Inday TrendingInday Trending
Itinago ng Lalaki sa Kaniyang Asawa na Binibigyan Niya ng Pera ang Kaniyang Ina; Magugulat Siya Kapag Nalaman Nito ang Lihim Niya

Itinago ng Lalaki sa Kaniyang Asawa na Binibigyan Niya ng Pera ang Kaniyang Ina; Magugulat Siya Kapag Nalaman Nito ang Lihim Niya

“Nanay, maligayang kaarawan ho. Tanggapin n’yo ho ito, oh,” mahinang ani Kokoy sa ina habang iniaabot niya sa kamay nito ang dalawang libong pisong kinita niya sa kaniyang sideline. Palinga-linga siya sa paligid, dahil sa takot na baka abutan siya ng kaniyang misis. Ayaw niya namang pag-awayan pa nila ang pagbibigay niya ng pera sa kaniyang ina, ’tulad ng nangyari sa kanila ng kaniyang unang nobya. Isa pa, mas malaki kasi ang kinikita ni Denise kaysa sa kaniya kaya natatakot siyang masilip pa nito ang perang ibibigay niya sa ina. Ganitong-ganito kasi ang naunang naging karelasyon ni Kokoy noon kaya naman tila mayroon na siyang trauma.

“Naku, anak, itago mo na ito. Ayaw kong maging dahilan pa ng away n’yong mag-asawa ito. Ayos lang naman ako, anak, e,” sabi naman sa kaniya ng ina na pilit ibinabalik sa kaniya ang perang ibinigay niya rito kanina.“Huwag na kayong mag-alala, mama. Hindi naman alam ni Denise ang tungkol dito, e. Pinaghirapan ko talaga ito para sa inyo,” pamimilit naman ni Kokoy sa ina.

Hindi niya kasi talaga kayang basta na lang ito pabayaan ’tulad ng ginawa ng ibang kapatid niya rito, kaya naman kahit na nag-asawa’t nagpakasal na siya noon lamang isang buwan ay pinili niyang isama pa rin ang ina sa kanilang pagsasama.

“Ano’ng ibig sabihin nito?”

Gulat na napalingon sina Kokoy at ang kaniyang ina sa pintuan ng kanilang salas nang makita niya ang kaniyang asawang si Denise na nakadungaw sa kanilang pintuan habang nakakunot ang noo. Mukhang narinig kasi nito ang huling sinabi ni Kokoy kaya naman halos mamutla siya.

“M-mahal kasi—” Gusto niya sanang magpaliwanag sa nobya ngunit hindi siya makaapuhap ng sasabihin dahil baka magkamali siya ng salita.

“Para saan ang perang ibinigay mo kay nanay?” tanong pa rin ni Denise sa kaniya.

“B-birthday kasi ni nanay, e. H-huwag kang mag-alala, mahal. Sa sideline naman ako kumuha ng pambigay ko sa kaniya,” kakamot-kamot pa sa ulong sagot naman ni Kokoy sa asawa. Halatang kinakabahan siya at hindi makatingin kay Denise.

“N-naku, mga anak huwag n’yo nang pag-awayan pa ’yan. Hindi ko naman tatanggapin itong pera. Alam kong kailangan n’yo rin ito dahil nagsisimula pa lang kayong bumuo ng pamilya at kailangan ninyong mag-ipon,” singit naman ng ina ni Kokoy na hindi naman pinagtuunan ni Denise ng pansin.

“Magkano ang ibinigay mo kay nanay, Kokoy?” baling pa rin nito sa kaniyang mister.

“D-dalawang libo,” sagot naman niya.

Pumalatak si Denise bago siya muling nagsalita. “Birthday ni nanay ’tapos binigyan mo siya ng dalawang libo?!” tila nadidismayang sabi niya pa sa asawa bago umupo sa tabi ng biyenan. May kinuha muna siya sa kaniyang pitaka bago iyon iniabot sa ina ni Kokoy. “Nanay, idagdag n’yo na ho ito r’yan. Mayroon ho akong inilagay na sampung libo sa ATM na ’to na nakapangalan din sa inyo. Noong isang buwan ko pa po ito inaasikaso kasi balak kong lagyan ito sa tuwing sasahod kaming mag-asawa. Nang sa ganoon po ay mayroon kayong panggastos sa sarili n’yo,” sabi pa ni Denise na ikinagulat ng dalawa.

“H-hindi ka galit, mahal? A-akala ko—”

“Hindi ako ang ex mo, Kokoy. Hindi rin ako katulad niya. Bakit naman ako magagalit na minamahal mo ang ’yong ina, kung ganoon din naman ang gusto kong gawin sa akin ng magiging mga anak natin sa hinaharap?” paliwanag pa ni Denise na lalong hinangaan ni Kokoy sa asawa.

“Napakasuwerte ko talaga sa ’yo,” sabi pa ng lalaki na nakakahinga na nang maluwag.

“S-salamat sa pagmamahal na ipinakikita n’yo sa akin, mga anak, lalong-lalo ka na, Denise. Hindi ko akalaing matapos ang huling relasyon ni Kokoy ay makakahanap pa siya ng babaeng katulad mo. Maganda, matalino, edukada at mapagmahal. Napakabuti mo, anak. Suwerte kami sa ’yo,” naluluhang sabi naman ng ina ni Kokoy.

Niyapos ito ni Denise. “Nanay, huwag na po tayong mag-iyakan ngayon. Birthday na birthday n’yo, e. Ang mabuti pa, magbihis na po kayo ngayon dahil nagpa-reserve ako ng mesa para sa ating tatlo sa isang masarap na kainang alam kong magugustuhan n’yo!” sabik pang anunsyo ng babae sa kaniyang mga kasama na ikinatuwa naman ng dalawa. “Tutulungan ko na ho kayong mamili ng isusuot, ’Nay. Halina ho kayo sa kwarto!”

Napangiti na lang si Kokoy habang pinagmamasdang pumasok sa kwarto ang dalawang pinakamamahal niyang babae sa mundo. “Nasa tamang tao na talaga ako,” sambit pa ni Kokoy bago umusal ng pasasalamat sa Diyos para sa pagbibigay Nito sa kaniya ng asawang katulad ni Denise.

Advertisement