Walang Amor ang Mag-Asawa sa May Kapansanan Nilang Apo kaya Iniligaw Nila Ito; Wala Silang Kaalam-Alam na Makakabalik pa rin Ito sa Kanila

Matagal nang namayapa ang anak ng mag-asawang Mario at Cita na si Celeste dahil nagkaroon ito ng kumplikasyon sa panganganak sa kanilang unang apo ngunit imbes na masiyahan dahil iniwanan sila nito ng apo, inis ang nararamdaman nila dahil isinilang na may kapansanan ang bata. Wala itong mga braso at mga kamay kaya wala silang kaamor-amor sa bata. Isa pa kung bakit mabigat ang dugo nila sa apo ay dahil anak ito sa pagkadalaga ng kanilang yumaong anak.

”Kailangan nating idispatsa ang batang ‘yan. Habang lumalaki ‘yan ay mas lalo lang na magiging pabigat at perhuwisyo sa atin ‘yan!” wika ni Cita sa asawa.

“May naiisip ka na bang paraan? Basta huwag lang masasaktan o mapapahamak ang bata. Kahit paano ay apo pa rin natin siya, Cita at hindi tayo krim*nal para gawan ng masama ang walang kalaban-labang bata,” balik na sabi ni Mario.

“Hindi naman natin siya sasaktan, e. Ang plano ko ay iligaw ang anak sa pagkakasala ni Celeste sa malayong lugar kung saan hindi na siya mahahanap pa. Para hindi na siya makabalik dito sa atin.”

Agad na nag-usap ang mag-asawa kung paano ang gagawing pagligaw sa sarili nilang apo. Kahit noon pa ay hindi na nila ito tanggap bilang kadugo. Para sa kanila, nararapat lang sa bata ang magkaroon ng kapansanan dahil anak ito ng walang kwentang lalaking nakabuntis sa kanilang anak na sana ay natuloy na makapagtranaho sa abroad kung hindi lang sana ito naging tanga sa pag-ibig.

Kinaumagahan ay maagang nagising ang mag-asawa para isakatuparan ang kanilang plano.

“Maymay, apo. Magbihis ka at aalis tayo!” sabi ng matandang lalaki.

“S-saan po tayo pupunta, lolo?” takang tanong ng bata.

Advertisement

“Mamamasyal tayo ng lolo mo, sa malayo,” sabad naman ni Cita.

“Talaga po? Sige po at magbibihis na po ako!”

Kahit walang mga braso at kamay ay kayang magbihis na mag-isa ang bata gamit ang mga binti at paa nito.

Inihanda nila ang kotse at makalipas ang ilang oras ay umalis na sila sa bahay.

Habang nagmamaneho ay lumilinga-linga pa si Mario sa paligid, naghahanap kung saan nila ililigaw ang walang kamalay-malay na si Maymay. Nang biglang magtanong ang bata.

“Saan po ba tayo pupunta? Bakit po wala na akong nakikitang bahay sa paligid?” anito.

“A, e huwag ka na magtanong apo. Malapit na rin naman tayo sa pupuntahan natin,” sabi ni Cita.

Mayamaya ay inihinto na ni Mario ang sasakyan at bumaba sila sa lugar na hindi pamilyar sa bata. Matalahib at maraming puno sa lugar na iyon dahil wala na sila sa siyudad kaya malabong makabalik pa ito sa kanila. Anim taong gulang lang ang bata at hindi pa ito marunong magbasa at magsulat kaya hindi ito makakagawa ng paraan para muling guluhin ang kanilang buhay.

Advertisement

“A, Maymay maglalaro tayo ng tagu-taguan ha. At ikaw ang taya. Hanapin mo kami ng lola mo ha?” sabi ni Mario.

Sumunod naman ito sa utos ng matandang lalaki. Nagtakip ito ng mata at bumilang hanggang sampu. Nagmamadali namang sumakay ng kotse ang mag-asawa at tuluyan nang iniwan sa lugar na iyon ang bata.

Nang imulat ni Maymay ang mga mata ay hindi na niya nakita ang kaniyang lolo at lola sa halip ay katahimikan sa mapuno at masukal na lugar ang tumambad sa kaniya.

“Lolo, lola, nasaan na po kayo?!” sigaw ng bata habang hinahanap ang dalawang matanda. Buong araw siyang naglakad sa lugar na iyon na wala man lang halos dumadaan na mga sasakyan ngunit laking himala dahil sa oras na iyon ay may dumaang kotse at nakita siyang naglalakad sa kalsada. Agad huminto ang isang lalaki at bumaba sa sasakayan.

“Anong ginagawa mo rito, bata? Nasaan ang mga magulang mo?” nag-aalala nitong tanong na napansin ang kapansanan ni Maymay.

“Dinala po kasi ako dito ng lolo at lola ko. Sabi po kasi nila sa akin ay ipapasyal nila ako. Nang yayain po nila akong maglaro ay bigla na lang po silang nawala,” wika ng bata.

“Anong pangalan ng lolo at lola mo?”

