Inday TrendingInday Trending
Naging Mabuti ang Pakikitungo ng Pamilya sa Kapitbahay Nilang Kapwa Nila Nasalanta ng Bagyo; Ibabalik Pala Nito ang Mabuting Ipinakita Nila Rito

Naging Mabuti ang Pakikitungo ng Pamilya sa Kapitbahay Nilang Kapwa Nila Nasalanta ng Bagyo; Ibabalik Pala Nito ang Mabuting Ipinakita Nila Rito

Malungkot na nakatingin si Karen sa labas ng kanilang bahay mula sa bintana nilang sinira at winasak ng bagyo. Kasalukuyan sila ngayong naglilimas ng kanilang mga gamit, dahil halos pataubin ng nasabing sakuna ang kanilang tahanan. Ganoon pa man ay ipinagpapasalamat pa rin ng pamilya nila na nananatili silang buo at sama-sama. Kahit papaano ay walang nasaktan sa kanila.

Magkatulong ang asawa at ang ama ni Karen sa pag-aayos ng bubong, habang ang kaniyang ina naman at panganay na anak na babaeng labing isang taong gulang pa lang ay katulong ng kaniyang ina sa paglilimas ng natitirang tubig na pumasok sa kanilang bahay. Humupa na ang baha ngunit may natitira pa rin kasing tubig sa unang palapag ng kanilang bahay. Habang siya naman at ang kaniyang apat na taong gulang na bunsong si Kevin ay nasa ikalawang palapag ng kanilang bahay at naglilinis doon. Pinasok din kasi ng mga nilipad na dahon at buhangin ang loob n’on. Kahit papaano, sama-sama pa rin ang buong pamilya nila at magkakatulong silang babangon mula sa naganap na sakuna… malayong-malayo iyon sa sitwasyong dinaranas ng kapitbahay nilang si Glen na ngayon ay mag-isang kinahaharap ang hirap ng buhay.

Wala kasing pamilya ang binata, ’di ’tulad ng pamilya nina Karen. Bukod doon ay halos maubos na rin ang buong kabahayan nito kaya naman ngayon ay lugmok na lugmok ang binata. Sa katunayan ay nakita ni Karen kanina kung papaanong napayuko na lang ito habang sapo ang kaniyang sariling mukha pagkatapos nitong makita ang laki ng pinsala ng bagyo sa kaniyang tirahan.

Dahil doon ay isang ideya ang pumasok sa isip ni Karen. “Mahal,” tawag niya sa kaniyang asawa matapos niyang magluto ng mainit na Arozcaldo bilang panlamang tiyan nila’t panlaban na rin sa lamig ng panahon. “Nakakaawa naman si Glen. Baka hindi pa kumakain ang batang ’yon,” pagsasatinig niya ng iniisip.

“Oo nga, mahal. Nakita ko siya kanina na parang lugmok na lugmok… ano kaya kung tawagin mo siya’t dito muna patuluyin sa atin? Doon mo na lang muna patulugin si Karina sa kwarto natin,” tukoy naman nito sa kanilang anak na babae.

“Iyan nga rin ang nasa isip ko, mahal. Naaawa kasi ako. Parang nakikini-kinita ko ang mga anak natin kay Glen kapag sila’y nagdalga na’t nagbinata,” sagot naman ni Karen.

Matapos ang pag-uusap nilang ’yon ng asawang si Jeff ay lumabas na siya ng bahay at kinaon ang binatang si Glen. Noong una ay ayaw pa nitong sumama dahil sa hiya, ngunit nang magpumilit siya’y pumayag din ito. Agad niya itong hinainan ng masarap na arroz caldo at halos sunod-sunod naman ang naging pagsubo nito kahit umuusok pa sa init ang kinakain nito!

“Dahan-dahan, hijo, baka mabulunan ka,” pabirong anang kaniyang asawa sa binata na ikinatawa nilang lahat.

“Pasensiya na po, Mang Jeff. Gutom na gutom na po kasi ako at napakasarap po nitong iniluto ni Aling Karen,” masigla rin namang sagot ni Glen. “Ang swerte ko po at pinatuloy n’yo ako kahit hindi n’yo ako kaano-ano. Maraming salamat po sa inyong lahat. Napakabuti po ng buong pamilya n’yo,” dugtong pa ng binata.

“Naku, walang anuman ’yon. Basta’t manatili ka muna rito hangga’t hindi ka pa nakakahanap ulit ng matitirahan,” sagot naman ni Karen.

Ganoon nga ang nangyari. Halos tatlong linggo rin ang naging pananatili ni Glen sa kanilang tahanan, hanggang sa maisipan nitong umuwi na lang muna sa kanilang probinsya kung nasaan ang ibang kamag-anak nito.

Dalawang buwan ang nakalipas at hindi na bumalik pa si Glen sa kanilang lugar. Wala na rin silang balita sa binata. Ngunit isang araw ay nagulat na lang sila nang muli itong kumatok sa kanilang pintuan… ngunit hindi na bilang isang nasalanta ng bagyo, kundi isang magara at eleganteng binata!

“G-Glen?!” gulat na bulalas ni Karen nang makita ang hitsura ng binata. Mukha itong mayaman dahil sa pananamit nito.

“Ako nga po, Aling Karen… bumalik po ako para suklian ang lahat ng kabutihang ipinakita n’yo sa akin. Dahil po kasi sa pamilya n’yo ay naisip kong mas maganda pa rin kapag sama-sama kami ng pamilya ko kaya naman bumalik na ako sa puder nila at kinalimutan ang naging alitan namin. Bukod doon ay tinanggap ko na rin ang pamanang iniwan sa akin ng lolo ko kaya ngayon ay ako naman ang magbibigay ng tulong sa inyo,” sabi pa nito.

Napag-alaman nilang hindi naman pala ulila si Glen. Umalis lamang ito sa puder ng kaniyang mga magulang dahil sa isang hindi pagkakaunawaan at iniwan sila pati na rin ang mana ng kaniyang lolo. Nagsilbi palang inspirasyon ang pamilya nina Karen at Jeff para sa kaniya para makipag-ayos sa kaniyang pamilya at ngayon ay nabunutan na ito ng tinik sa lalamunan.

Nang makita ni Glen na hanggang ngayon ay hindi pa rin naaayos ang bahay nina Karen na sinira ng bagyo ay ito na ang nagprisintang magpagawa n’on. Kahit pa anong tanggi ang ginawa nila ay hindi ito pumayag. Bukod doon ay hinandugan sila nito ng limang tricycle na siyang pangunahing transportasyon sa kanilang bayan upang maging kanilang pangkabuhayan!

Lahat ng iyon ay ibinigay ni Glen sa kanila bilang pasasalamat sa pagpapakita nila ng kabutihan sa kaniya, at para sa pagpapakitang walang sakunang makatitibag sa isang pamilyang nagmamahalan.

Advertisement