Malabo na Raw na Manalo ang Lalaking Ito sa Darating na Halalan; Nakaisip Siya ng Karumal-dumal na Bagay Upang Makamit ang Inaasam na Pagkapanalo

Malabo na Raw na Manalo ang Lalaking Ito sa Darating na Halalan; Nakaisip Siya ng Karumal-dumal na Bagay Upang Makamit ang Inaasam na Pagkapanalo

HeartbreakingKarmaStoriesSuccess

“Iboto niyo po ang matagal na nating kaagapay sa ating buhay dito sa ating lungsod, numero uno ho iyan sa pagpipilian. Walang iba kundi ang ating mahal na punong lungsod na si Albert Cuevas!” malakas na anunsiyo ang maririnig mula sa kalye ng lungsod ng Sta. Ruiz. Araw-araw man itong marinig ng mga tao sa paligid, wala na silang amor upang muling iboto ang naghahari-hariang alkalde sa kanilang lungsod.

Marami na rin ang mga reklamo mula sa mga residente subalit hindi pa rin nila magawang patalsikin si Albert. Ilang taon na rin itong alkade sa lungsod at wala sinuman ang may lakas ng loob upang pabagsakin ito. Hindi dahil takot ang mga residente kundi sa kadahilanang sa tuwing mayroon lalaban ay hindi rin naman nananalo kahit na gaano pa ito kalakas sa mga residente.

Subalit kamakailan lamang ay mayroong isang residente na si Mang Romeo na nagtatrabaho ng mahigit dalawang dekada sa munisipyo ang biglaang sumikat. Ito ay dahil sa isang bidyo niya kung saan marami siyang mga gawaing mabubuti tulad na lamang ng pagpapakain sa mga batang kalye at pagtulong sa mga may kapansanan. Lahat ng mga ito ay lihim niyang ginagawa nang libre.

Matapos kumalat ang bidyo at impormasyon ng kaniyang mga gawaing mabubuti, maraming mga residente ang humanga sa kaniya. Lahat ng mga suportang iyon ang siyang nagpalakas ng kaniyang loob upang tumakbo bilang alkalde ng kanilang lungsod.

Isang araw, naimbitahan sa isang pistahan si Albert. Taas noo niyang nilakad ang kalye ng barangay na mayroong maraming mga tao. Lahat ng mga tao roon ay tahimik habang naglalakad ang alkalde sa kanilang harapan at kumakaway.

“Yan… Tama iyan. Ipakita ninyo ang respeto ninyo sa akin, mabababang nilalang!” pagmamayabang ni Albert sa kaniyang isipan.

Ilang sandali lamang at bigla na lamang humiyaw ang mga tao at nagtakbuhan papunta sa kaniya. Nabigla siya at nagtakip ng kaniyang ulo dahil dudumugin siya ng mga ito. Subalit nang siya ay tumango, nakita niya ang naghihiyawan at nakangiting mga mamamayan ng kaniyang lungsod na dinudumog si Mang Romeo. Kita sa mga iyon kung sino ang kanilang pambato sa susunod na halalan.

Labis ang pamamahiya ng mga iyon sa kaniya dahil sa ginawang iyon ng mga residente. Dahil sa kaniyang galit, pinadala niya ang mga kapulisan sa barangay at pinautos sa kapitan ang pagpapahinto sa kasiyahan. Bawal ang lumabas at bawal rin ang magkaroon ng mga pagtitipon-tipon.

Isang gabi, isa-isang nagbigay ng report ang kaniyang mga alagad habang siya ay nakaupo pa sa kaniyang opisina.

“Nagpunta raw si Mang Romeo sa Barangay Espada at namahagi ng ilang kilo ng bigas.”

“Nakita ng mga tao ang pamamahagi ng manok at de lata sa isang barangay kung kaya’t dinumog si Mang Romeo ng mga tao doon at sinisigaw ang kaniyang pangalan.”

“Tama na! Tama na!” galit na galit ang alkalde sa mga report na nakakakarating sa kaniya.

Buong gabi ay halos hindi natulog ang alkalde dahil sa labis na galit niya sa mga tao lalong lalo na kay Mang Romeo. Pakiramdam niya ay hindi na siya mananalo ngayong halalan kung kaya kailangan na niyang gumawa ng aksiyon upang mawala sa kaniyang daraanan ang kakumpetensiya.

Kinaumagahan, hindi pa man putok ang araw ay mag-isang umalis ng kaniyang bahay ang alkalde. Wala siyang dalang alagad at nagmaneho mag-isa. Isang oras din ang kaniyang itinagal at natunton na rin niya ang isang liblib na lugar kung saan naroon ang isang misteryosong lalaki.

“Ikaw na ang bahala sa kaniya pati na sa kaniyang asawa. Basta’t siguraduhin mong hindi na sisinagan pa ng araw iyang mag-asawang iyan! Akala ata nila mattaalo na nila ako. Pwes, nagkakamali sila. Malaking pagkakamali ang kinalaban nila ako!” galit na utos ni Albert sa lalaki.

Pagkatapos iabot ang makapal na sobre na naglalaman ng pera, agad nang umalis si Albert. Panatag na muli ang kaniyang kalooban dahil wala nang aagaw ng kaniyang pwesto kung mawawala na rin sa mundong ito ang kalaban niyang si Mang Romeo.

Pumasok sa munisipyo ang alkalde nang nakangiti. Malaki ang pagtataka ng lahat kung bakit maganda yata ang araw ng alkalde. Kahit na may magandang balita tungkol kay Mang Romeo na kinaiinisan niya noon, hindi ito naiinis.

Natapos ang araw ni Albert na panatag ang loob. Ilang oras na lamang at hinihintay niya ang balita kung saan nadispatya na si Mang Romeo kasama ang asawa nito. Subalit dumaan ang ilang mga oras hanggang kinabukasan na walang narinig si Albert kundi katahimikan.

Kinabukasan, maaga na namang pumuslit ang alkalde upang personal na kitain ang lalaking inutusan niya. Nang makarating siya doon, bumuhos ang kaniyang galit dahil wala nang tao sa bahay na naroon. Pati mga gamit nito ay wala na rin. Mabilis siyang bumalik sa kaniyang bahay dahil sa takot na isiwalat siya ng misteryosong lalaki.

Nang marating niya ang bahay, agad niyang pinagkukuha ang mga mamahaling alahas at kayamanang itinatago niya sa kaniyang silid. Kumuha rin siya ng iilang mga damit at akmang aalis na ng lungsod upang saglit na tumakas.

Subalit hindi pa man niya nasisimulang paganahin ang makina ng sasakyan, isang grupo ng kapulisan ang pumalibot sa kaniya sa tapat ng kaniyang sasakyan. Dinakip siya ng mga ito matapos na isiwalat ng lalaki ang kaniyang planong kr*men laban kay Mang Romeo. Dahil ang lalaking iyon pala ay isa sa mga taong natulungan ni Mang Romeo.

Habang nakasadlak sa kulungan ang dating alkalde, pinagsisipa siya ng mga kasama niya sa kulungan dahil sa galit ng mga iyon sa kaniya. Nawalan ng kapangyarihan at yaman si Albert dahil sa kasakiman niya. Natutunan niya na dapat sana ay minahal niya ang kapangyarihan ng pagmamahal, hindi ang pagmamahal sa kapangyarihan.

Nang dahil sa mga nangyari, tuluyan nang nahalal si Mang Romeo bilang bagong alkalde ng kanilang lugar. Ngayon ay sigurado na ang mga mamamayan na nasa mabuting kamay na ang kanilang mga kinabukasan.

More Stories