
Muling Nakahanap ng Kaligayahan ang Matandang Biyudo sa Piling ng Isang Dalaga; Totoo nga kaya ang Pagmamahal Nito sa Kaniya?
“Papa, ano ‘tong imbitasyon na pinadala mo sa amin? Anong ikakasal ka uli?” bungad ni Amanda pag-uwi sa mansyon nila sa probinsiya.
“At ano ‘tong nabalitaan namin na halos ka-edaran lang daw namin ang pakakasalan mo?” usisa naman ng bunsong anak na si Abigail sa ama.
“Ano ba naman Papa, kung kailan naman tumanda ka na. Kakalimutan mo na lang ba si Mama?” reklamo ni Amanda.
“Mga anak, wala naman na ang Mama niyo. Alam kung ikatutuwa niya na mayroon na uling nagmamahal sa akin, na mayroon na uli akong makakasama sa buhay” saad ng ama.
Naputol ang kanilang usapan nang may dalagang biglang lumabas ng kuwarto at nagsalita, “Naku naman, Mahal! Hindi mo naman sinabi na may mga bisita tayo ngayong umaga. Hindi man lang ako nakapaghanda.”
Nang makita nina Amanda at Abigail ang bihis ng dalaga ay agad na nilang hinusgahan ang pagkatao ng dalaga sa kanilang isipan. Bago pa sila makapagsalita ay agad nang ipinakilala ng kanilang ama ang kasintahan nitong si Bianca at hinayaan itong bumalik muna sa kuwarto upang makapag-ayos ng sarili.
“What?! Ba’t gan’yan ang suot niya?” gulat na pagtatanong ni Abigail.
“Papa?! Nag sasama na kayo dito sa mansyon?” tanong ni Amanda na nagpipigil ng boses.
“Ikakasal na rin naman kami sa susunod na linggo eh. At saka marami pa kasi kaming kailangang pagtulungan na asikasuhin para sa kasal,” depensa ng kanilang ama.
Hindi ito nagustuhan ng magkapatid. Agad nilang tinutulan ang muling pagpapakasal ng kanilang ama. Iginiit nila na hindi talaga siya mahal ni Bianca at pera lang ang habol nito sa kaniya.
“Hindi totoo ‘yan. Mahal ako ni Bianca kahit na malayo ang agwat ng edad namin sa isa’t-isa,” kontra ng kanilang ama.
“Hindi na nakakagulat kung ‘yan ang sinabi niya sa inyo dahil kayo si Don Ignacio! Ang pinakamayaman sa buong lugar natin!” bulyaw ni Amanda.
Kahit anong pangungumbinsi ng magkapatid sa ama ay hindi sila pinakinggan nito. Pilit nitong pinagtanggol ang kasintahan kaya naman walang nagawa ang dalawa kundi manahimik na lang muna at hanapan ng kamalian si Bianca.
Isang araw sa kanilang pagmamasid kay Bianca ay nakita nilang humihingi ito ng pera sa kanilang ama bago umalis ng mansyon. Sinundan nila ito hanggang sa kabilang bayan. Doon nila nakita na may kasama itong lalaki. Sila ay namili ng mga kung anu-anong mga gamit bago kumain sa isang restawran.
Pagkauwi ng magkapatid sa mansyon ay agad nilang ibinunyag ang kanilang natuklasan ngunit pinabulaanan ito mismo ng kanilang ama, “Nagkakamali kayo. Kumuha ako ng drayber at bodyguard ni Bianca. Si Julius ang kasama niya kanina.”
“Eh bakit pati sa restawran?” tanong ni Abigail kay Bianca.
“Nahihiya kasi ako na ako lang ang kakain habang siya ay naghihintay lang sa sasakyan. Ang dami ko pa namang pinabuhat sa kaniya. Malamang pagod at gutom na rin siya kaya pinasabay ko na siya sa’kin. Ayaw ko kasing isipin ng mga tao na pabaya kami sa mga tauhan ng Papa niyo,” paliwanag ni Bianca.
Nang dahil dito at dahil sa pagtatanggol ng kanilang ama ay walang nagawa ang magkapatid. Muli na lamang silang naghanap ng mga kapintasan ni Bianca at ipinamumukha ito sa kanilang ama.
Sa paulit-ulit nilang pagpupumilit na kumbinsihin ang ama na hindi karapat-dapat si Bianca at dahil sa nabulag na rin ang ama sa pagmamahal sa dalaga ay nagkasagutan silang mag-aama. Umabot ito sa matinding pagtatalo hanggang sa paalisin sila nito sa mansyon.
Sumama ang loob ng magkapatid sa kanilang ama. Hindi nila akalain na magkakasira sila ng dahil lang sa babae.
Ngunit kahit na ganoon ay hindi nila pinabayaan ang kanilang ama. Nanatili sila sa kanilang probinsiya at inobserbahan si Bianca.
Doon nila masasaksihan na mayroon talagang relasyon si Bianca at ang drayber nitong si Julius. Sa pagkakataong ito ay sinigurado na nilang makakuha ng mga ebidensiya. Sinundan nila ang dalawa upang kuhaan ito ng mga litrato at mga bidyo.
Isang gabi bago ang araw ng kasal ay nakakalap na ng sapat ng mga ebidensiya ang magkapatid kaya naman agad nilang pinuntahan ang kanilang ama sa mansyon. Ipinakita nila itong lahat sa kanilang ama. Hindi siya makapaniwala sa kaniyang mga nakita.
Upang malinawan ay ‘di napigilan ni Don Ignacio na puntahan si Bianca sa silid nito upang komprontahin. Laking gulat niya nang masaksahin ng sarili niyang mga mata ang pagtataksil nina Bianca at Julius.
“Ang kakapal niyo! Sa sariling pamamahay ko pa talaga! Lumayas kayong dalawa!” bulyaw ni Don Ignacio.
Pagkapaalis sa dalawa ay agad na humingi ng kapatawaran si Don Ignacio sa kaniyang mga anak dahil sa mga nagawa niya sa kanila nang dahil lang sa isang babae. Hindi siya umano dapat nagpadala sa kaniyang damdamin at ‘di niya dapat na hinayaang magkasira sila nang dahil dito.
Agad ring humingi ng kapatawaran ang magkapatid sa kanilang ama. Inamin nilang napabayaan nila ito nang matagal na panahon noong naging abala sila sa kanilang mga buhay sa Maynila kaya marahil noong nakahanap ito ng taong nagpapahalaga sa kaniya ay agad na nahulog ang loob nito rito.
Mula noon ay naglalaan na ng oras ang magkapatid para sa kanilang ama kahit na gaano pa sila kaabala sa kanilang mga buhay. Buwan-buwan nila itong dinadalaw upang iparamdam sa kanilang ama na hindi ito nag-iisa at upang ipamalas ang pagmamahal nila para sa kaniya.