Inday TrendingInday Trending
Inaalipusta ang Dalaga dahil Bukod Tangi Siyang Hindi Makapagkokolehiyo; Sa Muli Nilang Pagkikita ay Siya Naman ang Titingalain

Inaalipusta ang Dalaga dahil Bukod Tangi Siyang Hindi Makapagkokolehiyo; Sa Muli Nilang Pagkikita ay Siya Naman ang Titingalain

Araw ng pagtatapos sa hayskul at masaya ang lahat maliban kay Rebecca. Alam kasi ng dalaga na matapos ang araw na ito ay matatapos na rin ang pangarap niyang makapagtapos ng kolehiyo. Hindi kasi kaya ng kaniyang mga magulang na ipagpatuloy pa niya ang pag-aaral. Sumasama man ang loob ay pilit niya na lang itong inuunawa.

Habang nakapila papasok ng paaralan ay kinantiyawan si Rebecca ng isa sa mga matatalino niyang kaklase na si Diane.

“Hindi na ako makapaghintay na lumuwas ng Maynila kasi doon ako mag-aaral ng kolehiyo. Mabuti na lang at pinaghandaan ng mga magulang ko ang pag-aaral ko! Ikaw, Rebecca, ano ang plano mo matapos ang graduation natin ngayon?” pagyayabang ni Diane.

“B-binabati kita Diane. W-wala pa akong plano sa totoo lang,” nahihiyang tugon naman ng dalaga.

“Huwag mo nga kaming niloloko, Rebecca. Alam mo kung ano ang mangyayari sa iyo pagkatapos ng araw na ito. Tulad ng mga magulang mo ay madudumihan ka na rin sa bukid. Alam naming hindi ka na makakapag-aral dahil hindi kaya ng mga magulang mo. Kawawa ka naman! Baka kapag nagkita-kita tayo ay nakaangat na kami sa buhay tapos ikaw ay nasa bukid pa rin!” natatawang saad pa ni Diane.

Hindi na pumatol itong si Rebecca. Bukod kasi sa ayaw niya ng away ay may katotohanan naman ang sinasabing ito ng kaklase. Hindi lang maunawaan niya kung bakit kailangan pa itong pangalandakan ni Diane.

Natapos ang graduation ng araw na iyon. Inggit na inggit si Rebecca sa mga kaklase niya dahil may inihandang salu-salo ang mga magulang nito para sa kanilang mga anak. Samantalang siya ay diretso sa bukid, kailangan niya pa kasing tulungan ang kaniyang nanay at tatay.

Habang nagsasaka ay hindi maalis ni Rebecca ang pag-aasam na makatapos ng pag-aaral. Kaya naman umisip siya ng paraan para makatulong sa pamilya habang tinutupad niya ang pangarap.

“‘Nay, payagan n’yo po akong lumuwas ng Maynila. Maghahanap po ako ng trabaho doon nang sa gayon ay makatulong po ako sa inyo kahit paano. Gusto ko po talagang magbago ang takbo ng buhay natin at gagawin ko ang lahat para mangyari iyon! Kaya payagan n’yo na po ako,” pakiusap pa ng dalaga.

Pinayagan naman si Rebecca ng kaniyang mga magulang sa pangakong iingatan nito ang kaniyang sarili.

Nang malaman ng ilang kapitbahay ang pag-alis na ito ni Rebecca ay kung anu-ano naman ang isinulsol nito sa mga magulang niya.

“Hindi malayong magnobyo lang ang anak mo sa Maynila. Magugulat ka na lang at uuwi riyan dito na malaki na ang tiyan!” saad ng isang kapitbahay.

“Oo nga! Alam mo ba ‘yung isang anak ni Marites, lumuwas rin iyon dahil daw maghahanap ng trabaho. Hayun at nakahanap ng mayaman kuno. Nagpabuntis at bandang huli ay iniwan rin ng lalaki!” sulsol pa ng isang ginang.

Mabuti na lang at malaki ang tiwala ng nanay ni Rebecca sa kaniya, kaya kahit anong sulsol ng mga inggiterang kapitbahay ay tuloy pa rin ang pagluwas niya patungong Maynila.

Hindi naman inaasahang sa istasyon ng bus ay muling nagtagpo sina Rebecca at Diane.

“Kita mo nga naman, Rebecca, pareho tayong luluwas pa-Maynila pero sa magkaibang dahilan. Magiging kasambahay ka doon at ako naman ay mag-aaral. Sa susunod na pagkikita natin, malamang ay maganda na ang buhay ko at nagtatrabaho na ko sa isang malaking kompanya samantalang ikaw ay nasa lusak pa rin!” pang-aalipusta pa ng dalaga.

“Tandaan mo, Diane, ito na ang huling araw na kukutyain mo ako dahil sa estado ng buhay ko. Sa susunod na magkita tayo ay titingalain mo na ako!” matapang na sambit naman ni Rebecca.

