Inday TrendingInday Trending
Todo ang Pag-Aasam ng Ama na Makuha ng Anak ang Gintong Tropeyo; Nagulat Siya sa Ginawa Nito sa Araw ng Kompetisyon

Todo ang Pag-Aasam ng Ama na Makuha ng Anak ang Gintong Tropeyo; Nagulat Siya sa Ginawa Nito sa Araw ng Kompetisyon

Lawit na ang dila ni Brix ngunit hindi pa rin siya tumitigil sa pag-eensayo sa pagtakbo. Nasa finish line kasi ang kaniyang ama at sinusukat ang kaniyang bilis.

“Kulang pa ng apat na segundo para matalo mo ang rekord mo kanina. Ano ba naman ‘yan, Brix, kung hindi mo gagalingan ay paano ka mananalo?! Ikaw ang pambato ng distrito natin. Itaas mo naman ang bandera ng lugar natin!” dismayadong sambit ng amang si Tirso.

“P-pasensya na po, ‘pa. Pagod na po kasi ako talaga. Baka po p’wedeng magpahinga na muna ako? Medyo namimintig na rin po kasi ang mga binti ko at masakit na rin ang mga tuhod ko,” pahayag naman ng binata.

“Isang takbo pa bago tayo umuwi, Brix. Sa pagkakataong ito ay galingan mo naman. Sinasayang mo lang ang oras ko sa pagsasanay ko sa iyo!” muling sambit pa ng ama.

Kahit sumusuko na ang katawan ni Brix ay muli siyang naghanda para sa huling takbo niya ng araw na iyon.

Dati ring atleta ang ama ni Brix. Sa katunayan ay marami itong naiuwing tropeyo at karangalan, kaya ganoon na lamang ang pagpupursigi ni Tirso na sanayin ang anak. Nais niyang ito ang magmana ng kaniyang trono sa pagtakbo.

Pagkatapos ng ensayo ay wala pa ring bukang bibig itong si Tirso sa kaniyang anak kung hindi ang tungkol sa kompetisyon.

“Ang sabi sa akin ng mga kumpare ko ay mahigpit mo raw na kalaban ‘yung taga ikatlong distrito. Mukhang kinuha pa nila ‘yun sa gubat para lang ipambato nila, e! Ganoon sila ka-desperado na talunin tayo! Kaya ikaw, Brix, huwag kang maging kampante. Galingan mo pa! Ibigay mo pa ang lahat ng makakaya mo. Noong ganiyang edad ko ay para akong cheetah sa bilis!” saad pa ng ama.

Gusto ni Brix ang ginagawa niyang pagtakbo. Sa katunayan ay mahal niya ang isport na ito, ngunit dahil sa kaniyang ama ay unti-unti na niyang nakakalimutan ang dahilan kung bakit nga ba niya pinili ang larong ito. Ang nais lang ng kaniyang ama ay manalo siya nang mapatunayan nitong hindi pa nalalaos ang apelyidong kanilang dinadala.

Isang araw ay isinama ni Tirso itong si Brix upang lihim na panoorin ang pag-eensayo ng matindi nitong kalaban na si Melchor.

“Tingnan mo kung gaano siya kabilis at kaliksi, Brix. Dapat ay mas mahigitan mo pa ‘yan! Sa tingin ko ay may bumabagabag sa isip mo kaya ayaw mong galingan, e! Pagod ka na ba? Ayaw mo na bang maging atleta? Aba’y sabihin mo na kaagad nang umatras na tayo at hindi na umasa ang buong distrito natin na makakapag-uwi ka ng tagumpay!” sumbat ni Tirso sa anak.

“‘Pa, p’wede ba? Huwag n’yo namang ipamukha sa akin na parang hindi ko ginagawa ang lahat para manalo. Halos pudpod na nga ang buto ko sa tuhod sa pagtakbo. Umaga, tanghali at gabi, nag-eensayo ako. Wala na nga akong panahon para sa ibang bagay. Kung tatanungin n’yo ako ay nais ko rin namang manalo, pero nais kong manalo dahil nag-e-enjoy ako sa ginagawa ko hindi ‘yung dahil may responsibilidad akong ipakitang mas magaling ako!” sagot naman ni Brix.

“Kailangan mong galingan dahil anak kita! Ano na lang ang sasabihin ng ibang tao kung matalo ka nila?! Ayaw kong pagsabihan nila ako na laos! At higit sa lahat ay ayaw kong maging katatawanan ka! Kaya gawin mo ang lahat para makuha mo ang gintong tropeyo, kung hindi ay kalimutan mo na ang pangarap mo sa isport na ito!” wika pa ng ama.

Unti-unti nang tinutubuan ng sama ng loob itong si Brix sa kaniyang ama. Ngunit nais pa rin niyang iuwi ang karangalan nang sa gayon ay maramdaman rin niyang ipinagmamalaki siya ng kaniyang ama.

Sumapit ang araw ng kompetisyon at naghahanda na ang lahat ng manlalaro. Walang tigil si Tirso sa pagpapaalala sa anak.

