
Nakipaghiwalay ang Ginang sa Kaniyang Mister Upag Sumama sa Unang Pag-ibig; Bandang Huli’y Pagsisisihan Niya Ito
Humahangos na nagtungo ang magkakapatid na Tristan, Donna, at Emma sa bahay ng kanilang mga magulang nang malaman nila ang balitang maghihiwalay na ang mga ito. Hindi kasi sila makapaniwala na sa loob ng halos tatlumpu’t limang taong pagsasama ng mga ito ay ngayon pa sila maghihiwalay.
“‘Nay, ano po bang pumasok sa isip ninyo at naghain kayo ng annulment? May hindi ba kayo pagkakaunawaan ni tatay? Baka naman madaan n’yo pa ito sa magandang usapan! Huwag naman ninyong paabutin sa ganito!” sambit si Tristan sa ina.
“Saka isa pa, saan kayo kukuha ng pera para riyan sa annulment na ‘yan! Hindi biro ang gagastusin n’yo! Saan ba nagmumula ang problema na ito dahil naguguluhan na kaming magkakapatid!” saad naman ng bunsong si Emma.
Ngunit tikom pa rin ang bibig ng kanilang mga magulang na sina Alberto at Tina.
“‘Tay, ano ba ang nagawa n’yo at gustong makipaghiwalay nitong si nanay? Nambabae po ba kayo? May iba pa po ba kayong anak bukod sa amin? Nalululong ba kayo sa sugal at marami kayong pagkakautang? Ano po ba talaga ang dahilan?!” nagugulumihanan namang sambit ni Donna.
“Bigyan lang natin ng panahon ang nanay ninyo na mag-isip. Siguro ay mas makabubuti nga kung uuwi muna siya sa pamilya niya. Huwag n’yo na muna siyang tanungin at alam kong magulo pa ang kaniyang isip,” pakiusap ng ama.
“Tayo ang pamilya niya, ‘tay! Ito ang bahay niya! Ano nga po ba tunay na dahilan ng lahat ng ito? Kasi sa pagkakakilala ko naman sa inyo, ‘tay, ay wala naman kayong ginawa na maaaring ikagalit ni nanay. Oo, minsan ay nagtatalo kayo pero hindi naman iyon maiiwasan kahit ng mag-asawa. Pero baka naman maayos niyo pa ito? Matagal na kayong nagsasama. Ngayon n’yo pa ba sisirain ang pamilya natin?” muling saad ni Tristan.
Pilit mang pagtakpan ni Alberto ang kaniyang asawa ay si Tina na mismo ang nagsabi ng katotohanan.
“Dahil hindi ko na kaya pang lokohin ang sarili ko. Iba ang mahal ko at hindi ang inyong ama. Malalaki naman na kayo at may sari-sarili nang pamilya. Tapos na rin naman siguro ang responsibilidad namin sa inyo dahil napagtapos naman namin kayong lahat ng pag-aaral. Ginawa ko ang lahat para manatili sa pamilya na ito. Baka naman sa pagkakataong ito ay p’wede ko namang isipin ang sarili kong kaligayahan,” pag-amin ni Tina.
“Ang ibig n’yo bang sabihin ay kayo ang may ibang lalaki, ‘nay? Paano n’yo ito nagawa kay tatay? At ikaw naman ‘tay, hindi n’yo po ba pipigilan si nanay? Hindi ba’t lagi n’yong sinasabi na mahal n’yo siya?” saad naman ni Donna.
“Oo, anak. Kaya nga hindi ko na pipigilan pa ang nanay n’yo. Kahit hindi pa man umuusad ang annulment ay hahayaan ko na siya sa kaniyang gusto. Tama naman ang nanay n’yo matagal na rin siyang nagtiis na itago ang tunay niyang nararamdaman. Panahon na para sundin naman niya ang tunay na itinitibok ng kaniyang puso,” tanging sambit ni Alberto.
Sa ganoong paraan lang ay tuluyan nang naghiwalay ng landas ang mag-asawa. Napuno naman ng galit ang mga anak sa kanilang ina dahil sa pag-iwan sa kaawa-awang ama.
Mula noon ay naging malungkot ang buhay nitong si Alberto. Sanay kasi siyang pinagsisilbihan ang kaniyang asawa.
Dahil naman sa pangamba at pagkahabag ng mga anak ay madalas nilang dinadalaw ang kanilang Tatay Alberto.
Isang araw ay dinalaw ni Tristan ang kaniyang ama.
“Kinumusta mo ba ang nanay mo, Tristan? Tatawag-tawagan mo pa rin siya at kukumustahin kahit wala na siya rito. Siya pa rin ang nanay n’yo,” paalala ni Alberto sa anak.
“Bakit kailangan ko pa siyang kumustahin? Hindi mo ba narinig ang balita na para raw nagmumurang kamatis ‘yang si nanay? Hindi pa man kayo opisyal na hiwalay ay nakipag-live in na sa lalaki niya. Wala siyang iniisip kung hindi ang sarili niya. Hindi man lang niya tayo binigyan ng kahihiyan!” tugon naman ng panganay na anak.
“Anak, huwag kang magsalita nang masama sa nanay mo. Tandaan mo, ina mo pa rin siya. Unawain mo na lang siya. Noon pa man ay alam ko nang iba naman talaga ang tinitibok ng kaniyang puso. Unang pag-ibig niya iyong si Armando. Kaya nang muli silang magkita ay hindi na niya napigilan pa ang kaniyang damdamin,” wika pa ng ama.
