Kumuha ng Hulugang Motor ang Binatang Ito, Naiyak Siya nang Mawalan ng Trabaho

Kumuha ng Hulugang Motor ang Binatang Ito, Naiyak Siya nang Mawalan ng Trabaho

HeartbreakingInspiringStories

“Aba, mukhang maganda ang trabaho ngayon ng pinsan ko, ha? Kailan ka pa nagkaroon nang ganito kagandang motorsiklo?” bati ni Elmer sa kaniyang pinsan habang hinihimas-himas ang bago nitong motorsiklo. 

“Kahapon lang, insan, kakakuha ko lang niyan, eh,” nahihiyang sagot ni June saka pinatunog ang naturang motor upang ibida sa naturang pinsan. 

“Kaya pala bagong-bago! Magkano mo ito nakuha?” pang-uusisa pa nito. 

“Medyo malaki, eh, hulugan kasi ‘yan,” tugon niya saka agad nang pinatigil ang makina nito. 

“Naku, mahirap kapag hulugan! Dapat nag-ipon ka muna bago ka kumuha ng ganitong motorsiklo!” payo nito habang tumatawa-tawa na labis niyang ikinapikon. 

“Eh, bakit ba? Gusto ko, eh. Palagi na lang kasi akong hindi makasama sa mga gala ng tropa ko kapag nagmomotor sila. May trabaho naman ako, eh, kayang-kaya ko ‘yan!” sigaw niya rito habang nanlilisik ang mata. 

“Sinasabi ko lang naman, pinsan. Nag-aalala lang naman ako sa’yo. Hindi mo ako kailangang sigawan,” mahinahong tugon nito. 

“Ang sabihin mo, nainggit ka lang dahil kahit may trabaho ka, hindi ka makabili ng motorsiklo!” bulyaw niya pa rito na ikinatawa nito.  

“Tatawanan na lang kita kapag nawalan ka ng trabaho. Puro ka luho, ni hindi ka nga makabili ng gamot ng nanay mo!” sigaw rin nito sa kaniya saka siya tuluyang iniwan doon habang nakangisi. 

Wala nang ibang nasa isip ang binatang si June kung hindi ang pinapangarap niyang motorsiklo. Sa katunayan, ito ang tangi niyang dahilan kung bakit siya naghanap ng trabaho at tumigil sa pag-aaral. 

Bukod kasi sa kagustuhan niyang magkaroon ng motorsiklo, ayaw niya na rin kasing palagi siyang napag-iiwanan ng mga tropa niyang may kaniya-kaniyang motorsiklo. Inggit na inggit siya sa tuwing gagala ang mga ito papuntang Tagaytay o Batangas habang siya, nakaabang lamang sa pagbalik ng mga ito at makikinig sa mga kwento. 

Kaya naman, nang masahod na siya sa trabahong pinasukan, agad niya itong binayad bilang downpayment sa pinakamalapit na tindahan ng mga motorsiklo sa kanilang lugar. Kulang pa nga ang sinahod niya pang bayad sa downpayment kaya nagawa niya pang mangutang sa kaniyang mga kaibigan. 

At wala nang mas sasaya pa sa kaniya nang tuluyan niyang magamit sa kalsada ang pinapangarap niyang motorsiklo. Wika niya pa, “Sa wakas, makakasama na rin ako sa kanila!” 

Kaya lang, nang siya’y payuhan ng kaniyang pinsan, labis siyang napikon dahil pakiwari niya, para rito, isang kalokohan ang ginagawa niya. 

Totoo naman kasing luho ang inuna niya kaysa sa kaniyang pamilya. Mayroon nga siyang motorsiklo, pero wala naman siyang maibigay na pera sa kaniyang mga magulang na pawang mga nangangalakal sa kalsada. 

Kahit na alam niyang tila tagilid ang desisyon niyang kumuha ng motorsiklo dahil sa sitwasyon ng kaniyang pamilya, tinuloy niya pa rin ito para lang huwag na muling mapag-iwanan ng mga tropa. 

Nang araw na ‘yon, matapos siyang iwanan ng pinsan, agad na siyang pumasok sa kanilang bahay upang maghanda sa pagpasok sa trabaho.

Naiinis man siya, pinilit niyang pigilan ito upang huwag lang masira ang buong araw niya. Mayamaya pa, agad na rin siyang umalis sa kanilang bahay at binida na sa kalsada ang pinapangarap niyang motorsiklo. 

Wala pang tatlongpung minuto, agad na siyang dumating sa pinagtatrababuhang kumpanya. Kaya lang, labis siyang nagtaka sa napakalaking usok na nakita niya sa ikatlong palapag ng gusaling ito.

Agad niya itong pinagbigay alam sa mga sekyung naroon at doon nila nakumpirmang may nasusunog na isang silid sa naturang gusali. 

Wala na siyang sinayang na minuto at agad na rin niya itong pinagbigay alam sa iba niyang katrabahong nasa loob ng naturang gusali. Tumawag na rin siya ng bumbero ngunit bago pa man ito dumating, umabot na sa ikatlong alarma ang sunog dahil sa mga materyales na ginagamit nila sa paggawa ng mga tsinelas.

“Diyos ko, hindi pupwede ito! Mawawalan ako ng trabaho! Nasaan na ba ang mga bumbero?!” inis niyang sigaw. 

Mayamaya pa, dumating na nga ang mga bumbero. Ngunit sa laki ng apoy na mayroon, hindi ito nakayanan ng mga bumberong rumisponde at nagtawag pa ng tulong mula sa mga karatig na lalawigan.

Halos dalawang oras pa ang lumipas bago tuluyang naapula ang apoy. Tanging ang mga bakal lamang ng gusaling iyon ang natira at nagkalat ang mga empleyadong katulad niya sa harap nito na pawang mga nag-iiyak dahil tiyak na ang pagkawala ng trabaho nila. 

Katulad ng inaasahan nila, nagbunga nga ito nang pagkawala ng kanilang trabaho ngunit dahil nga nais niyang makuha nang tuluyan ang motorsiklo niya, agad siyang naghanap ng trabaho. 

Ngunit sa dami ng nag-aapply, ilang kumpanya na ang sinubukan niya, wala pa ring tumatanggap sa kaniya hanggang sa umabot na nang tatlong buwan, wala pa rin siyang mahanap na trabaho. 

Dito na tuluyang hinatak ang motorsiklo niya na labis na nagbigay ng kalungkutan sa kaniya. 

“Wala na nga akong motor, puro utang pa ako!” inis niyang sambit habang umiiyak, “Sana pala talaga, nag-ipon muna ako kasabay nang pagtustos ko sa pamilya ko,” dagdag niya pa. 

At dahil nga wala siyang mahanap na trabaho, tumulong na lang siya sa pangangalakal ng mga magulang niya. Pumasok din siyang kargador sa palengke at laking tuwa niya nang unti-unti siyang makabayad sa mga pagkakautang dahil dito. Nagawa niya pang bilhan ng gamot ang kaniyang ina na talaga nga namang nagbigay nang taos pusong saya sa kaniya. 

More Stories