“Nagpapatawa ka, Rebecca! Paanong ang isang tulad mo ay makakaahon sa kahirapan?! Buksan mo nga ang mga mata mo sa katotohanan. Baka kasi nananaginip ka lang!” tatawa-tawa pang wika ng dalaga.

Mula nang araw na iyon ay itinaga ni Rebecca sa kaniyang isip na wala nang kahit sino pa ang makakapagmaliit sa kaniya at sa kaniyang pamilya!

Sa pagtungtong ni Rebecca sa Maynila ay naging isang kasambahay siya. Hindi naging madali para sa kaniya dahil mahigpit ang kaniyang unang amo – hanggang sa tuluyan siyang pinalayas nito. Hindi tumigil si Rebecca sa paglaban para sa magandang kinabukasan.

Muli siyang naghanap ng bagong mapapasukan at sa kabutihang palad ay nakahanap siya ng mabait na amo. Isang matandang balo – napakabait nito at hinayaan pa nga siyang mag-aral tuwing gabi.

Pinagsabay niya ang pagtatrabaho, pagpapadala sa kaniyang mga magulang sa probinsya, at ang pag-aaral sa gabi. Hanggang sa tuluyan na siyang nakatapos.

Nang mawala ang matandang balong kaniyang pinagsisilbihan ay nagdesisyon naman siya na magpunta sa ibang bansa upang maging isang OFW. Kahit na may tinapos sa pag-aaral ay nauwi pa rin ang dalaga sa pagiging isang domestic helper. Ngunit nagpatuloy pa rin siya sa pag-aaral. Kumuha siya ng masteral sa ibang bansa, at nang makatapos ay dito na nagbago ang takbo ng kaniyang buhay.

Nakapagtrabaho siya sa mga malalaking kompanya. Nakaipon hanggang sa maipagawa na rin niya ang bahay nila sa probinsya. Inggit pa rin ang kanilang mga kapitbahay dahil nga maganda na ang buhay ng pamilya ni Rebecca. Sa pagkakataong ito ay nagbago na ang tingin ng mga kapitbahay sa pamilya nila.

Sa loob ng isang dekada ay walang ginawa itong si Rebecca kung hindi paunlarin ang kaniyang buhay. Hanggang sa oras na para umuwi sa Pilipinas.

Isang araw ay muling nagkrus ang landas ni Diane at ni Rebecca sa isang malaking kompanya sa Makati.

Hindi makapaniwala si Diane dahil nga sa ganitong lugar pa sila nagkitang muli ng dating kaklase.

“Ano ang ginagawa mo rito, Rebecca? Dito ka ba nagtatrabaho?” tanong ni Diane.

Isang matamis na ngiti lang ang isinagot ni Rebecca.

“Kita mo nga naman! Hindi ko akalain na nakatungtong ka sa lugar na ito. Narito ako dahil may interview ako bilang isang account executive. Ang taas na posisyon, ano? Ganoon talaga kapag nakapagtapos ka ng pag-aaral. Ano ang trabaho mo rito? Receptionist o tagalinis? Pero sa itsura mo ay para kang receptionist. Kahit paano ay mas nakaangat ka na sa dati mong trabaho na kasambahay ah! Binabati kita at kahit paano ay nakaalis ka na sa lusak na kinatatayuan mo noon!” panghahamak pa ng dalaga.

“Tama ka, Diane, hindi ko akalain na isang araw ay dito pa tayo magtatagpo. Sa totoo lang ay natutuwa akong makita ka ngayon dito. Hindi ko akalain na nais mo palang magtrabaho sa kompanyang pagmamay-ari ko! Hindi ba, sabi ko sa’yo noon na sa muli nating pagkikita ay titingalain mo na ako? Ito na ang araw na iyon, Diane. At kung sa tingin mo ay may tyansa kang makapasok sa kompanya ko ay nagkakamali ka. Hangga’t basura pa rin ang ugali mo ay hinding hindi kita bibigyan ng trabaho dito sa kompanya ko!” taas noo namang wika ni Rebecca.

Nanlaki na ang mga mata ni Diane sa labis na pagkagulat. Hindi niya akalain na isang araw ay matutupad din ni Rebecca ang kaniyang mga sinabi noon.

“Sipag, tiyaga, at dedikasyon ang susi ko sa pag-abot ng aking pangarap. At habang inaabot ko iyon ay hindi ako nang-alipusta ng kahit sino dahil alam kong kanya-kaniya tayo ng laban at pinagdadaanan sa buhay. Kaya marahil ay masyado akong iniangat ng Panginoon, dahil alam niyang kahit mataas na ang lipad ko ay mananatili pa rin ang paa ko sa lupa,” wika pa ni Rebecca.

Bandang huli ay na kay Rebecca pa rin ang matamis na ngiti. Maging siya ay hindi pa rin makapaniwala hanggang ngayon na mula sa pagiging isang kasambahay na walang pinag-aralan ay nasa rurok na siya ng tagumpay.

Advertisement