Hindi alam ni Tristan kung saan kumukuha ng lakas ng loob ang kaniyang ama upang kayanin ang lahat ng ito. Lalo siyang naaawa sa ama dahil kahit na patuloy itong nasasaktan ay wala pa rin itong ginagawa kung hindi unawain ang kaniyang ina.
Lumipas ang mga taon at hindi na rin nagparamdam itong si Tina sa kaniyang mga anak. Nawalan na nga rin ito ng gana na ituloy pa ang annulment dahil magkasama na rin naman sila ni Armando.
Ngunit ang pinangarap na buhay ni Tina ay nagkaroon ng hangganan nang isang araw ay matanggap niya ang isang masamang balita. Nagkaroon siya ng isang matinding karamdaman – dahil doon ay iniwan siya ni Armando! Labis ang lungkot nitong si Tina. Ang akala niya kasi ay magsasama silang dalawa ng kaniyang unang pag-ibig sa hirap at sa ginhawa… ngunit tinalikuran siya nito.
Parang pinagsakluban ng langit at lupa itong si Tina dahil ngayon ay mag-isa na siyang makikipaglaban sa kaniyang karamdaman.
Nang mabalitaan ni Alberto ang nangyaring ito kay Tina ay hindi siya nag-aksaya pa ng panahon para puntahan ang ginang.
Nagulat na lang ang kaniyang mga anak nang malamang iniuwi na naman ng kanilang ama sa bahay ang kanilang ina.
“Bakit pa siya narito? Hindi ba’t tinalikuran na niya ang pamilyang ito? Mas pinili niya ang magpakaligaya sa ibang lalaki. Ngayong ginugupo siya ng karamdaman ay muli siyang babalik dito at bibigyan tayo ng suliranin! Umalma ka naman, ‘tay! Bigyan mo naman ng dignidad ang sarili mo!” sambit ni Tristan sa ama.
Labis ang pagtutol ng tatlong magkakapatid sa nais ng ama na pananatili ng kanilang ina sa bahay.
Pilit nilang kinukumbisi ang ama na talikuran na rin ang kanilang ama.
“Baka karma na iyan sa lahat ng ginawa niya sa pamilyang ito. ‘Di ba, siya na rin ang nagsabi na hindi na niya tayo kailangan at wala na siyang responsibilidad sa atin? Kaya hindi na rin natin siya responsibilidad ngayon. Ibalik mo na siya kung saan mo siya nakuha, ‘tay! Huwag mong pahirapan ang sarili mo sa pag-aalaga ng taong hindi ka naman mahal. Ibigay mo siya doon sa sinasabi niyang pers lab niya!” sumbat naman ni Donna.
“Tigilan n’yo na ang pagsasabi ng masasakit na salita sa nanay n’yo! Asawa pa rin niya ako hanggang ngayon at gagampanan ko ang responsibilidad na ito sa kaniya kahit na hindi ako ang laman ng kaniyang puso. Mahal ko ang nanay n’yo at wala kahit isa sa inyo ang makakapagpabago nito. Kaya, mga anak, nagsusumamo ako sa inyo. Kahit na lang para sa akin! Kailangan tayo ng nanay n’yo ngayon. Alagaan natin siya,” pagtangis naman ni Alberto.
Doon nakita ng magkakapatid ang wagas na pag-ibig ng kanilang ama sa kanilang ina. Handa itong tanggapin muli ang kanilang ina sa kabila ng lahat ng naging kasalanan nito. Ni hindi man lamang nila nakitaan ang kanilang Tatay Alberto ng kahit kaunting pagbabago sa pagtinghin nito sa kanilang ina.
Dahil dito ay pinakinggan ng magkakapatid ang pakiusap ng ama. Nagtulong-tulong sila upang ipagamot ang kanilang inang may karamdaman. Maging ang ipon ni Alberto ay unti-unting naubos dahil ginamit niya ito sa pagpapagamot sa asawa.
Ngunit hindi rin nagtagal at unti-unti ring bumigay ang katawan ni Tina.
Sa kaniyang mga huling sandali ay naroon pa rin si Alberto sa kaniyang tabi at hawak ang kaniyang mga kamay.
“Madalas kong ipamukha sa iyo noon na hindi ikaw ang tunay na mahal ko. Pero hanggang ngayon ay narito ka pa rin sa aking tabi. Buong akala ko noon ay alam ko ang salitang pag-ibig. Hindi pala. Kahit na lilisanin ko na ang mundong ito ay masaya ako dahil ngayon ay alam ko na ang tunay na pagmamahal. Ipinakita at ipinaramdam mo ito sa akin, Alberto. Nagsisisi ako dahil hindi ko man lang ito nagawang suklian. Dadalhin ko ang pagmamahal na pinabaon mo sa akin sa kabilang buhay hanggang sa muli tayong magkita. Sa susunod na buhay natin ay ikaw ang nais kong makasama. Sana ay mapagbigyan ako ng Panginoon na makabawi naman sa iyo. Sa susunod ay ako naman ang magpaparamdam sa iyo ng pag-ibig ko,” saad ni Tina sa asawa.
Pumatak ang mga luha ni Alberto dahil sa wakas ay narinig niya rin sa asawa ang mga katagang matagal na niyang hinihintay.
Pinatunayan ni Alberto na ang tunay na pagmamahal ay handang magparaya at magpatawad. Sa paglisan ni Tina ay mananatili pa rin ito sa puso niya. Mananatili ang mga matatamis na alaala nito hanggang sa muli silang magkita sa kabilang buhay.