“Lolo Mario at Lola Cita po!”

Advertisement

“May nanay at tatay mo, anong pangalan?”

“Ang pangalan po ng nanay ko ay Celeste. Pat*y na po siya, e. Wala na rin po akong tatay. Sabi po nina lolo at lola, iniwan na rin po ako ng tatay ko,” sagot ng bata.

Nagulat ang lalaki nang sabihin ni Maymay ang pangalan ng nanay nito.

“A-ano ang apelyido ng nanay mo? Alam mo ba?” tanong ng lalaki.

“Madriaga po. Celeste Madriaga ang pangalan ng nanay ko!”

Hindi nakapagsalita ang lalaki at naitakip na lamang sa bibig ang mga palad. Agad niya itong isinakay sa kotse.

“Iuuwi kita sa inyo ha. K-kilala ko ang nanay mo,” sabi ng lalaki.

“Talaga po? Salamat po!”

Advertisement

Hindi napigilan ng lalaki na mapaluha sa sinabi ng bata. Pinaandar niya agad ang sasakyan at inihatid si Maymay sa bahay nito.

Samantala sa bahay ng mag-asawa. Habang kumakain sila ng pananghalian ay narinig nila ang pagparada ng sasakyan sa labas ng kanilang bahay.

“May inaantay ka bang bisita, Mario?” tanong ni Cita.

“Wala naman.”

“E, kaninong sasakyan iyong pumarada sa labas?”

Nang lumabas sila ng bahay ay laking gulat nila nang makita ang apong si Maymay na may kasamang lalaki.

“M-Maymay?!” gulat na sabi ni Cita.

“Magandang tanghali po. Kayo po ba sina Mr. Mario at Cita Madriaga?” tanong ng lalaki.

Advertisement

“K-kami nga,” nauutal namang sagot ni Mario.

“Ako po si Paulo, ang kasintahan noon ng anak niyong si Celeste. Ako po noon ang naghahatid sa kaniya rito sa bahay ninyo ngunit ayaw po niya akong ipakilala sa inyo bilang kaniyang nobyo dahil ayaw niyo raw po na magkaroon siya ng karelasyon dahil sa gusto niyo siyang makapagtrabaho sa abroad. Isang araw ay nagulat na lang ako na nakipaghiwalay siya sa akin. Mas pinipili raw niya ang kagustuhan niyong mangibang bansa siya at putulin na ang anumang ugnayan namin. Kahit masakit ay pumayag akong makipaghiwalay siya sa akin para matupad ang pangarap niyo sa kaniya. Mahal ko ang anak niyo kaya nagsakripisyo rin ako at hinayaan ko siya sa gusto niya, ngunit hindi ko inakala na nagbunga pala ang pagmamahalan namin? Ngayon ko rin nalaman na pat*y na pala ang pinakamamahal kong si Celeste,” bunyag ng lalaki.

Hindi nakapagsalita ang mag-asawa. Isinakripisyo pala ng kanilang anak ang sarili nitong kaligayahan para sa kagustuhan nila.

“Pagkatapos ay nalaman ko rin na ang batang nakita ko na palakad-lakad sa kalsada nang mag-isa, at ang batang mayroong kakulangan na pinagtangkaan palang iligaw ng mga sariling kadugo ay ang aking anak,” pahabol pa ng lalaki.

Natameme ang mag-asawang Mario at Cita sa kanilang nalaman. Ang sarili nilang apo na pinagtangkaang iligaw ay natagpuan naman ng ama nitong hindi naman pala iresponsableng tao. Sadyang inilihim sa kanila ng namayapang anak ang katotohanan dahil gusto nitong sundin ang utos nilang mangibang bansa ito para sa mas maayos na buhay ng kanilang pamilya.

Mangiyak-ngiyak namang niyakap ni Paulo ang anak at nagpakilala rito.

“Anak, ako ang tatay mo. Patawarin mo ako, anak. Hindi ko alam na nagkaroon kami ng anak ng nanay mo. Hinding-hindi ka na mag-iisa at hinding-hindi na rin tayo magkakahiwalay pa. Mahal na mahal kita,” sambit ng lalaki.

Naunawaan naman ni Maymay ang lahat. Agad na tinanggap ng bata ang mahigpit na yakap ng ama.

Advertisement

“Salamat at may tatay pa pala ako. I love you rin po, ‘tay!”

Lumuluha na humingi ng tawad sina Mario at Cita sa mag-ama lalong lalo na sa kanilang apo. Pinagsisisihan nila ang ginawang pag-iwan sa bata. Nangako rin sila na mamahalin na nila si Maymay gaya ng pagmamahal ng mga ito sa anak nilang si Celeste. Dahil wala pang kamuwang-muwang ay mabilis namang napatawad ng bata ang ginawa sa kaniyang ng kaniyang lolo at lola. Kapit may kapansanan si Maymay ay minahal siya ng buong-buo ng kaniyang ama at kahit kailan ay hindi na sila naghiwalay pa.