Pinilit ng Babaeng Ito na Magpakasal sa Lalaking Ubod Raw ng Yaman; Magpatuloy Kaya ang Inaasam-asam Niyang Buhay?

Pinilit ng Babaeng Ito na Magpakasal sa Lalaking Ubod Raw ng Yaman; Magpatuloy Kaya ang Inaasam-asam Niyang Buhay?

FamilyHeartbreakingKarmaStories

Simangot ang dalagang si Jenna habang tinitingnan sa kaniyang selpon ang larawan ng mga kaklase noong siya ay hayskul pa lamang. Inggit kasi ang kaniyang nararamdaman dahil matagumpay na ang mga iyon. May mga pamilya na, may sariling sasakyan at kay gaganda ng kanilang bahay. Samantalang siya, nananatili pa ring nakaasa sa inang pilit siyang pinapakain bilang isang labandera. Maya maya lamang, narinig na niya ang tinig ng ina dahil tinawag na siya upang kumain na.

“Ano iyan? Pagkain ba ‘yan?” himutok ng dalaga matapos makita ang sardinas na nasa lalagyan.

“Wala kasi akong sinahod, ‘nak. Hayaan mo’t kapag naka-bale ulit ako, manok ang makikita mo diyan sa mesa,” marahang tugon naman ng kaniyang ina.

Wala nang nagawa ang dalaga kundi kumain nang nakasimangot buong oras. Pakiramdam niya ay pagod na pagod na siya sa ganitong buhay. Ngunit kahit na gaano kapagod ang nararamdaman niya, ayaw naman niyang lumabas ng bahay at magtrabaho. Pagkatapos kumain ay dumiretso siyang muli sa kaniyang kwarto at maghapon na namang nagbabad sa kaniyang selpon.

Sa kaniyang pagseselpon, isang mensahe ang lumitaw sa kaniya. Mensahe ito ng isa sa kaniyang mga kaklase noon na nangungumusta sa kaniya. Wala namang pasubali at kaagad niyang sinagot ang mga katanungan ng kaklaseng lalaki na si Bob. Patagal nang patagal, lalong nasisiyahan si Jenna sa pakikipag-usap kay Bob. Lahat ng ito ay palihim niyang ginagawa mula sa kaniyang nobyo ng walong taon na si Rico.

Isang hapon, mainit na naman ang ulo ni Jenna dahil naputulan sila ng kuryente. Sa mga oras din na iyon, bumisita sa kanilang bahay ang kaniyang nobyong si Rico.

“Bakit ayaw mong magsalita? Kanina pa kaya kita kinakausap,” panunuyo ng kaniyang nobyo.

“Wala! Umalis ka na nga. Wala akong gana ngayong makipag-usap kahit kanino!” pagsusungit naman ang natanggap ni Rico mula kay Jenna.

“Sige na, minsan na nga lang akong makauwi galing trabaho tapos gan’yan ka pa sa akin,” pangungulit pa nito.

Lalong nainis ang babae at nakaisip ng paraan upang tuluyan na siyang hiwalayan ng nobyo.

“Ayoko na, umalis ka na!” huling sambit ni Jenna kay Rico pagkatapos ay tuluyan na siyang bumalik sa kaniyang silid at nagkulong.

Nagpalipas ng gabi si Rico sa bahay nina Jenna subalit hindi na siya nito muling kinausap pa. Kinaumagahan, kailangan nang bumalik ng binata sa kaniyang trabaho dahil masasayang ang isang araw niyang sahod kung ipagpapaliban niya. Mabigat man sa kaniyang loob, malungkot ang binata na nagpatuloy sa kaniyang buhay kahit na malaki ang kaniyang pagtataka kung bakit sa maliit na bagay ay umayaw na kaagad ang kasintahan.

Makalipas ang ilang araw, mapapansin na palaging umaalis ng bahay ang dalaga. Palagi kasi nitong kinakatagpo ang bagong manliligaw na si Bob. Aniya, ito na ang paraan upang masagip niya ang sarili mula sa kahirapan. Wala kasing disenteng trabaho si Rico dahil nagkukumpuni lamang ito ng mga upuan sa isang shop at kumikita ng napakaliit na halaga.

