Inday TrendingInday Trending
Tutol ang Misis sa Ginagawang Pagtulong ng Mister sa Ina Nito; Mapapahiya Siya sa Kaniyang Malalaman

Tutol ang Misis sa Ginagawang Pagtulong ng Mister sa Ina Nito; Mapapahiya Siya sa Kaniyang Malalaman

Nagulat si Mylene nang makita niya sa kusina ang maraming pagkain at mga bulaklak. Napangiti siya dahil pakiramdam niya ay isa na naman ito sa mga surpresa ng kaniyang inhinyerong asawa.

Habang tinitignan niya isa-isa ang mga bulaklak ay bigla na lamang siyang binigyan ng mahigpit na yakap ng mister na si Troy.

“A-ano ang okasyon at ang dami namang pagkain dito? Kay gaganda pa ng mga bulaklak, Troy! Ang sarap nilang pakatitigan!” masayang sambit ni Mylene sa mister.

“Nagustuhan mo ba? Mabuti naman dahil alam kong magaling kang kumilatis ng mga bulaklak. Dahil nagandahan ka ay tiyak akong matutuwa rin niyan si nanay!” wika pa ng ginoo.

“N-nanay? Para sa nanay mo ang lahat ng ito?” tanong naman ni Mylene.

Tumango si Troy na may ngiti sa mukha.

“Kaarawan ni nanay ngayon at plano kong supresahin siya. Magbihis ka na at pupuntahan natin siya. Tiyak akong matutuwa ‘yon kapag nakita tayo!” dagdag pa ni Troy.

“P-pwede bang huwag na akong sumama, Troy? Marami pa kasi akong kailangan gawin dito sa bahay. Saka pupunta rin kasi ang mga kaibigan ko. P’wede bang ikaw na lang? Ikumusta mo na lang ako kay Nanay Lydia,” pakiusap pa ng misis.

“Ipagpaliban mo muna ang gagawin mo, Mylene. Makakapaghintay naman ‘yan. Puntahan na natin si nanay para mapasaya naman natin siya ngayong kaarawan niya,” pakiusap muli ng mister.

Sa totoo lang ay ayaw talagang pumunta ni Mylene sa tinitirahan ng ina ni Troy. Hindi kasi maganda ang lugar na tinitirhan nito. Ilang beses mang pilitin ni Troy ang ina na umalis sa lugar na iyon ay ayaw naman ni Aling Lydia. Ayos na ito sa simpleng pamumuhay niya.

Walang nagawa si Mylene kung hindi sumama kay Troy. Kailangan niyang magpakitang tao dahil nga ina ito ng kaniyang asawa. Kahit na madalas siyang mainis at magselos kay Aling Lydia ay pinilit niyang pakisamahan ito kahit sa araw lang ng kaarawan nito.

Masayang-masaya si Lydia nang makita ang anak at ang kaniyang manugang na naroon sa kaniyang tahanan. Hindi nga siya magkandaugaga sa pag-aayos ng bahay dahil maliit lang ito.

“Pasensya ka na, Mylene, baka hindi ka komportable dito sa bahay. Talagang maliit lang kasi ito. Pero masaya akong makasama kayo ngayon! Napakaraming pagkain nito, hindi ko mauubos ang lahat ng ito,” masayang sambit ng ginang.

“Mamigay kayo sa mga kapitbahay, ‘nay! Ayaw n’yo pa kasing bilhan ko kayo ng ref para mayroon kayong lalagyan ng mga pagkain niyo at hindi mapapanis. Sira na rin pala itong parte ng dingding na ito, ‘nay. Hindi n’yo man lang sinasabi. Hayaan n’yo at magpapadala ako ng tao rito para ipaayos agad,” saad naman ni Troy.

“Naku, anak, maraming salamat. Hindi ko na sinabi dahil alam kong marami kang iniintindi, saka magagawan ko naman ng remedyo. Hinihintay ko lang ‘yung kapitbahay kong karpintero. Nangako siyang tutulungan niya ako. Saka huwag mo na akong ibili ng ref dahil lalaki lang ang babayaran ko sa kuryente. Mag-isa lang naman ako rito,” paliwanag pa ng ina.

“Ikaw naman kasi, ‘nay, bakit ayaw mo pang tumira kasama namin? Malaki ang bahay ko, pinagawan kita talaga ng isang silid doon. Kung ayaw mo ay ipapagawa na lang kita ng bahay sa ibang lugar. Umalis ka na rito,” saad pa ni Troy.

Nang marinig ito ni Mylene ay kinabahan na siya. Ayaw niya sa lahat na makasama ang kaniyang biyenan lalo sa sarili niyang pamamahay. Tututol na sana siya nang biglang sumagot namang muli si Lydia.

“Ayos na ako rito, anak, at sanay na akong mamuhay dito. Isa pa, ayaw ko ring makaabala sa inyong mag-asawa. Maraming alaala sa lugar na ito na hindi ko kayang iwan,” tugon pa ng ina.

“Basta, ‘nay, kung magbago ang isip mo ay laging bukas ang bahay namin para sa iyo,” wika pa ni Troy.

Bukod sa mga regalo ay buwan-buwang pinapadalhan ni Troy ang kaniyang ina. Sa katunayan nga ay talagang may budget na nakalaan para rito.

