Ayaw ng Binata na Makasama ang Lolo na Tiga-Probinsya; Matatauhan Siya sa Ipagtatapat ng Ina

Ayaw ng Binata na Makasama ang Lolo na Tiga-Probinsya; Matatauhan Siya sa Ipagtatapat ng Ina

FamilyHeartbreakingStories

“’Ma, bakit kailangan ko pang magbakasyon sa probinsya? P’wede bang dito na lang ako sa atin? Nandito naman ang mga kasambahay natin. Pangako ko sa iyo na hindi ako gagawa ng kahit anong ikasasakit ng ulo mo, basta huwag mo na lang akong ipadala sa probinsya! Ayaw ko roon kay lolo dahil wala namang mga kabataan do’n na kasing edad ko. Isa pa, nakakatamad kasama si lolo dahil hindi naman niya masakyan ang mga trip ko,” sambit ni Jordan sa kaniyang inang si Gigi. 

“Tigilan mo nga ‘yang mga sinasabi mo, Jordan. Gustong-gusto tayong makasama ng Lolo Julio mo ngayong kaarawan niya. Lalo na ikaw. Lagi kang tinatanong sa akin ng lolo mo kung kailan ka dadalaw roon. Kaya ito na ang tamang panahon. Tatlong araw lang naman at susunod rin ako. May kailangan lang talaga akong asikasuhin sa ibang probinsya,” paliwanag naman ng ina. 

Ayaw mang pumunta ni Jordan sa bahay ng kaniyang lolo sa probinsya ay wala siyang magawa dahil alam niyang magagalit sa kaniya ang inang si Gigi. 

Kinabukasan ay lumipad na pa-probinsya itong si Jordan. Paglapag sa paliparan ay magiliw na sinundo ng isang kapitbahay ng kaniyang Lolo Julio ang binatilyo.

“Ikaw siguro si Jordan, ano? Malaki ang pagkakahawig mo kasi sa Lolo Julio mo. Nakiusap siya sa akin na sunduin ka dahil kailangan daw niyang paghandaan ang pagdating mo,” saad ng ginoo.

Tahimik lang si Jordan at wala siyang imik. Kakarating pa lang niya ngunit pag-uwi na agad sa kanilang bahay ang iniisip niya.

Nang makarating si Jordan sa bahay ng kaniyang Lolo Julio ay sinalubong siya nito ng buong ngiti.

“Napakalaki mo na talaga, Jordan. Mabuti na lang at naisipan mong magbakasyon dito. Hindi mo lang alam kung gaano ako nananabik sa inyong mag-ina,” bungad ng matanda. 

Niyakap ni Lolo Julio ang kaniyang apo nang mahigpit, samantalang si Jordan naman ay nagpumiglas. 

“Lolo, saan po ba ang kwarto ko? Nais ko na po kasing ibaba muna ang mga gamit ko. Inaantok din po kasi ako, e. Napagod po ako sa byahe,” sambit naman ng binata. 

“Oo nga pala. Doon ka na muna sa dating kwarto ng mama mo. Pero bago ka magpahinga ay kumain ka na muna. Ipinagluto kita ng sinaing na tulingan. Paboritong paborito ‘yan ng mama mo. Maging ikaw noong bata ka ay gustong-gusto mo rin ‘yan!” magiliw muling sambit ni Lolo Julio. 

“H-hindi ko po alam ang luto na ‘yan. Saka wala po akong gana, lolo. Sige po at pupunta na ako sa kwarto at magpapahinga,” saad pa ni Jordan. 

Buong araw lang nagkulong sa silid itong si Jordan. Kahit na tinatawag siya ng kaniyang Lolo Julio ay lagi siyang nagdadahilan. Pilit namang inuunawa ng matanda ang kaniyang apo. Marahil ay sadyang pagod nga ito. 

Kinabukasan ay maagang ginising ni Lolo Julio ang kaniyang apo. Nais sana niya tiong dalhin sa batis upang manghuli ng isda. 

“Ayaw ko po, lolo. Kayo na lang. Inaantok pa po ako,” wika ng binata. 

“Tara na, apo, at magiging masaya ito! Matagal ko nang inaasam na makasama ka na mamingwit ng isda. Noong bata ka pa kasi ay palagi kang sumasama sa aking mamingwit. Tuwang tuwa ka noon kapag nakakahuli tayo,” pahayag pa ni Lolo Julio. 

Patuloy ang pangungumbinsi ni Lolo Julio sa kaniyang apo. Labis naman itong ikinairita ni Jordan. 

“Sinabi ko na nga po na ayaw ko, ‘di ba? Hindi ko gusto ang mamingwit. Lahat na lang ng bagay ay pinipilit n’yo sa akin. Bakit ba hindi mo na lang ako tantandan? Hindi na ako ‘yung batang nakilala mo noon. Iba na ang mga gusto kong gawin kaya p’wede ba, tigilan n’yo naman ako sa pangungulit ninyo!” hindi na napigilan ni Jordan ang magtaas ng boses sa matanda. 

Nalungkot si Lolo Julio sa ginawa ng kaniyang apo, ngunit pang-unawa pa rin ang pinairal nito.

“S-sige, apo, pasensya ka na kung makulit ang matandang ito. Basta kung gusto mo lang ng makakausap ay nasa likod bahay lang ako at nagsisibak ng kahoy na panggatong,” pinipigilan naman ng matanda ang pagbagsak ng kaniyang mga luha. 

