
Linggo-linggong Nagsisimba Ngunit Tila Hindi Natututo ang Ginang; Ang Bata Niya pang Anak ang Magtuturo sa Kaniya ng Isang Leksiyon
Marahas ang pagpaypay ni Melinda gamit ang mamahalin niyang abaniko. Inis na inis kasi siya. Nasa simbahan silang mag-ina, at sa likod nila ay may nakapwesto ring mag-anak.
Ang kaso ay may dala-dalang sanggol ang mga ito. Ang bata ay hindi pa tumigil sa pag-iyak simula noong umpisa pa lamang ng misa. Halos patapos na ay ganoon pa rin!
“Mahalin n’yo ang kapwa niyo gaya ng pagmamahal niyo sa inyong sarili…” wika ng pari.
“Lintik naman talaga! Sinama pa kasi ang bata. Hindi nag-iisip!” asar na bulong naman ni Melinda.
“Basta’t lagi niyong tatandaan, mapalad ang nagbibigay kaysa sa binibigyan,” pagtatapos ng pari sa sermon nito.
Nang matapos ang misa ay agad siyang bumaling sa pamilya sa likod.
“‘Wag na ho kayo magsama ng bata kung hindi niyo kayang patigilin sa pag-iyak. Nakakaabala sa iba na hindi na naintindihan ang sermon ng pari,” inis na payo niya sa mag-asawa. Tila napapahiyang tumango naman ang dalawa.
Napapitlag nang may humigit sa laylayan ng kaniyang damit. Nalingunan niya ang kaniyang pitong taong gulang na anak na si Danny.
“‘Ma, anong sabi mo sa kanila?” usisa nito.
Napangiti na lamang si Melinda sa tinuran ng anak. Kahit kailan talaga ay masyado itong matanong.
“Ay, wala anak. Sabi ko, ang cute nung bata,” pagdadahilan niya.
Tumango-tango naman nito, tila nakuntento sa isinagot niya.
Nang makalabas sila ng simbahan ay diretso nilang tinungo ang parking lot kung saan naroon ang kanilang sasakyan.
Agad na nag-init ang ulo ni Melinda nang makita ang mga batang naglalaro roon. Bago pa siya makapagpigil ay napasigaw na siya.
“Hoy! Magsialisan nga kayo riyan!”
Sa lakas ng boses niya, maging ang mga naglalakad ay napahinto. Doon lamang tila siya tila natauhan.
Mahinahong nilapitan niya ang mga bata.
“Umalis kayo riyan. ‘wag niyong hawakan ang sasakyan namin! Ipapa-pulis ko kayo!” mahina ngunit mariing sita niya sa mga bata.
Agad namang nagsipulasan ang mga bata, tila natakot sa sinabi niya.
“Tara na, tara na! Yari tayo sa ale!” narinig niya bang hintakot na bulong ng isa sa mga bata.
Sa isang mamahaling kainan sila sunod na dumiretso. Pinili niya talaga iyon dahil paborito ni Danny ang mga pagkain doon.
“Ano’ng gusto mong kainin, anak?” aniya.
Ilang minuto ang lumipas bago ito tuluyang nakapagdesisyon. Nalula pa siya dahil sa sangkatutak na pagkaing in-order nito.
“Mauubos mo ba lahat ‘yan?” natatawang usisa niya sa anak.
“Ipabalot na lang natin, Mama,” katwiran naman nito.
Napailing na lamang si Melinda.
Ilang sandali pa ang lumipas at abala na ang mag-ina sa pagkain ng kanilang tanghalian.
Gaya ng inaasahan, hindi na naubos ni Danny ang mga pagkain na in-order nito, Nadismaya man siya dahil may kamahalan ang binayaran niya, hindi naman niya mapagalitan ang nag-iisang anak.
Ngunit nang makalabas na sila ng restawran, ang sunod na ginawa nito ay labis na nagpagalit sa kaniya.
Tumakbo ito papalapit sa isang grupo ng mga kabataang pulubi at walang sabi-sabi nitong iniabot sa mga ito ang mga tira nilang pagkain.
“Danny!” nanlalaki ang matang bulalas niya nang makabalik ang anak.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay mapapagalitan niya ito.
“Bakit mo ibinigay sa kanila ang pagkain?!” inis na usisa niya sa anak.
Namilog ang mata nito.
“Kasi po, gutom sila. Kagaya ko kanina, Mama, gutom ako,” katwiran nito.
“Saka tuwang-tuwa nga po sila nung nakuha nila ‘yung pagkain. Ayun sila, Mama, tingnan mo,” anito bago itinuro ang grupo ng kabataan na masayang pinagsasaluhan ang pagkain na ibinigay ni Danny.
“Hindi mo pa rin dapat ibinigay sa kanila ang pagkain, anak. Ang mahal-mahal nung pagkain. Nasayang lang dahil ipinamigay mo,” hindi pa rin makapaniwalang sermon niya sa anak.
Kumunot ang noo ng bata.
“Bakit naman po masasayang, Mama? Hindi po ba’t anak din sila ng Diyos? Tayo lang po ang pwedeng kumain nang masarap? Paano po sila? Hindi po ba’t kung ano ang kinakain natin, dapat ibahagi natin sa kanila?” tila gulong-gulong tanong nito.
Natameme si Melinda. Hindi niya malaman ang isasagot sa anak.
Bago pa siyang makapagsalita ay may sinabi pa ito.
“Hindi po ba’t sinabi ni Father kanina na mas maswerte tayong mga nagbibigay, kaysa sa mga binibigyan?” sabi pa ni Danny.
Noon tuluyang natauhan si Melinda. Linggo-linggo kung bitbitin niya ang anak sa simbahan, ngunit hindi man lang siya naging mabuting ehemplo rito.
Ito pa ang nagpaalala sa kaniya ng salita ng Diyos!
Napangiti nang matamis si Melinda.
“Tama, tama ka, anak. Mabuti at pinapakinggan mo ang mga sinasabi sa simbahan, at susundin mo ‘yun sa tunay na buhay,” natutuwang pahayag ni Melinda. Sa puso niya ay naroon ang tuwa na lumaking mabuting bata ang kaniyang anak.
Isang magandang paalala kasi iyon kay Melinda—na ang salita ng Diyos ay hindi lamang pinapakinggan, bagkus ay isinasapuso at isinasagawa.