Isang araw ay kinausap ni Troy si Mylene. Balak kasi nitong ilipat na ng bahay ang kaniyang ina.

“Bakit kailangang ganitong kalaki ang gastusin natin, Troy? Baka nakakalimutan mo, may pinag-iipunan rin tayo. Hindi ba’t plano na nating magkaroon ng anak ngayong taon? Isa pa, ayaw naman ng nanay mo na lumipat ng bahay. Siya na rin ang nagsabi!” sambit ni Mylene.

“Oo, nga. Pero hindi ko kasi maiwasang isipin ang kinalalagyan niya ngayon. Dapat ay nasa mas maayos siyang lugar. Tutal ayaw rin naman niyang tumira dito kasama natin,” saad naman ni Troy.

“At hindi rin ako makakapayag na tumira ang nanay mo rito! Troy, nagsasawa na ako sa mga ginagawa mo para sa nanay mo! Hindi pa ba sapat na buwan-buwan ka nang nagpapadala sa kaniya ng pera? Aba’y malakas pa rin naman siya at kaya niya pa namang magtrabaho para sa kaniyang sarili. Inasa na talaga niya ang buhay niya sa’yo! Paano na ‘yan kapag nagkaanak na tayo? Dapat kasi ay binibigyan mo na lang ng kabuhayan ‘yang nanay mo nang sa gayon ay hindi nakaasa sa’yo palagi!” sambit pa ni Mylene.

“Matanda na ang nanay ko, Mylene, at ayaw ko nang pagtrababuhin pa siya. Saan ba nanggagaling ang hinanakit mong iyan? Akala ko ba ay ayos lang sa’yo ang ginagawa kong pagtulong sa nanay ko?” dagdag pa ng ginoo.

“Pero sobra na kasi, Troy. Ganiyan naman ang mga magulang, e. Pag-aaralin ka tapos ay iaasa na nila sa iyo ang buhay nila kapag matanda na sila. Hindi man lang sila natuto na mag-ipon para sa kanilang sarili nang sa gayon ay hindi sila maging pabigat sa kanilang mga anak. Tingnan mo ang mga magulang ko. Nakarinig ka ba sa kanila na nanghihingi sa akin kahit magkano? Hindi, ‘di ba? Dahil hindi nila ako ginawang retirement plan. Lahat ng ginawa nilang pagbuhay sa akin, pagpapaaral at pagpapakain ay responsibilidad nilang lahat iyon kaya hindi nila ito dapat isumbat!” galit na sambit pa ni Mylene.

“Hindi mo ako naiintindihan, Mylene. Hindi ganiyan ang nanay ko. Ako ang nagdesisyon na ibigay sa kaniya ang lahat dahil sa ipinakita niyang pagmamahal sa akin. Alam mo ba, hindi niya ako tunay na anak. Napulot lang niya ako sa simbahan. Kahit napakahirap lang ng kaniyang buhay ay hindi niya ako nagawang pabayaan. Nagtrabaho siya nang sa gayon ay maibigay niya sa akin ang aking mga pangangailangan at mapag-aral niya ako. Iniwan siya ng mapapangasawa niyang mayaman nang dahil lang sa ayaw niya akong ipamigay sa iba. Nabuhay siya sa pag-ako ng mga responsibilidad na hindi naman siya ang dapat gumawa. Kaya hindi mo ako masisisi kung nais kong ibigay ang magandang buhay sa kaniya. Hindi ako magiging ganito katagumpay ngayon kung hindi dahil sa Nanay Lydia ko! Inilihim ko itong lahat sa iyo dahil hindi ko rin kayang tanggapin na hindi si Nanay Lydia ang aking ina dahil simula’t sapul ay naging magulang siya sa akin,” paliwanag pa ni Troy.

Nagulat si Mylene sa katotohanang sumambulat sa kaniya. Hindi niya akalaing ang taong kaniyang kinaiinisan at pinagseselosan ay lubhang mabuting tao pala.

“Hindi lahat ng magulang ay tulad ng mga magulang mo, Mylene. Maswerte ka na galing ka sa marangyang pamilya. Hindi lahat ay kayang pagsabayin ang pag-iipon at pagbuhay sa kanilang mga anak. Hindi inuna ng Nanay Lydia ko ang sarili niya para sa aking kapakanan. Hindi ako ginawang retirement plan ng nanay ko. Kusa ko itong binibigay sa kaniya dahil kahit hindi niya responsibilidad ay binigyan niya ako ng magandang buhay. Bilang anak ay ibabalik ko lang ang pagmamahal at pagtingin na ibinigay niya sa akin noon,” dagdag pa ng ginoo.

Sa pagkakataong ito ay nahiya si Mylene sa kaniyang mga sinabi. Ngayon ay nauunawaan na niya ang lahat.

Humingi siya ng kapatawaran kay Troy maging sa Nanay Lydia nito.

Mula noon ay hindi na pinag-isipan ni Mylene ng masama ang kaniyang biyenan. Hindi na rin siya naiinis at nagseselos dito. Hinayaan na rin niya si Troy na ibigay sa ina ang lahat ng naisin nito para rito.

Ngayon ay nag-iba na rin ang pananaw ni Mylene tungkol sa pagtulong nilang mag-asawa sa kanilang mga magulang dahil alam niyang balang araw ay magiging magulang din sila ni Troy.

Advertisement