Buong araw pa ring nagkulong sa kwarto itong si Jordan. Lumalabas lang ito tuwing kakain. Ngunit hindi pa rin niya iniimik ang kaniyang Lolo Julio. 

Kinabukasan muli ay maaga ang naging pagdating ng inang si Gigi sa bahay ng ama. 

“Mabuti naman ay narito ka na, ‘ma. Kailan ba tayo uuwi? Ayaw ko na rito! Walang magawa!” inis na salubong ni Jordan sa ina. 

“Jordan, alam ko ang ginawa mo sa lolo mo. Baka naman nais mong humingi ng tawad sa kaniya?” pahayag ng ina. 

“Bakit ako hihingi ng tawad? Totoo namang makulit ‘yang si Lolo Julio. Kung anu-ano ang gusto niyang gawin kasama ako. Pinagpipilitan niya ang mga bagay bagay sa akin! Bakit kasi kailangan pa natin siyang puntahan dito? Bakit hindi mo na lang siya padalhan ng pera tulad ng dati? Hindi ba’t iyon lang naman ang gusto niya talaga? Tingnan mo nga ang buhay niya rito, napakahirap. Sino ang mag-aasam na manirahan sa dito?” bulyaw pa ng anak. 

Hindi na nakapagpigil pa si Gigi at nasampal niya si Jordan.

“Bawiin mo ang lahat ng sinabi mo, Jordan! Hindi kita pinalaking bastos, at lalong lalo nang wala kang karapatang bastusin ang tatay ko!” mariing sambit naman ni Gigi. 

“Mahirap nga ang buhay ng tatay ko pero kahit kailan ay hindi niya tayo pinabayaan. Noong araw, nang mabuntis ako sa iyo at hindi ako pinanindigan ng iyong ama ay nais kitang ipal*glag. Ayaw ko kasing pagtawanan ako ng kahit sino. Saka isa pa, paano ko bubuhayin ang isang bata kung maging ako ay hindi pa tapos magdalaga? Sa sama ng loob ng nanay ko ay inatake siya sa puso. Pero hindi ito naging hadlang para pigilan ako ng tatay ko sa nais kong gawin sa’yo. At nang ipinanganak kita, hindi pa ako handang maging isang ina kaya umalis ako ng bahay at nagpakalayu-layo. Umalis ang tatay ko sa trabaho para alagaan ka. Tatlong taon siyang nagtiis na alagaan ka kahit wala siyang alam sa pagpapalaki ng bata. Nang matagpuan ko na ang sarili ko at maayos na ang buhay ko ay saka kita binalikan at tuluyan nang kinuha sa kaniya. Matindi ang sakripisyo na ginawa ng tatay ko para sa akin at para sa iyo. Kaya, Jordan, huwag na huwag mong sasaktan ang damdamin niya dahil wala siyang ibang alam kung hindi mahalin tayong dalawa!” umiiyak na pahayag ni Gigi sa kaniyang anak.

Maging si Jordan ay bumuhos na rin ang luha dahil sa kaniyang mga nalaman. Hindi na siya nag-aksaya pa ng panahon at pinuntahan niya ang kaniyang lolo na nasa likod bahay at nagsasalansan ng mga sinibak niyang panggatong. 

“Lolo, patawad po. Patawad po kung hindi naging maayos ang pagtrato ko sa inyo. Tinatanggap ko po ang lahat ng pagkakamali ko sa inyo. Sana ay bigyan n’yo pa po ako ng pagkakataon para bumawi. Patawad po!” pagsusumamo ng binata. 

“Hindi mo kailangang humingi ng tawad, Jordan, nauunawaan kita. Mahirap talagang magtiwala sa isang taong ngayon mo na lang ulit nakita. Kaya naman ganito ang pagnanais kong makasama kang muli. Namimiss ko na kasi ang apo ko na lagi kong kasa-kasama noon. Pasensya ka na rin sapagkat ayaw ko lang mag-aksaya ng oras. Hindi ko kasi alam kung kailan pa ito mauulit pa,” wika naman ni Lolo Julio.

“Simula ngayon, lolo, ay uuwi na ako rito sa probinsya hangga’t kaya ko. Minsan naman po ay kayo ang dumalaw sa amin sa Maynila. Marami rin akong nais ipakita sa inyo roon, tiyak kong magugustuhan n’yo!” nakangiting sambit pa ni Jordan. 

Niyakap ni Jordan ang kaniyang Lolo Julio nang mahigpit. Nang makita ni Gigi ang ama at ang kaniyang anak ay nakiyakap na rin siya. 

“Maligayang kaarawan, tatay. Sana ay napasaya ka namin dahil magkakasama tayong magdiriwang ng kaarawan mo,” saad naman ni Gigi. 

“Ito na ang pinakamaganda at hindi ko malilimutang kaarawan. Sana ay mas maraming kaarawan pa ang ating pagsaluhan,” saad naman ng matanda. 

Niregaluhan ni Jordan ang kaniyang lolo ng selpon nang sa gayon ay madalas niya itong matawagan. Nang sumunod na buwan ay inimbita naman nila ang matanda na mamalagi na sa kanila.

Walang araw na hindi bumawi si Jordan sa lahat ng panahong nangungulila si Lolo Julio sa kanilang mag-ina.

More Stories