngunit hindi na pinansin ni Sharmaine ang komento ng bawat isa.

Nang sumapit ang gabi, ang oras kung saan ang gaganapin ang pagrampa nila kabang-kaba siya.

Kung ang iba kasi kasi ay maganda sa kani-kanilang suot sa sa mga mamahalin nilang kolorete sa mukha, siya naman ay napakasimple lang. 

“Grabe, parang pumangit ang damit sa kaniya,” narinig niya pang bulong ng isa sa mga kababaihan. 

Ngunit hindi siya nagpatinag. Isang malaking ngiti ang sumilay sa labi niya. 

Nang dumating na ang oras ng pagrampa ay pilit niyang inalis ang ang kaba. Sa huli ay kumpiyansa niyang nagawa iyon habang may maganda siyang ngiti sa labi.

Nang matapos siya sa pagrampa ay sinalubong siya ni Emma. May ngiti sa labi nito.

“Ang galing mo, Sharmaine! Parang kang bihasa na modelo!” nakangiting puri nito. 

Nahihiyang napangiti siya.

“Ikaw na ang gagawin kong modelo ng damit na ‘yan, ha! Dahil maganda kang magdala, pakiramdam ko ay bebenta ‘yan, kahit pa marami na ang nagsabi na hindi maganda ang damit na ‘yan,” naiiling na sabi nito. 

Sa huli ay tinupad nito ang pangako. Kinuha siya nito bilang isang modelo. Gaya ng inaasahan nito ay naubos nga ang damit na iminodelo niya. Simula noon ay nagsunod-sunod na ang mga proyekto ni Sharmaine sa pagmomodelo. 

Tuwang-tuwa naman si Emma sa bago nitong alaga. Kung tawagin siya nito ay “lucky charm.” 

Pero kung tutuusin ay ito ang lucky charm niya. Naniwala kasi ito sa kakayahan niya, at binigyan siya nito ng pagkakataon na mapatunayan niya ang kaniyang sarili!

More Stories