Kinukunsinti ng Ginang na Ito ang Anak na Malikot ang Kamay, Hindi Niya Inakala ang Kaya Nitong Gawin sa Kaniya

“Kitang-kita po sa CCTV, ma’am, na nagsilid ng isang produkto mula sa tindahan namin ‘yang anak niyo! Bakit ba hindi niyo na lang amining malikot ang kamay ng anak niyo?” inis na sigaw ng may-ari ng isang tindahan sa mall, isang gabi nang sila’y magkahanap ni Gina sa barangay.

“Hindi nga po iyon magagawa ng anak ko. Bakit naman siya kukuha ng isang pantasa? Magkano lang ba ‘yon? Saka, anong gagawin ng anak ko roon?” tanong ni Gina rito.

“Aba, malay ko, ma’am! Pero kitang-kita niyo rin naman ang ginawa ng anak niyo, hindi ba? Bakit hindi niyo ‘yan ipakulong nang matuto? Matanda na ‘yan, tiyak hindi lang pantasa ang nanakawin niyan sa susunod!” bulyaw pa nang galit na galit na tinderang ito na ganoon niya na lang din ikinagalit.

“Hoy, ayusin mo ang panghuhusga sa anak ko, ha? Baka gusto mong ikaw ang bigyan ko ng leksyon diyan!” bulyaw niya rito saka niya ito dinuduro-duro dahilan para siya’y awatin ng mga opisyal na naroon.

“Kayo na nga ang may sala, kayo pa ang matapang! Bayaran niyo na lang ang nawalang benta sa aming tindahan dahil sa pagsasara namin buong araw dahil sa pagnanakaw ng anak mo!” sambit nito na kaniyang labis na ikinatahimik.

Palaging pinagtatakpan ng ginang na si Gina ang anak niyang malikot ang kamay. Bata pa lamang ito nang mapansin niyang palagi itong may uwi-uwing bagong laruan, tsinelas, o kung hindi nama’y gamit sa paaralan na talaga nga namang hindi niya mawari kung saan galing.

Sa tuwing tinatanong niya ito, palagi nitong sagot, “Napulot ko lang po ito, mama,” ngunit kapag lumipas na ang ilang araw, may mga ginang nang pupunta sa kanilang bahay upang hanapin ang kaniyang anak at tanungin ang mga bagay na nawawala.

At dahil nga ayaw niyang mapahiya at husgahan ng mga ito ang kaniyang anak, iyon ang naging simula ng pagtatakip niya sa gawain nito. Palagi niyang tanggi, “Binili ko ‘yan sa anak ko, sa kaniya ‘yan, hindi sa anak mo, baka nagparehas lang sila,” na talaga nga namang ikinatutuwa ng kaniyang anak. 

Advertisement

Pagsabihan man niya itong, “Masama ang pagkuha ng gamit ng iba, anak, kung gusto mo ng isang bagay, kailangan mong paghirapan,” pero palagi lang itong sumasang-ayon at muli na namang iiral ang kalikutan ng kamay nito.

Kaya naman ngayong nasa legal na edad na ito, doble na ang takot niya sa maaaring gawin nito. Maayos man niya itong nakakausap, pero hindi pa rin siya makampante sa pupwedeng gawin nito.

Ito ang dahilan para halos makipag-away na siya sa may-ari ng isang tindahan sa mall nang mahuling nagpuslit ng gamit ang kaniyang anak. Ngunit dahil nga may puweba ito, wala siyang nagawa kung hindi ang makipag-areglo huwag lang makulong ang kaniyang anak.

Agad siyang umuwi sa bahay pagkatapos ng usapan nilang iyon ng tindera sa barangay upang kumuha ng pera. Naabutan niyang tahimik na nanunuod ng telebisyon ang anak niya dahilan para agad siyang dumiretso sa kaniyang silid upang kuhanin ang ipon niyang pera.

Ngunit pagkapasok na pagkapasok niya pa lang dito, tumambad na sa kaniya ang gulo-gulo niyang mga gamit. Agad na siyang kinutuban dahilan para magmadali siyang tignan ang lalagyan niya ng pera, at katulad ng inaasahan niya, lalagyan na lang ang naroon at wala na ang kaniyang pera.

Doon na siya labis na nagalit sa anak. Mahigit kumulang tatlongpung libong piso ‘yon na inipon niya pa simula nang nakaraang taon.

“Jonas! Nasaan ang pera ko?” sigaw niya rito.

“Pinagbili ko ng alak at masamang gamot, gusto mo ba? Mayroon pa ako riyan sa kwarto ko, kuhanin mo na lang,” mahinahong sambit nito na lalong nagpainit ng ulo niya.

Advertisement

Wala siyang ibang magawa kung hindi ang magwala at pagsalitaan ito pero tahimik lang itong nakatingin sa kaniya habang nainom ng alak.

Doon na niya napagtantong hindi na tama ang pag-uugaling mayroon ang kaniyang anak na pati sariling gamit at pagkatao niya, tila delikado na.

Agad siyang tumawag ng pulis nang gabing iyon kahit na labag sa loob niyang ipakulong ang anak. Kitang-kita niya sa mata nito ang galit na ikinaiyak niya na lamang.

“Para sa’yo rin ito, anak, pasensya ka na, hindi na kita kayang pagtakpan,” wika niya rito ngunit imbis na siya’y intindihin, tinawanan lang siya nito.

Mahirap man para sa kaniya na hindi makasama ang anak, tiniis niya ito at itinuon ang atensyon sa pagtatrabaho upang makabayad sa pagkakautang sa tindahang pinerwisyo nito.

Sa ganoong paraan, hindi niya namamalayang lumilipas ang araw hanggang sa tuluyan na siyang makabayad.

Malayo pa man ang araw kung kailan niya tuluyang makakasama ang anak dahil nga nailipat ito sa isang rehabilitation center, umaasa siyang paglabas nito, maayos na ang pag-iisip nito.