Tiga-gayat lamang ng Sibuyas sa Hotel ang Binatang Ito, Siya’y Nagningning nang Mabigyan ng Pagkakataong Magluto

Tiga-gayat lamang ng Sibuyas sa Hotel ang Binatang Ito, Siya’y Nagningning nang Mabigyan ng Pagkakataong Magluto

InspiringStoriesSuccess

“O, anak, puro tama ka na naman ng kutsilyo sa kamay, ha? Tiga-gayat ka pa rin ba ng sibuyas sa hotel na pinagtatrababuhan mo?” wika ni Milen sa kaniyang anak, isang gabi nang makita niya itong naglalagay ng band aid sa puro sugat na kamay. 

“Ah, eh, opo, mama. May pagkakataon po kasing nawawalan ako ng kontrol sa kamay ko dahil sa dami ng ginagayat kong sibuyas,” tugon ni Bryan sa ina, saka agad na tinago sa kaniyang bulsa ang mga kamay upang huwag nang pansinin ng ina. 

“Palagi ka na lang nasasaktan d’yan sa trabaho mo, anak. Malaki nga ang sweldo mo kumpara sa mga regular na empleyado, pero nagkakaganyan ka naman. Parang sinayang mo lang ang apat na taong pinag-aralan mo sa kolehiyo!” inis na sambit nito saka naupo sa tabi niya. 

“Wala akong sinasayang, mama. Nasa kusina pa rin naman ako, eh, at tinuturing din akong kusinero roon. Kaya nga lang, taga-gayat lang ako,” kamot-ulo niyang sagot habang patawa-tawa pa na labis na ikinasimangot ng ina. 

“Umalis ka na sa restawrang ‘yan at maghanap ng mas magandang trabaho, anak. Naaawa lang ako sa’yo. Pag-isipan mo ‘yan maigi,” payo nito saka agad na siyang iniwan sa kanilang sala, napaisip na lang siya habang pinagmamasdan ang kamay niyang puro sugat. 

Nakapagtapos ng kolehiyo sa kursong culinary arts ang binatang si Bryan. Kapos man sila sa buhay noon, talagang ginapang niya ang pag-aaral niyang ito dahil alam niyang dito siya sasaya at magtatagumpay sa buhay. 

May pagkakataon mang wala siyang baon o kahit pangpamasahe pagpasok ng paaralan, tiniis niya ang lahat at palaging gumagawa ng paraan upang may maipang-ambag sa tuwing sila ay may kailangang lutuin sa paaralan. 

Kaya naman nang siya’y tuluyan nang makapagtapos, ganoon na lang ang sayang nag-umapaw sa puso niya. Bukod kasi sa naabot na niya ang pangarap niyang makapagtapos, mayroon pa siyang nakuhang mataas na parangal na talaga nga namang nagbigay pag-asa sa kaniyang mga magulang. 

Dahil sa talino at galing niya sa pagluluto, nang minsan niyang tangkaing mag-apply sa isang sikat na hotel sa Maynila bilang isang kusinero, agad siyang natanggap dito na talaga nga namang ikinatuwa ng kaniyang mga magulang. 

Ngunit, pagdating niya sa restawrang pagtatrabahuhan niya sa loob ng naturang hotel, siya’y ginawang taga-gayat ng mga matatas na kusinero roon. Katwiran ng mga ito, “Dahil baguhan ka pa lang, hindi ka pa pwedeng magluto,” na labis niyang ikinadismaya. 

Pero dahil nga kailangan niya ng pera pangtustos sa kaniyang pamilya, tiniis niya ang pagiging taga-gayat sa hotel na ito. Ilang beses man siyang payuhan ng ina na siya’y umalis na roon dahil naaawa na ito sa kaniya, naniniwala pa rin siyang isang araw, maipapakita niya rin ang galing niya sa pagluluto. 

Kinabukasan, maaga siyang pumasok sa trabaho upang maipagpatuloy ang ginagayat niyang sandamakmak na sibuyas. 

Kaya lang, pagkapasok niya sa kusina ng restawrang kaniyang pinagtatrababuhan, nagulat siyang wala ni isang kusinero ang naroon. 

Silang mga taga-gayat pa lang ang naroon kahit na tatlongpung minuto na lang ang natitirang minuto bago ang pagbubukas ng kanilang restawran. 

“Balita ko, lahat ng kusinero, nasa ospital ngayon. Sumakit lahat ang tiyan nila dahil sa kinain nilang tahong kagabi,” bulong ng isang taga-gayat sa kaniya nang mapansin siyang lilinga-linga. 

Ngunit bago pa siya makasagot, bigla namang pumasok ang may-ari ng naturang restawran at nanghihingi sa kanila ng almusal. 

“Naku, sir, wala po tayong kusinero ngayon,” sagot niya. 

“Hindi ba’t kusinero ka? Ipagpaluto mo ako,” utos nito na ikinalaki ng mata niya, “Ano pang hinihintay mo? Ikaw na lang ang maasahan ko ngayong araw,” dagdag pa nito dahilan para siya’y matarantang magluto katuwang ang ilang taga-gayat. 

Nagluto siya ng isa sa mga espesyal niyang putaheng natutunan sa paaralan. Nang ito’y maluto na, agad niya itong binigay sa kanilang boss at halos maubos nito nang wala pang dalawang minuto ang inihain niya. 

“Diyos ko, Bryan, bakit ngayon ka lang nagluto sa kusinang ito? Napakasarap! Anong pangalan ng putaheng ito? Gusto ko itong isali sa mga pagkaing hinahanda natin dito sa restawran!” hindi makapaniwalang sambit nito habang patuloy na ninanamnam ang niluto niya na labis niyang ikinasaya. 

Katulad nga ng sabi ng kanilang boss, binili nito ang kaniyang putahe at ito’y dinagdag sa binebenta nilang pagkain. Bukod pa roon, ginawa na rin siya nitong isang ganap na kusinero na ganoon niya na lamang ikinaiyak. 

“Pangako, hindi po kayo magsisisi sa akin!” tuwang-tuwa niyang sambit sa kanilang boss saka agad nang sinumulan ang pagluluto. 

Masaya niya itong binalita sa kaniyang ina na talaga nga namang naiyak sa tagumpay na naabot niya. 

“Ngayon, mama, magsisimula na talaga ang pag-abot ko sa aking pangarap!” sambit niya rito saka siya nito agad na niyakap. 

Simula noon, araw-araw na siyang nakapaghahanda nang masasarap na putaheng talaga nga namang lalong nagbigay buhay sa kanilang restawran. Kasabay nito, ang unti-unting pag-alwan ng buhay ng kaniyang pamilya na siyang naging tagumpay niya. 

More Stories