Nagdaan pa ang ilang mga buwan at nangyari na nga ang inaasan-asam ni Jenna. Inalok siya ng kasal ni Bob at nais nitong mangyari ang kanilang kasal sa lalong madaling panahon. Laking tuwa naman ng dalaga at kaagad niya itong tinanggap.

Dahil sa pagmamadali ni Bob, nagpaalam si Jenna sa kaniyang ina na siya raw ay mag-aasawa na.

“’Ma, magpapakasal na ako! Mayaman na tayo!” masayang balita ang hatid ni Jenna sa kaniyang ina.

“H-ha? Ano’ng ibig mong sabihin diyan, ‘nak?” laking pagtataka naman nito.

“Inalok na akong magpakasal ni Bob, mama!” malakas na hiyaw ang sumunod habang pinapakita ni Jenna ang singsing sa kaniyang daliri.

Marami man ang katanungan sa isip ng ina, hindi na siya kumontra pa dahil kita niya ang malaking ngiti sa mukha ng anak. Pagdaan pa ng ilang linggo, abala si Jenna sa pagpapasikat ng kaniyang bagong buhay at sa nalalapit na kasal.

Hanggang sa dumating na nga araw ng kaniyang kasal. Walang ibang pinangarap si Jenna kundi ang mamuhay nang marangya at hindi na muling mag-uulam pa ng sardinas. Ang pagpapakasal sa lalaking hindi pa niya gaanong kilala ang tanging nakita niyang daan upang makamtan ang ganoong klaseng pamumuhay.

Ilang buwan ang lumipas at tuluyan na ngang nagdalantao si Jenna. Tuwang tuwa siya pati na si Bob sa balitang ito. Subalit habang tumatakbo nang mabilis ang panahon, lalo namang nakikita ni Jenna ang ugali ng lalaking pinili.

Sa bawat panahong nakatira si Jenna sa ilalim ng tahanan ng pamilya ni Bob, ramdam niya ang malamig na trato sa kaniya ng ina nito. Nakikita niya rin kung gaano magsunod-sunuran si Bob na parang isang bata. Kahit na gustuhin niyang kunin ang ina upang makapiling niya, hindi niya ito magawa dahil malaki ang pagtutol ng ina ni Bob doon.

Pagkaraan ng isang taon at kalahati, sa unang pagkakataon ay nakita ni Aling Perry ang kaniyang anak na si Jenna. Ang huling kita niya rito ay noong siya ay ikasal. Simula noon, sa selpon lamang sila nagkakausap ngunit sobrang dalang lamang. Nakita niya ang anak na kaagad na yumapos sa kaniya at umatungal na parang isang bata.

“Mama! Nagkamali ako…” patuloy na atungal ni Jenna sa bisig ng kaniyang ina.

“Ssh. Ssh…” pag-aalo naman ng kaniyang ina habang tinatapik ang kaniyang balikat at ulo.

Muling bumalik sa piling ng kaniyang ina si Jenna. Pilit man niyang ilaban sa korte na kuhain ang anak, hindi niya ito magawa dahil malakas ang kapit ng pamilya ni Bob. Doon niya natuklasan na kasama pala sa mga pinirmahan niya ang isang kasunduan na wala siya ni-pisong makukuha kay Bob kapag nagkahiwalay sila. Buong akala niya’y tunay ang pagmamahal sa kaniya ni Bob subalit isang supling lang pala ang habol nito.

Gumuho man ang mundo ni Jenna, laking pasasalamat niya na mayroon siyang ina na palaging handang saluhin siya sa tuwing siya ay babagsak. Natutuhan ng babaeng ito na ang tagumpay ay hindi palaging nakukuha nang madalian kundi ito ay laging may kalakip na tiyaga, sipag, at pananampalataya.

More Stories