“Gawin mo ang lahat para maibigay mo sa akin ang gintong medalya. Labis kong ikasisiya kung ikaw ang mananalo!” saad pa ni Tirso sa anak.

Tinitignan ni Brix ang matindi niyang kakompetisyong si Melchor habang inaasikaso ito ng kaniyang ama. Naiinggit siya sapagkat ramdam niya ang suporta ng ama nito.

“Kahit hindi ka manalo, anak, isang malaking tagumpay na ito para sa akin. Masaya ako na makita kang lumalaban para sa ating distrito,” wika ng ginoo sa anak na si Melchor.

Nang magsimula ang kompetisyon ay nangunguna itong si Brix. Ngunit mabilis siyang naungusan nitong si Melchor. At kahit anong habol ni Brix sa katunggali ay hindi niya ito maungusan.

Naging mahigpit ang labanan sa pagitan nila Brix at Melchor. Sa katunayan ay malayo ang agwat ng mga ito sa ibang katunggali. Ilang sandali pa ay nakakaramdam na ng pagod si Brix ngunit parang banayad pa rin ang pagtakbo ni Melchor.

Malapit na sana sa finish line itong si Melchor nang biglang nagkamali ito ng tapak at bumagsak.

Sa pagkakataong ito ay malaki na ang tyansa ni Brix na maungusan ang katunggaling binata.

Malaki naman ang ngiti ni Tirso dahil tiyak na ang pagkapanalo ng kaniyang anak sa mga sandaling ito.

Ngunit nagulat na lang ang lahat nang biglang huminto rin itong si Brix at tinulungang tumayo si Melchor.

Inakay ni Brix ang katunggali at ito pa ang una niyang pinatapak sa finish line dahilan upang ito ang tanghalin na panalo.

Labis ang inis ni Tirso sa kaniyang anak dahil sa ginawa nito. Agad niya itong nilapitan at saka pinagalitan.

“Ano ang ginawa mo, Brix? Nasa iyo na ang lahat ng pagkakataon ay hindi mo pa sinunggaban! Hindi ka ba talaga nag-iisip? Isa itong kompetisyon! Sana ba naman ay tinulungan mo siya at ikaw pa rin ang unang tumapak sa finish line para ikaw ang nanalo! Aanhin mo pa ang tropeyo kung pangalawa ka lang?!” sambit ng ama.

Sa pagkakataong ito ay sumagot na si Brix sa kaniyang ama.

“Kung hindi naman siya natapilok ay siya naman talaga ang panalo. Hindi ko kayang manalo dahil sinamantala ko ang nangyari sa kaniya. Ibinigay ko lang ang nararapat kay Melchor, ‘pa. At kung hindi ka masaya dahil pangalawa lang ako, siguro nga’y kailangan ko nang itigil ang pagtakbo ko. Ginagawa ko ito noon dahil masaya ako. Pero nakalimutan ko na ang magsaya sa ginagawa ko dahil pinupwersa mo akong manalo. Kailangan mong tanggapin, ‘pa, na malayo tayo sa isa’t isa. Kahit kailan ay hindi ako magiging ikaw,” saad pa ni Brix sabay talikod sa ama.

Sa pag-alis ni Brix ay nais sanang lubos na magalit ni Tirso ngunit nagbago ang lahat nang marinig niya ang hiyawan ng mga tao. Sinisigaw ng mga ito ang pangalan ni Brix.

Lumapit naman ang ama ni Melchor kay Tirso para kausapin ang ginoo.

“Malamang ko ay sobra mong ipinagmamalaki ang anak mo dahil sa ginawa n’ya ngayon. Tunay siyang isang atleta. Kaya naman kahit ang anak ko ang nanalo ay siya pa rin ang paborito ng madla. Binabati kita dahil hindi siya magiging ganiyang kabuting tao kung hindi mabuting tao rin ang kaniyang mga magulang,” saad pa ng ginoo.

Natauhan si Tirso sa mga sinabing ito ng ama ng katunggali ng anak. Sa mismong sandaling iyon ay hinabol niya ang anak at humingi siya ng kapatawaran.

“Tama ka, Brix. Sumobra ako sa pagnanais kong manalo ka. Nakalimutan ko nang anak nga pala kita. Patawarin mo ako, anak. Tandaan mo na lubos kitang ipinagmamalaki!” saad pa ni Tirso.

Ibinigay ni Brix ang pilak na tropeyo sa kaniyang ama. Itinaas naman ito ni Tirso bilang tanda ng pagmamalaki sa kaniyang anak.

Kahit na hindi nanalo si Brix sa kompetisyon na iyon ay higit naman siyang naging kilala dahil sa kabutihang kaniyang ginawa. Dahil doon ay mas maraming oportunidad na nagbukas para sa binata.

Hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang pagiging atleta ni Brix. Sa katunayan ay nakapag-uwi na siya ng maraming gintong medalya sa ilalim ng pagsasanay niya sa kaniyang amang si Tirso.

Advertisement